“Ako ay Disipulo ni Jesucristo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2024.
Tema ng mga Kabataan para sa 2024
Ako ay Disipulo ni Jesucristo
Maaari mong sundin ang Tagapagligtas at ipalaganap ang Kanyang salita sa iba.
Naisip mo na ba kung bakit, matapos pagalingin ang mga tao, sinabi ni Jesus sa ilan sa kanila na huwag itong sabihin kaninuman (tingnan sa Marcos 7:36)? Ang isang dahilan ay maaaring may kinalaman sa uri ng mga alagad na kinailangan Niya. Maaaring iniisip mo na kung nagkuwento ang mga tao tungkol sa paggaling nila ay magandang paraan sana iyon para makaakit si Jesus ng mga alagad. Gayunman, hindi lamang mga alagad ang kinailangan ni Jesus. Kinailangan niya ng mga disipulo.
Sinabi ni Jesus kina Pedro at Andres, “Sumunod kayo sa akin” (Mateo 4:19). Ganito ang sinasabi sa Pagsasalin ni Joseph Smith, “Ako nga ang siyang isinulat ng mga propeta; magsisunod kayo sa akin” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:18). Ang paanyaya ay hindi ang sumama sa Kanya sandali. Gusto Niyang maging mga disipulo Niya sila magpakailanman.
Hindi Niya gusto na panoorin lang nila Siyang magturo sa mga tao, mahalin ang mga tao, at gumawa ng mga himala. Gusto Niyang gawin din nila iyon. Gusto Niyang maging gawain nila ang Kanyang gawain. Ang kahulugan ng pagpili kay Cristo ay ang matuto silang maglingkod na tulad ng paglilingkod Niya at mag-isip sila na tulad ng pag-iisip Niya. Mamumuhay sila na katulad Niya, at tuturuan Niya sila at bibigyan sila ng tulong na kailangan nila para maging higit na katulad Niya.
Ang salitang Griyego para sa disipulo ay mathetes. Ang kahulugan nito ay higit pa sa alagad o estudyante. Madalas itong isinasalin bilang apprentice. Noong panahon ni Cristo, karaniwa’y pinipili ng mga disipulo ang panginoon kung kanino nila gustong matuto nang nakatuon sa pagiging panginoon nila mismo. Hindi sinunod ni Cristo ang karaniwang gawi. Sa halip ay binaligtad Niya iyon at sa halip ay hinanap Niya ang Kanyang mga disipulo. Ngayon, tinatawag tayo ni Cristo na lumapit sa Kanya. Tinatawag Niya tayo na maging Kanyang mga disipulo at ipahayag ang Kanyang salita sa Kanyang mga tao upang magkaroon sila ng buhay na walang hanggan (tingnan sa 3 Nephi 5:13).
Ipinakita ng isang dalagita mula sa Haiti sa Caribbean ang kanyang hangaring maging disipulo ni Cristo sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanyang kaibigang hindi miyembro ng Simbahan na sumama sa kanya sa isang FSY conference. Noong una ay ayaw pasamahin ng ama nito ang kanyang kaibigan. Ipinaliwanag ng mga lider ng Simbahan ang mga positibong karanasang naghihintay sa kanya at ang napakababait na young adult counselor na magbabantay sa kanya. Pinayagan ng ama ang kanyang anak na dumalo, at matapos makita ang kaibhang ginawa nito sa buhay ng anak, pinayagan din niya itong dumalo sa mga miting ng Simbahan at—pagkaraan ng anim na buwan—mabinyagan.
Ipinakita ng isang binatilyo mula sa Argentina sa South America ang kanyang hangaring maging disipulo ni Cristo sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilang kendi niya sa isang kaibigan habang sakay sila ng bus papasok sa paaralan. Nang makita niya ang isang kendi na may kape, ipinaliwanag niya na hindi niya kailanman nagustuhan ang lasa niyon dahil walang umiinom ng kape sa kanyang pamilya. Humantong iyon sa pag-uusap tungkol sa Simbahan, na nauwi sa isang paanyaya na dumalo sa mga miting, na kalaunan ay humantong sa pagsapi ng kanyang kaibigan sa Simbahan at pagmimisyon sa Chile.
Hindi lahat ng nakakausap ninyo tungkol sa Simbahan o inaanyayahan sa aktibidad ng Simbahan ay nanaising sumapi. OK lang iyon. Hindi rin naman sumapi ang lahat ng nakausap ni Cristo noong panahon ng Kanyang ministeryo sa lupa. Gayunpaman, kapag pinipili nating maging mga disipulo ni Jesucristo at ipinapahayag ang Kanyang salita, bibigyan Niya tayo ng tapang at banal na tulong. Matututuhan natin kung paano maging higit na katulad Niya, at iyan ang ginagawa ng mga disipulo.