Para sa Lakas ng mga Kabataan
Disipulo sa Disipulo
Enero 2024


“Disipulo sa Disipulo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2024.

Tema ng mga Kabataan para sa 2024

Disipulo sa Disipulo

Paano ka maaaring maging disipulo ni Jesucristo? Mas simple ito kaysa inaakala mo. Tingnan ang mga halimbawang ito na ibinahagi ng mga kabataan tungkol sa mga disipulo sa kanilang buhay.

mga binatilyo

Kyler C., edad 13

Mula sa Guayas, Ecuador. Mahilig maglaro ng basketball at tumugtog ng biyolin.

Tinuruan ako ng dalawa sa mga kaibigan ko sa simbahan, sina Arick at Mike, ang nagturo sa akin ng kahalagahan ng pagiging disipulo ni Jesucristo. Ang kanilang halimbawa ay nakatulong sa akin na lalong hangaring magmisyon. Ngayo’y sabik na akong magbahagi tungkol kay Jesucristo sa mga nangangailangan.

Mabubuting halimbawa rin ni Cristo ang mga kaibigan ko sa paraan ng kanilang pagsasalita. Marami na silang naibahaging karanasan sa akin tungkol sa pagsunod kay Jesucristo, na nakahikayat sa akin na mas mapalapit sa Kanya. Halimbawa, itinuro sa akin ng kaibigan ko na kapag may tanong tayo, maaari tayong magtanong sa Diyos. At paano natin malalaman kung sumagot na Siya? Malalaman natin sa ating puso. Iyon ang Espiritung nagsasabi na kinakausap tayo ng Diyos at na pinipili natin ang tamang landas. 

dalagita at binatilyo

Ayotunde Raphael A., edad 15

Mula sa Oyo, Nigeria. Mahilig sa pagsasayaw, isports, at pagtuturo kasama ng mga missionary.

Ang kaibigan kong si Ewa (palayaw ng Ewaoluwa) ay isang halimbawa sa akin ng disipulo ni Cristo. Minsa’y nasaktan niya ang kalooban ko, at nagalit ako sa kanya. Pagkatapos ay humingi siya ng tawad sa akin. Sa prosesong iyon, natuto ako ng pagpapakumbaba at pagpapatawad mula sa kanya. Nagpakumbaba siya nang husto nang humingi siya ng tawad, at pinatawad ko siya.

Para sa akin, ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay ang sundin ang mga utos ng Ama sa Langit, mahalin ang Diyos at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at higit na magmalasakit sa iba.

binatilyo

Gabriel A., edad 12

Mula sa Oyo, Nigeria. Mahilig maglaro ng football (soccer).

May kilala akong isang bata sa simbahan na dating bully, pero isang araw ay bigla siyang nagbago. Nagpasiya akong itanong sa kanya, “Bakit ka nagbago?” Sinabi niya sa akin na nagdasal siya, nagbasa ng kanyang mga banal na kasulatan, nagkaroon ng pananampalataya, at nagsikap na baguhin ang kanyang pag-uugali. Nakatulong ito sa akin dahil ngayon kapag gusto kong gumawa ng desisyon, sa pag-aaral man o sa espirituwal, karaniwa’y ipinagdarasal ko na gabayan ako ng Diyos.

Maaaring hindi perpekto ang kaibigan ko, pero naantig ang puso ko sa pag-uugali niya. Ngayo’y karaniwang nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan bago ako gumawa ng anumang hakbang sa buhay ko. Ang halimbawa ng kaibigan ko ay lalong naglapit sa akin kay Cristo dahil anumang oras na magkasala ako, maaari akong lumapit sa Panginoon sa panalangin at pagsisisi. Ang paglapit sa Panginoon ay nakatulong sa akin na isantabi ang aking mga pasanin.