Para sa Lakas ng mga Kabataan
Isang Piloto sa Hukbo ng Panginoon
Enero 2024


“Isang Piloto sa Hukbo ng Panginoon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2024.

Isang Piloto sa Hukbo ng Panginoon

Si Lamar F. mula sa East Midlands ng England ay may malalaking mithiin kaya palagi siyang masaya at may pag-asa, kahit mahirap ang mga bagay-bagay.

eroplano

Mga larawang kuha na ibinigay ni Satomi Folkett

“Noon pa man ay gusto ko nang magpalipad ng mga eroplano,” sabi ng 17-taong-gulang na si Lamar F. Nang ikuwento sa kanya ng isang kaibigang kasa-kasama niya noon sa wheelchair racing ang tungkol sa isang British charity na tumutulong sa mga taong may kapansanan na matutong magpalipad, nasabik si Lamar na subukan iyon.

Matatayog na Pangarap

Nag-sign up siya para sa dalawa sa mga programa ng kawanggawa. Ang isa sa mga iyon, ang Junior Aspiring Pilots Program (JAPP), ay nilikha lalo na para sa mga kabataan sa pagitan ng edad 12 at 18. Ang mga programang ito at iba pang mga solo lesson ay naglalapit sa kanya sa kanyang malaking mithiin—ang makuha ang kanyang Private Pilot License.

Bahagi ng kanyang inspirasyon ang nagmumula sa kanyang pamilya. Ang ama-amahan ni Lamar ang unang taong nagganyak sa kanya sa pagpapalipad ng eroplano, at dinadala siya nito sa mga airshow taun-taon. Kalaunan, matapos siyang ampunin ng isa pang pamilya sa edad na apat na taon, patuloy na lumago ang interes ni Lamar sa pagpapalipad ng eroplano nang makita niya na nakakuha ng lisensya ng piloto ang kanyang ama-amahan. “Siya ang inspirasyon ko sa kagustuhan ko na maging piloto,” sabi ni Lamar. Ngayo’y maaari nang sumama ang ama-amahan ni Lamar sa kanya sa pagpapalipad ni Lamar ng single-propeller, five-seater na mga eroplano na pinag-aaralan niyang paliparin.

pamilya

Ang mga magulang ni Lamar (na nasa magkabilang tabi niya sa retratong ito) ang ilan sa pinakamalalaki niyang suporta.

binatilyo sa tabi ng eroplano

Sa unang pagpapalipad ni Lamar ng isang tunay na eroplano, kinabahan siya na baka hindi niya matandaan ang lahat ng bagay. “Mabilis akong nagdasal nang tahimik bago ako sumakay, at napanatag ako,” sabi niya. Kapag nahihirapan siya ngayong maalala ang isang bagay habang nasa ere, ang maiikli at tahimik na dasal na iyon ang tumutulong sa kanya na gawin ang kailangan niyang gawin. Kahit wala ang tatay niya sa upuan sa likuran, alam ni Lamar na lagi niyang kasama ang kanyang Ama sa Langit.

binatilyong nasa loob ng eroplano

Ang Hukbo ng Panginoon

Hindi lamang paglipad ang nagpapasigla sa espiritu ni Lamar. “Noon pa man ay malaking tagahanga na ako ng British military, sa lahat ng bagay, mula sa royal coronation hanggang sa libing,” sabi niya.

binatilyo sa harap ng mga estatwa ng mga sundalo
binatilyong nagpapakintab ng sapatos

“Dahil sa mga kapansanan ko, hindi ako makasali sa military,” sabi ni Lamar. Pero isa sa mga dati niyang lider sa Young Men na dating sundalo ang nakahikayat kay Lamar. “Palagi niyang ipinapaalala sa akin noon na hindi ko kailangang sumali sa isang makamundong militar dahil nasa hukbo na ako ng Panginoon,” sabi ni Lamar. “Ang makasama sa hukbo ng Panginoon ay nagpapadama sa akin na anuman ang maranasan ko sa buhay, anuman ang gawin sa kin ng sinuman, nasa tabi ko si Jesucristo.”

binatilyong may kasamang lalaki

Si Brother Bayliss, ang Young Men leader ni Lamar, ay hinikayat siyang sumali sa “Hukbo ng Panginoon.”

Sa kolehiyo ng mga may espesyal na pangangailangan na kanyang dinadaluhan, sinisikap ni Lamar na tulungan ang iba pang mga kaedad niya na sumali sa hukbo ng Panginoon habang ibinabahagi niya ang ebanghelyo sa kanila. “Kadalasan, walang pumapansin sa akin,” sabi niya, “pero paminsan-minsan, may nagkakainteres. Dahil sa ilan sa mga pangangailangan ko sa ngayon, hindi isang opsiyon ang full-time mission. Pero ganito ang tingin ko rito: Hindi ko kailangan ng name tag para maging isang missionary.”

Dahil kakaunti ang mga kabataan sa kanyang ward, karamihan sa mga kaibigan ni Lamar ay hindi mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi iyan palaging madali sa paaralan, lalo na, tulad ng sabi ni Lamar, kapag “napakaraming” tukso. “Maraming estudyanteng nagsasalita tungkol sa di-angkop na mga bagay at nakikinig sa di-angkop na tugtog o musika. Karaniwan, kapag may nangyayaring ganito, umaalis na lang ako at pumupunta sa isang silid kung saan walang nangyayaring ganoon.”

binatilyong may hawak na watawat

Manatiling Matatag

Kapag dumarating ang mga tukso o hindi interesadong makinig ang iba tungkol sa ebanghelyo, itinataas ni Lamar ang paborito niyang talata: “Ngunit sa ganang akin at ng aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon” (Josue 24:15).

“Ang talatang ito ay nakatulong sa akin na manatiling matatag sa pananampalataya kay Jesucristo,” sabi niya. Napakahalaga nito lalo na kay Lamar sa kanyang sariling pamilya. Noong 10 taong gulang si Lamar, tumigil ang kanyang ama sa pagsisimba. “Mas bata pa ako noon, kaya hindi ko iyon lubos na naunawaan,” sabi niya. “Sinikap kong kumbinsihin siyang bumalik. Pero nalaman ko na hindi iyon tungkol doon. Bigyan mo sila ng panahon.”

Malapit pa rin si Lamar sa kanyang ama-amahan at nagpapakita ng pagmamahal dito sa araw-araw na paraan, tulad ng pagsasabi rito kung ano ang nangyari sa simbahan o pag-uukol ng oras sa piling nito. “Itinuturo niya sa akin palagi na anuman ang pinagdaraanan mo, kailangan mong manatiling matatag.” Sa sinumang kabataan na may mga kapamilyang hindi aktibo sa Simbahan, dagdag pa niya, “Manatiling matatag. Manghawakan sa inyong pananampalataya. Huwag sumuko, anuman ang mangyari.”

Jesucristo

Paghahanap kay Cristo Kapag Mahirap ang mga Bagay-Bagay

Nakasumpong din ng lakas-ng-loob si Lamar kay Cristo sa iba pang mga personal na paraan. “Dumaranas ako ng matinding pagkabalisa kung minsan,” sabi ni Lamar. “Palagay ko ang pinakadakilang taong magbibigay sa akin ng lakas-ng-loob na magpatuloy ay si Jesucristo mismo. Napakarami Niyang pinagdaanan, pero nagpatuloy Siya sa Kanyang misyon.”

Kapag masama talaga ang araw ni Lamar, madalas niyang isipin na pinalalakas ng Tagapagligtas ang loob niya, na sinasabing, “Kaya mo ito. Kaya mong lampasan ang anumang bagay.”

Humuhugot din siya ng lakas mula sa kanyang ina-inahan at ama-amahan, mga kaibigan, at iba pang mga taong malapit sa kanya. “Nagkaroon ng isang pagkakataon na medyo nagkamali ako ng landas,” sabi ni Lamar. Pero dahil sa isang magandang support system, nabago niya ang kanyang landas at napalakas ang kanyang patotoo kay Cristo.

“Pinalalakas ko pa rin ang aking patotoo,” sabi niya, “pero napakagandang maging bahagi ng hukbo ng Panginoon at sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Isang bagay ito na gustung-gusto ko.”

Maaaring may mga tagumpay at kabiguan siya sa buhay, pero alam ni Lamar kung ano ang palaging nagbibigay sa kanya ng sigla. “Anuman ang mga pagsubok o problemang pinagdaraanan mo, sasamahan ka ng Ama sa Langit dahil nagmamalasakit Siya sa iyo at mahal Ka Niya.”