“Pagiging Disipulo: Kung Ano at Kung Paano,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2024.
Pagiging Disipulo: Kung Ano at Kung Paano
Para malaman kung sino ka talaga at kung ano ang maaari mong kahinatnan, tanggapin kapwa kung ano at kung paano ang maging disipulo ni Jesucristo.
“Sino ako?”
Ito ay isang tanong na hinahanapan ng sagot ng maraming kabataan. Habang ikaw ay lumalago at natututo at umuunlad sa sarili mong natatanging paraan, natural na iniisip mo kung ano ang naglalarawan sa iyo, kung ano ang nagbibigay sa iyo ng iyong identidad. Nagbigay si Pangulong Russell M. Nelson ng ilang mahalagang patnubay tungkol sa tanong na ito:
“Sino ka? Unang-una sa lahat, ikaw ay anak ng Diyos, isang anak ng tipan, at isang disipulo ni Jesucristo. Kapag tinanggap mo ang mga katotohanang ito, tutulungan ka ng ating Ama sa Langit na maabot ang iyong panghuling mithiin na mamuhay nang walang hanggan sa Kanyang banal na kinaroroonan” (“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], broadcasts.ChurchofjesusChrist.org).
Itinuro ni Pangulong Nelson na wala nang ibang mas mahalagang maitatawag sa iyo kaysa sa tatlong pantukoy na titulong ito: (1) anak ng Diyos, (2) anak ng tipan, at (3) disipulo ni Jesucristo.
Ang Identidad ng Isang Disipulo
Pag-usapan pa natin ang pangatlong iyan, disipulo ni Jesucristo. Paano mo tunay na matatanggap ang identidad na ito at paano ka magiging isang disipulo?
Para makasunod sa Tagapagligtas at maging Kanyang disipulo, kailangan mong magtuon kapwa sa kung ano ang ginagawa mo at kung paano mo ito ginagawa.
Halimbawa, nais ng Tagapagligtas na magbigay tayo sa iba at maglingkod sa kanila, pero inaanyayahan Niya tayong gawin iyon nang kusang-loob at masaya sa halip na nang laban sa kalooban. Kapag gusto nating magbigay at maglingkod, matatanggap natin ang mga pinakadakilang gantimpala ng pagiging tunay na disipulo. (Tingnan sa 2 Corinto 9:7; Moroni 7:8.)
Kaya, tingnan natin kung ano ang ginagawa ng mga disipulo at kung paano nila ito ginagawa.
Ano ang Ginagawa ng Isang Disipulo
Narito ang ilan sa maraming bagay na maaaring gawin ng isang disipulo ni Cristo para masunod ang Tagapagligtas.
-
Manampalataya sa paraan ng pagsampalataya ng mga disipulo.
-
Maglingkod sa paraan ng paglilingkod ng mga disipulo.
-
Magdasal sa paraan ng pagdarasal ng mga disipulo.
-
Mag-aral sa paraan ng pag-aaral ng mga disipulo.
-
Magsisi sa paraan ng pagsisisi ng mga disipulo.
-
Mag-isip sa paraan ng pag-iisip ng mga disipulo.
-
Mahalin ang Diyos sa paraan ng pagmamahal ng mga disipulo sa Diyos.
-
Mahalin ang iba sa paraan ng pagmamahal ng mga disipulo sa iba.
-
Magturo sa paraan ng pagtuturo ng mga disipulo.
-
Magtiis sa paraan ng pagtitiis ng mga disipulo.
Paano Ito Ginagawa ng Isang Disipulo
Narito ang ilang paglalarawan kung paano maaaring gawin ng isang disipulo ang mga bagay na ito. Marami sa mga paglalarawang ito ang maaaring angkop sa ilan sa mga bagay na ito. Ang ilan sa mga ito ay maaaring angkop sa lahat.
-
May puso’t isipang nakasentro kay Jesucristo
-
May kusang-loob
-
May pagpapakumbaba
-
May pagmamahal
-
May kasipagan
-
Regular
-
Buong-puso
-
May pagsusumigasig
-
Taos-puso
-
Walang kinikilingan o diskriminasyon
-
May pagpapasensya
-
May tapang
-
May lakas-ng-loob
-
Nakatuon sa pangangailangan ng iba
-
Nakasentro sa mga banal na kasulatan
-
Walang pag-aalinlangan
-
May kabanalan
-
Puno ng pag-asa
-
May hangaring maging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo
-
Walang mga nakakaabala
Maaari kang makinabang sa pag-iisip kapwa sa kung ano ang ginagawa mo para masunod ang Tagapagligtas at kung paano mo ito ginagawa. Kung sa pakiramdam mo ay dapat kang gumawa ng ilang partikular na pagbabago sa alinmang kategorya, maganda iyan. Malamang na ipinahihiwatig sa iyo ng Espiritu na maging mas mabuti pang disipulo.
Isang Identidad na Dapat Tanggapin at Pahalagahan
Tulad ng sabi ni Pangulong Nelson, ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay mahalagang bahagi ng iyong pagkatao. Sa pagtanggap at pagpapahalaga mo sa identidad na ito, tutulungan ka ng iyong Ama sa Langit na maging tao na alam Niyang maaari mong kahinatnan—ang tao na talagang nais mo, sa iyong kaibuturan, na kahinatnan.