Para sa Lakas ng mga Kabataan
Pagtuklas sa Bago
Enero 2024


“Pagtuklas sa Bago,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

1 Nephi 3–4; 17–18

Pagtuklas sa Bago

Narito ang isang masayang object lesson na maaari mong ituro sa iyong pamilya o klase sa oras ng pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa buwang ito.

Pagtuklas sa Bago

I-download ang PDF

Kapag sinubukan mo ang isang bagong bagay, maaari mong madama tulad ni Nephi na naghahanap sa mga laminang tanso, “nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat [mong] gawin” (1 Nephi 4:6). Pero tandaan, hindi ka nag-iisa kailanman, lalo na kapag gumagawa ka ng isang bagay na iniutos ng Diyos.

1. Sa Simula ay Hindi pa Nalalaman

Bigyan ang bawat tao ng isang pirasong papel. Pero huwag sabihin sa kanila kung para saan ito. Sa halip, pag-usapan kung paano tayo madalas makatanggap ng paghahayag mula sa Diyos sa paisa-isang hakbang, tulad ng pagkuha ni Nephi sa mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 3–4) o paggawa ng sasakyang-dagat (tingnan sa 1 Nephi 17–18).

2. Taludtod sa Taludtod

Heto na ang masayang parte! Basahin nang malakas ang mga tagubiling ito nang paisa-isa para tulungan ang iyong grupo na itupi ang sarili nilang mahiwagang obra-maestra. (Mahirap kapag walang mga larawan! Kung kailangan nila ng karagdagang tulong, hayaan silang sumilip nang kaunti paminsan-minsan.)

3. Paghahayag: Inaakay ng Espiritu

Dapat ay mayroon na ngayon ang iyong pamilya o klase ng mga bagong bangkang papel! Mag-ukol ng ilang minuto para pag-usapan ang mga pagkakataon na kinailangan ninyong lahat ang patnubay ng Diyos nang “taludtod sa taludtod.” Maaari mo pa ngang sulatan o drowingan ng isang bagay ang mga bangka mo para alalahanin ang mga pagkakataong iyon.

Kapag may bagong bagay o pangyayari ngayon sa buhay mo, huwag kalimutang humingi ng paghahayag mula sa Diyos. Tandaan, lagi Siyang maghahanda ng paraan para magawa mo ang Kanyang ipinagagawa (tingnan sa 1 Nephi 3:7).

Mga Tagubilin

  1. Hawakan ang papel na nasa ibabaw ang maikling gilid. Itupi sa kalahati, mula sa ibabaw pailalim.

  2. Muling itupi sa gitna mula kaliwa pakanan, pagkatapos ay iladlad ang tuping kagagawa mo pa lang.

  3. Habang nasa nakatuping gilid sa ibabaw, kunin ang dalawang sulok sa ibabaw at itupi ang mga iyon papunta sa ilalim ng tupi sa gitna. Dapat itong magmukhang tatsulok na may parihaba sa ilalim.

  4. Kunin ang maliit na flap ng papel sa ilalim ng iyong tatsulok at itupi ang ibabaw na layer pataas. Ibaligtad ito at ulitin sa flap ng papel sa kabilang panig.

  5. Ibuka ang parteng ilalim para magmukha itong sumbrero.

  6. Patuloy na hilahin hanggang sa magtagpo ang dalawang dulo at pipiin ito hanggang sa maghugis-diyamante.

  7. Sa bukas na dulo sa ilalim, itupi ang unang layer pataas sa ibabaw ng diyamante. Baligtarin at ulitin sa kabilang panig. Dapat itong magmukhang tatsulok.

  8. Buksan ang parteng ilalim at pipiin ito tulad ng ginawa mo sa step 5 at 6 para maghugis-diyamante.

  9. Dapat ay may dalawang flap na tatsulok ang ibabaw ng iyong diyamante sa kaliwa at sa kanan. Hilahin ang mga iyon palabas at pipiin ang mga iyon para magkaroon ka ng nakabaligtad na trapezoid. Pagkatapos ay itulak palabas ang mga gilid para tumayo itong mag-isa.