Para sa Lakas ng mga Kabataan
Hanapin ang Liwanag!
Enero 2024


“Hanapin ang Liwanag,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon; pambungad sa Aklat ni Mormon

Hanapin ang Liwanag!

Ang Aklat ni Mormon ay naghahatid ng liwanag at kapangyarihan sa iyong buhay para gabayan ka sa mahihirap at masasayang araw na darating.

dalagitang nasa mga banal na kasulatan

Mga paglalarawan ni Gabriele Cracolici

Noong bata pa ako gustung-gusto ko ang kuwento tungkol sa kapatid ni Jared sa Aklat ni Mormon. Parang pelikula sa isipan ko ang kanyang karanasan. Halos parang nangyayari ito habang binabasa ko ang tungkol doon.

Inutusan ng Panginoon ang kapatid ni Jared na gumawa ng mga gabara para matawid nila ng kanyang pamilya ang karagatan papunta sa “lupang pangako” (Eter 2:9). Pero madilim sa loob ng mga gabara. Dahil ayaw nilang maglakbay sa dilim, humingi ng tulong ang kapatid ni Jared sa Panginoon. Tinanong siya ng Panginoon, “Ano ang nais mong gawin ko?” (Eter 2:23).

Taglay ang malaking pananampalataya, nagdala ng 16 na bato sa tuktok ng bundok ang kapatid ni Jared at nanalangin. Hiniling niya sa Panginoon na hipuin ang mga bato “upang ang mga ito ay kuminang sa kadiliman” (Eter 3:4). Pagkatapos ay iniunat ng Panginoon ang Kanyang kamay at hinipo ng Kanyang daliri ang bawat bato, na nagbigay ng liwanag sa mga ito. Buong buhay ko, nakalarawan sa aking isipan ang paghipo ng Panginoon sa mga batong iyon.

Tulad ng kapatid ni Jared na binigyan ng liwanag, maghahatid ng liwanag ang Panginoong Jesucristo sa iyo. Siya “ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan” (3 Nephi 11:11). Inaanyayahan kitang hanapin ang Liwanag! Ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon ay magpapalakas sa iyong pananampalataya kay Jesucristo at tutulungan kang manatiling konektado sa Kanyang Liwanag.

Isang Gabay at Isang Liwanag

Nabasa ko na ang Aklat ni Mormon at nadama ko nang maraming beses na ito ay totoo. Hindi ko ito pinagdudahan kailanman. Kapag hindi ko nadarama ang Espiritu, kapag medyo hindi ako espirituwal na nakaayon, nadarama ko ang kadiliman. Pero kapag binasa ko ang Aklat ni Mormon, nagbabalik ang liwanag. Kung minsa’y kailangan lang magbasa ng isang talata para madama kong muli ang liwanag, pero palagi kong nadarama ang liwanag kapag binabasa ko ito.

Ang pagdaig ng liwanag sa kadiliman ay totoo sa akin. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw.1 Ito ay dahil sa pinalalakas ng Aklat ni Mormon ang pananampalataya mo kay Jesucristo. Naghahatid ito ng liwanag at kapangyarihan. Gagabayan ka ng mga turo nito sa mahihirap at nakatutuwang mga araw na darating.

Pagdama sa Liwanag

Mapalad akong makapaglingkod sa tabi ni Pangulong Nelson. Kapag pumapasok ang propeta sa isang silid, mas sumasaya at nagkakaroon ng pag-asa sa silid. Taglay niya ang Liwanag ni Cristo.

Kung minsa’y mahirap tiyakin na nadarama mo ang Liwanag ni Cristo. Hindi ito nakikita ng pisikal mong mga mata. Dumarating ito bilang mga espirituwal na pakiramdam. Ito ang diwa ng kung ano ang tama at mali at kung ano ang totoo at hindi (tingnan sa Moroni 7:13–19).

Anumang oras na piliin mong maging mas katulad ni Jesucristo, lumalakad ka sa Liwanag ni Cristo. Ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon ay nagpapalakas sa Liwanag na iyon.

“Siyempre, Totoo Ito!”

Talagang naniniwala ako na kapag sinasabi sa mga banal na kasulatan na, “Tandaan, tandaan” (Helaman 5:12), ang ibig sabihin nito ay hindi lang natin dapat alalahanin si Jesucristo o alalahanin na minsan nating nadama ang Kanyang Liwanag. Kailangan nating madama ngayon ang Kanyang Liwanag at madama ito nang paulit-ulit. Iyan ang natuklasan ng binatang si Eric nang una niyang basahin ang Aklat ni Mormon.

Matapos lumipat sa isang bagong lugar at magsimulang mag-aral sa hayskul, nahirapan si Eric sa kanyang mga klase at nahirapan siyang makibagay. Nagsimula rin siyang mag-isip kung mayroon siyang patotoo.

“Sinimulan kong basahin nang seryoso ang Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon sa buhay ko,” sabi ni Eric. “Nagbasa ako at nagdasal araw-araw.”

Nang manalangin at magtanong si Eric sa Ama sa Langit kung totoo ang Aklat ni Mormon, sigurado siyang tatanggap siya ng sagot, pero walang nangyari.

Kalaunan, habang naglalakad sa kakahuyan sa likod ng kanyang bahay, muling nagtanong si Eric. Sa pagkakataong ito, nagkaroon siya ng impresyon, na para bang tinanong siya ng Ama sa Langit, “Eric, ano na ang nangyari sa buhay mo mula nang magsimula kang magbasa ng Aklat ni Mormon at magdasal araw-araw?”

Naisip ni Eric kung paano siya nagkaroon ng mabubuting kaibigan at naging mas mahusay sa paaralan. Hindi niya natanto na naghatid ng liwanag at kapangyarihan ang Aklat ni Mormon sa kanyang buhay.

Pagkatapos ay nangyari ito.

“Wala akong narinig na tinig,” sabi ni Eric, “pero napuspos ng Espiritu ang puso ko nang sumaisip ko ang mga salitang ito: ‘Siyempre, totoo ito!’ Napuspos ako ng kapayapaan, kagalakan, at katiyakan. Nabatid ko na natuklasan ko na rin ang sagot sa akin sa wakas.”2

Pagsulong nang may Liwanag

Mula sa unang pahina nito hanggang sa huli, pinatototohanan ng Aklat ni Mormon na “si Jesus ang Cristo”3 at itinuturo nito sa atin “kung ano ang dapat [nating] gawin upang matamo ang kapayapaan sa buhay na ito at ang walang hanggang kaligtasan sa buhay na darating.”4

Habang pinag-aaralan mo ang Aklat ni Mormon, sana’y madama mo na isinulat ito para sa iyo. Ang mga doktrina sa Aklat ni Mormon at ang magigiting na halimbawa nina Nephi, Lehi at Saria, Abinadi, Alma, Amulek, Abis, ng mga anak ni Mosias, at ng marami pang iba ay magpapasigla, gagabay, at magbibigay sa iyo ng kakayahan na maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo at aakayin kang lumakad nang may tiwala sa Kanyang Liwanag.

Pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ay isang mahalaga at tiyak na patotoo na si Jesucristo ay buhay at Siya ang pinagmumulan ng ating kapanatagan, pag-asa, kapayapaan, kagalakan, at liwanag. Buong puso kong idinadalangin na iyong hanapin ang Liwanag na matatagpuan sa Aklat ni Mormon, mas mapalapit ka kay Jesucristo, at madama mo ang init ng Kanyang liwanag at pagmamahal nang higit kaysa rati.

babaeng nakahawak sa napakalaking notebook at lapis