2022
Naiiba pero Hindi Nag-iisa
Setyembre 2022


Naiiba pero Hindi Nag-iisa

Kung minsan ang pagiging nag-iisang miyembro ng Simbahan ay malungkot.

boy talking to girl in class

Brrrring! Tumunog ang bell para sa huling klase sa araw na iyon. Ngayong nasa middle school na si Megan, iba-iba ang klase niya sa buong maghapon. At napakaraming dapat matutuhan. Masaya si Megan na ang huli niyang klase ay para sa oras ng pag-aaral. Ibig sabihin niyan ay makapagsisimula na siya sa kanyang takdang-aralin.

Umupo si Megan sa tabi ng mesang walang tao. Isang batang lalaking nagngangalang Bennett ang lumapit sa kanya.

“Oy, Megan, Mormon ka, ‘di ba?”

“Miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi ni Megan.

“Kung gayon, sa tingin mo ay isinulat ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon o kung ano man, tama?” tanong ni Bennett.

Mabilis at tahimik na nagdasal si Megan para malaman kung paano sumagot. “Isinalin niya ang Aklat ni Mormon,” sabi niya. “Tinawag siya ng Diyos bilang propeta upang tumulong sa pagbabalik ng Simbahan ni Cristo.”

Ikinunot ni Bennett ang kanyang mukha. “Kahibangan iyan,” sabi nito. Tumawa ito at umalis.

Nag-init ang pakiramdam ng mukha ni Megan. Tumitig siya sa kanyang aklat.

“Oy, Megan.”

Ano na naman ba? Tumingala si Megan. “Ah. Hi, Taj.”

“Pagpasensiyahan mo na si Bennett,” sabi ni Taj. Umupo ito sa tapat niya. “Mukhang mahalaga sa iyo ang sinasabi mo.”

“Salamat,” sabi ni Megan. “Mahalaga nga.”

“Palagay ko ay alam ko ang nararamdaman mo,” sabi ni Taj. “Ako lang ang Hindu sa paaralan. Mahirap kapag hindi sinusubukang unawain ng mga tao ang mga paniniwala mo.”

Kung minsan ay nalulungkot si Megan bilang nag-iisang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang paaralan. Pero hindi niya naisip na baka gayon din ang nadarama ng ibang mga bata.

“Sabi ng mga magulang ko na kapag mapang-away ang isang tao, ibig sabihin ay hindi masaya ang kalooban niya,” sabi ni Megan. Inikut-ikot niya ang lapis sa mga daliri niya. “Iniisip ko baka nalulungkot si Bennett. O nag-iisa.”

Ikiniling ni Taj ang ulo niya. “Sa tingin ko tama ka. Siguro kailangan niya ng kaibigan.”

Ngumiti si Megan. “Siguro dalawang kaibigan ang kailangan niya!”

Kinabukasan sa oras ng pag-aaral, nakita nina Megan at Taj si Bennett na nakaupong mag-isa sa may mesa.

“Hi, Bennett,” sabi ni Taj.

Gulat na tumingin si Bennet. “Hi.”

“Anong pinag-aaralan mo?” Tanong ni Megan, sabay upo sa isang silya.

“Kasaysayan.”

“Para sa quiz bukas?” Umupo rin si Taj.

“Oo,” sabi ni Bennett.

“Napakaraming dapat tandaan,” sabi ni Taj. Tumango si Bennett.

“Siguro puwede nating tanungin ang isa’t isa.” Binuklat ni Megan ang kanyang aklat sa kasaysayan. Naghalinhinan sila sa pagtatanong at pagsagot sa mga tanong hanggang sa tumunog ang bell.

three kids talking in class

“Uy, Megan, pasensya ka na kahapon,” sabi ni Bennett nang tumayo na sila para umalis. “May narinig akong ilang bagay tungkol sa simbahan ninyo kaya naging mausisa ako.” Urong-sulong ang mga paa niya. “Iba ang mga pinaniniwalaan ko, pero dapat naging mas maunawain ako.”

Ngumiti si Megan. “Salamat. Mahalaga sa akin ang simbahan ko, pero OK lang kung magkakaiba tayo ng mga pinapaniwalaang bagay.”

“Palagay ko makakapag-aral tayo nang maayos bilang grupo kahit magkakaiba ang mga paniniwala natin,” sabi ni Taj.

Ngumiti si Bennett. “Palagay ko rin. At palagay ko masasagot natin nang tama ang quiz.”

boy and girl talking at school

Mga paglalarawan ni Mark Robison