Hulaan Mo Kung Sino ang Nagmamahal sa Iyo, Gng. Banks!
Lahat ng ito ay nagsimula sa isang bulaklak …
Gustung-gustong tingnan ni Roxy ang lahat ng bahay sa kanyang lugar habang naglalakad siya pauwi mula sa paaralan. Isang bahay ang may aso na tumatahol at tumatalon at bumababa sa bintana. Isa pang bahay ang may mga humuhuning ibon sa mga puno.
Isa pa rito ang bahay ni Gng. Banks. Si Gng. Banks ay naging titser niya sa grade three, at paborito siya ni Roxy. Laging kinakawayan ni Roxy si Gng. Banks kapag nakikita niya itong nakaupo sa balkon sa harapan. Si Gng. Banks ay mapagkaibigan at masayahin.
Pero ngayon ay walang nakaupo sa silya sa balkon. Mukhang tahimik ang bahay. Maging ang pusa ni Gng. Banks na si Chester ay wala rin.
Naalala ni Roxy na sinabi ng kanyang ina na maysakit si Gng. Banks. Nagpupunta ito sa ospital araw-araw para magpagamot. Nalungkot si Roxy. Gusto niyang gumawa ng magandang bagay para kay Gng. Banks. Pero ano?
Pinagmasdan ni Roxy ang mga bubuyog na palipat-lipat sa mga bulaklak. Pagkatapos ay nakaisip siya ng ideya!
Tumakbo si Roxy pauwi at pumitas ng rosas mula sa kanyang hardin. Bumalik siya sa bahay ni Gng. Banks at inilagay ito sa balkon sa harapan.
Kinabukasan ay naglagay si Roxy ng sunflower sa upuan ni Gng. Banks. At kinabukasan pagkatapos niyon, naglagay siya ng bulaklak na daisy sa pintuan nito sa harapan. Bawat araw sa loob ng dalawang linggo, nag-iiwan si Roxy ng bulaklak para kay Gng. Banks. Nag-ingat siya para hindi siya makita.
Isang araw habang papauwi, nakita ni Roxy si Gng. Banks na nakaupo sa balkon sa harapan. Hawak nito ang ilang bulaklak.
“Roxy,” sabi ni Gng. Banks, “tingnan mo ang magaganda kong bulaklak. May nag-iiwan nito para sa akin. Bawat araw may bagong bulaklak na naghihintay sa akin pag-uwi ko mula sa ospital.”
Ngumiti si Roxy. “Alam po ba ninyo kung sino siya?”
Ngumiti si Gng. Banks. “Kung sino man siya, gusto ko siyang pasalamatan.”
“Siguro isa po siyang tao na nagmamahal sa inyo!” sabi ni Roxy.
“Inaasam kong makakita ng bagong bulaklak bawat araw,” sabi ni Gng. Banks. “Ang unang bulaklak ay nasa balkon ko.”
“Sa tingin po ba ninyo ay iniwan ito ng pusa ninyo?” tanong ni Roxy.
“Mahilig akong iwan ni Chester ng mga sorpresa, pero hindi siya kailanman nag-iwan ng mga bulaklak.” Tumawa si Gng. Banks. “Sino naman kaya ang nag-iwan ng bulaklak sa upuan ko?”
“Ang aso sa lansangan?” Lalong napangiti si Roxy.
“Sa pintuan ko sa harapan?”
“Isang squirrel?”
“Naku,” sabi ni Gng. Banks, na natatawa. “Ngayon ko lang nalaman na napakaraming hayop ang nagmamahal sa akin! Pero talagang naipadama ng mga bulaklak na espesyal ako.”
Halos sumabog ang dibdib ni Roxy sa sobrang saya. Natuwa siya na nakatulong siya na muling mapangiti si Gng. Banks.