“Maraming Paraan para Matuto,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2024.
Maraming Paraan para Matuto
Gusto mo bang gawing medyo mas maganda ang mundo? Nagsisimula itong lahat sa pag-alam kung paano.
Ano ang kinalaman ng pagkatutong manggupit ng buhok sa pag-aayos ng mga ilaw sa entablado?
“Bahagi itong lahat ng plano ko,” sabi ni Lisa, isang young adult na nasa kanyang unang taon na ngayon sa kolehiyo.
Nagsimula si Lisa sa cosmetology school sa edad na 16. Nakakita pa siya ng isang programa kung saan nakadalo siya nang mas maikling oras sa high school para makapag-training siya sa cosmetology school sa hapon. Sa kabila ng kanyang kasalukuyang pagtutok sa theater tech, naging matagumpay ang mga pagsisikap niyang mag-aral ng cosmetology sa tulong ng pagtatrabaho sa isang salon. Sa katunayan, lahat ay unti-unting nangyayari ayon sa inaasam niya.
“Gusto kong magkaroon ng isang kasanayang magagamit ko para makabayad ako ng matrikula sa kolehiyo,” sabi ni Lisa. “At, hinahayaan ako nitong maglingkod sa ibang mga tao at mag-ipon ng pera sa panggugupit ko ng buhok ng mga kapamilya habang nabubuhay ako!”
Bakit Tayo Natututo
“Nais ng Ama sa Langit na laging natututo ang Kanyang mga anak na babae at lalaki.”1 Narito ang ilan sa maraming paraan na isang malaking pagpapala ang habambuhay na pagkatuto:
-
Mas matutulungan at matuturuan ninyo ang inyong mga kaibigan, kapamilya, at iba pa.
-
Mas makapaglilingkod kayo sa Simbahan at sa inyong komunidad.
-
Magkakaroon kayo ng mas maraming kasanayan para mas madaling makahanap ng trabaho at maging self-reliant.
-
Madadala ninyo ang inyong kaalaman pagkamatay ninyo.
-
Kapag aktibo ninyong sinasanay at ginagamit ang inyong utak, mananatili itong mas malusog.
Paano Tayo Natututo
Sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan ay nalalaman natin na dapat tayong “Maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118; tingnan din sa 130:18). Mas maraming pagkakataon ngayon na matuto kaysa rati, tulad ng:
-
Pormal na pag-aaral, pati na sa kolehiyo, unibersidad, at mga trade school.
-
Paghahangad ng kaalaman “mula sa pinakamabubuting aklat” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Maaari mo ring idagdag, “ang pinakamagagandang digital sources.”
-
Direktang pagkatuto mula sa mga kaibigan at kapamilya.
Mga ideya para sa aktibidad! Magtakda ng “skill swap” na aktibidad sa pagtuturo sa inyong branch o ward. Lahat ay pupunta na handang magturo ng isang bagay na alam nilang gawin.
-
Panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan.
-
Tapat na pamumuhay para maging karapat-dapat sa palagiang patnubay ng Espiritu Santo, na “magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay” (Juan 14:26).
-
Pag-eksperimento, malikhaing pag-iisip, at pagsisikap. Ang maganda tungkol sa kaalaman ay na mas maraming natututuhan araw-araw. Maaari kang magdagdag sa imbak ng kaalaman sa mundo.
Kapag Natututo Tayo
Sa huli, nag-aaral man kayo kung paano manggupit ng buhok tulad ni Lisa o nag-aaral kung paano bumuo ng teknolohiya ng enerhiya para sa susunod na henerasyon, ipinapaalala sa atin ni Pangulong Nelson na palaging may pinakamainam na panahon para gawin ang mga gawaing iyon:
“Oo, dapat tayong matuto mula sa nakaraan, at oo, dapat tayong maghanda para sa hinaharap,” pagtuturo niya. “Ngunit tanging ngayon lang tayo makakakilos. Ngayon ang panahon para matuto tayo. … Ngayon ang panahon para mapagpala natin ang iba.”2
Ngayon, kung gayon. Ano ang gusto ninyong matutuhan ngayon?