Pagiging Katulad Niya
Tanging sa Kanyang banal na tulong tayo makasusulong sa pagiging katulad Niya.
Kahit sa pinakamaiingat na estudyante ng buhay at ministeryo ni Jesucristo, ang payo ng Tagapagligtas na “maging katulad ko” 1 ay nakakapanghina-ng-loob at tila imposibleng gawin. Baka katulad kita—alam ang lahat ng iyong mga mali at kabiguan, kaya maaaring sa isip mo mas komportableng tahakin ang landas na walang pag-akyat at kaunti ang pag-unlad. “Tiyak na ang turong ito ay di-makatotohanan at sobra naman,” pangangatwiran natin, habang komportable nating pinipili ang landas na di-gaanong mahirap, at kaunting calorie ng kinakailangang pagbabago lang ang nasusunog.
Pero paano kung ang pagiging “katulad [Niya]” ay hindi patalinghaga, kahit sa ating mortal na kalagayan? Paano kung, kahit paano, ay kayang makamit sa buhay na ito at, tunay na, kailangan para muli Siyang makapiling? Paano kung ang “maging katulad ko” ay ang talagang ibig sabihin ng Tagapagligtas? Ano ang kasunod nito? Gaano kalaking pagsisikap ang handa nating ibigay para maanyayahan ang Kanyang mahimalang kapangyarihan sa ating buhay para mabago natin ang ating likas na pagkatao?
Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Kapag iniisip natin na inutusan tayo ni Jesus na maging tulad Niya, nakikita natin na ang kalagayan natin ngayon ay hindi naman talaga masama, ngunit, sa halip, hati ang ating puso at kulang ang ating sigasig para sa Kanyang layunin—na siya ring ating layunin! Nagpupuri tayo ngunit bihira natin Siyang tularan.” 2 Isang batang ministro, si Charles M. Sheldon, ang nagpahayag ng ganito ring damdamin: “Gustung-gusto ng ating Kristianismo ang kaluwagan at kapanatagan kaysa pasanin ang anumang bagay na magaspang at mabigat na gaya ng krus.” 3
Sa katunayan, lahat ay inutusang maging katulad Niya, tulad ni Jesucristo na naging katulad ng Ama. 4 Sa ating pagsulong, tayo ay nagiging mas kumpleto, mas tapos, at mas ganap na buo. 5 Ang gayong aral ay hindi batay sa mga doktrina ng iisang sekta kundi galing mismo sa Guro. Ayon sa pananaw na ito dapat mamuhay ang tao, na isinasaalang-alang ang mga ugnayan, at itinataguyod ang mga relasyon. Tunay na walang ibang paraan para pagalingin ang mga sugat ng nasirang ugnayan o hating lipunan kundi ang higit na tularan ng bawat isa sa atin ang Prinsipe ng Kapayapaan. 6
Pag-isipan natin kung paano sisimulan ang isang pinag-isipan, kusang-loob, at sinadyang layunin ng pagiging tulad Niya sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mismong mga katangian ni Jesucristo.
Magpasiya at Gawin
Ilang taon na ang nakalipas, kaming mag-asawa ay nasa bungad ng landas paakyat ng pinakamataas na bundok sa Japan, ang Mount Fuji. Nang nagsimula kaming umakyat tiningala namin ang malayong tuktok at inisip kung mararating ba namin iyon.
Habang umaakyat, naramdaman namin ang pagod, sakit ng kalamnan, at mga epekto ng pagtaas ng altitude. Sa isipan, naging mahalaga na magtuon lang kami sa susunod na hakbang. Sinabi naming, “Maaaring hindi ko marating ang tuktok, pero kaya kong gawin ang susunod na hakbang na ito ngayon.” Sa paglipas ng oras, ang mahirap na gawain ay nakayang gawin—sa paisa-isang hakbang.
Ang unang hakbang sa landas ng pagiging tulad ni Jesucristo ay ang magkaroon ng hangarin na gawin ito. Ang pagkaunawa na ang payo na maging tulad Niya ay mabuti, ngunit kailangan itong lakipan ng hangaring baguhin ang ating sarili, sa paisa-isang hakbang, nang higit pa sa kaya ng likas na tao. 7 Upang magkaroon ng hangarin, kailangan nating malaman kung sino Siya. Kailangang malaman natin ang Kanyang pagkatao, 8 at dapat nating hanapin ang Kanyang mga katangian sa banal na kasulatan, sa pagsamba, at iba pang mga banal na lugar. Habang mas nakikilala natin Siya, nakikita natin sa ibang tao ang Kanyang mga katangian. Makahihikayat ito sa sarili nating pagsisikap, dahil kung naipamumuhay kahit papaano ng ibang tao ang Kanyang mga katangian, makakaya rin natin itong gawin.
Kung tapat tayo sa ating sarili, ang Liwanag ni Cristo 9 na nasa ating kalooban ay bubulong na may distansya pa sa kung nasaan tayo kumpara sa hangad nating katangian ng Tagapagligtas. 10 Mahalaga ang gayong katapatan para umunlad tayo sa pagiging katulad Niya. Tunay na ang katapatan ay isa sa Kanyang mga katangian.
Ngayon, maaaring isaalang-alang ng matatapang sa atin na tanungin ang isang pinagkakatiwalaang kapamilya, asawa, kaibigan, o espirituwal na lider kung anong katangian ni Jesucristo ang kailangan pa natin—at maaaring kailangan nating ihanda ang ating sarili sa sagot! Kung minsan nakikita natin na nag-iiba ang anyo natin sa harap ng fun-house mirror, kung saan nagmumukha tayong mas mabilog o mas payat kaysa sa totoong anyo natin.
Ang pinagkakatiwalaang mga kaibigan at kapamilya ay makatutulong sa atin na makita ang sarili natin sa mas tamang paraan, ngunit kahit sila na mapagmahal at matulungin ay hindi perpekto ang pagtingin sa mga bagay-bagay. Dahil dito, mahalagang hingin din natin sa ating mapagmahal na Ama sa Langit ang kailangan natin at kung saan tayo dapat magtuon ng pansin. Perpekto ang kaalaman Niya tungkol sa atin at mapagmahal na ipakikita sa atin ang mga kahinaan natin. 11 Marahil matututuhan mo na kailangan mo ng dagdag na tiyaga, pagpapakumbaba, pag-ibig sa kapwa, pagmamahal, pag-asa, sigasig, o pagsunod. 12
Kamakailan lamang, sinabihan ako nang diretsahan ng isang mapagmahal na lider ng Simbahan kung anong katangian ang maaari ko pang pagbutihin. Nang may pagmamahal, hindi niya binaluktot ang katotohanan. Noong gabing iyon, ikinuwento ko sa asawa ko ang karanasang ito. Siya ay napakamahabagin din kahit na sumang-ayon siya sa mungkahi ng lider. Pinagtibay sa akin ng Espiritu Santo na ang payo nila ay mula sa mapagmahal na Ama sa Langit.
Makatutulong din na matapat na kumpletuhin ang aktibidad ukol sa katangian ni Cristo sa kabanata 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. 13
Kapag nakagawa ka na ng tapat na pagsusuri at nagpasiyang simulan ang pag-akyat sa bundok, kakailanganin mong magsisi. Mapagmahal na itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. Pinipili nating umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan—ang kagalakan na matubos Niya. Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating maging higit na katulad ni Jesucristo!” 14
Ang pagiging katulad ni Jesucristo ay nangangailangan ng pagbabago sa ating puso at isipan, ng ating mismong pagkatao, at ang paggawa nito ay posible lamang sa nagliligtas na biyaya ni Jesucristo. 15
Tukuyin at Kumilos
Ngayon na nagpasiya ka nang magbago at magsisi at humingi ng patnubay sa pamamagitan ng panalangin, tapat na pagninilay, at posibleng pagpapayo sa iba, kakailanganin mong pumili ng katangian na pagtutuunan mo ng pansin. Kakailanganin mong mangako na mas magsisikap pa nang mas mabuti. Ang mga katangiang ito ay hindi darating nang biglaan at walang pagsisikap, ngunit sa Kanyang biyaya darating ang mga ito kapag nagsisikap.
Ang mga katangiang tulad ng kay Cristo ay mga kaloob mula sa mapagmahal na Ama sa Langit para pagpalain tayo at ang mga nasa paligid natin. Dahil dito, ang pagsisikap natin para makamit ang mga katangiang ito ay mangangailangan ng taos-pusong pagsamo para sa Kanyang banal na tulong. Kung hahangarin natin ang mga kaloob na ito para mas mapaglingkuran ang iba, pagpapalain Niya tayo sa ating pagsisikap. Ang makasariling paghahangad ng kaloob mula sa Diyos ay hahantong sa pagkabigo at pagkasiphayo.
Sa pagtutuong mabuti sa isang kailangang katangian, sa pagsulong mo sa pagkakaroon ng katangiang iyon, magsisimulang mapasaiyo ang iba pang mga katangian. Ang isang tao bang nakatuon nang mabuti sa pagmamahal sa kapwa ay hindi magkakaroon ng dagdag na pagmamahal at kababaang-loob? Ang tao bang nakatuon sa pagsunod ay hindi magkakaroon ng dagdag na sigasig at pag-asa? Ang iyong makabuluhang pagsisikap na magkaroon ng isang katangian ay nagiging parang pagtaas ng tubig na nag-aangat sa lahat ng bangka na nasa daungan.
Itala at Itaguyod
Mahalaga para sa akin na habang nagsisikap akong maging katulad Niya, na itala ko ang mga karanasan at natututuhan ko. Habang inaaral ko ang isa sa Kanyang mga katangian sa aking isipan, nagiging bago ang mga banal na kasulatan dahil nakikita ko ang mga halimbawa ng mga katangiang ito sa Kanyang mga aral, ministeryo, at mga disipulo. Natutuon din ang mga mata ko sa pagtukoy sa katangiang ito sa ibang tao. Naobserbahan ko ang kahanga-hangang mga indibiduwal kapwa sa loob at labas ng Simbahan na may mga katangiang tulad ng sa Kanya. Sila ay mabibisang halimbawa kung paano naipamamalas ang mga katangiang iyon sa mga mortal dahil sa Kanyang magiliw na biyaya.
Para makakita ng tunay na pag-unlad, kailangan mo ng patuloy na pagsisikap. Tulad ng pag-akyat sa bundok na kailangan ng paghahanda, at gayundin ng katatagan at sigasig habang umaakyat, kailangan din ang pagsisikap at sakripisyo sa paglalakbay na ito. Ang tunay na Kristianismo, kung saan sinisikap nating maging higit na katulad ng ating Panginoon, ay palaging nangangailangan ng ating pinakamainam na pagsisikap. 16
Narito ang maikling babala. Ang utos na maging katulad Niya ay hindi nilayon para ipadama sa inyo na may kasalanan kayo, hindi karapat-dapat, o hindi minamahal. Ang buong mortal na karanasan natin ay tungkol sa pag-unlad, pagsisikap, pagkabigo, at pagtatagumpay. Kahit gusto naming mag-asawa na ipikit lang ang aming mga mata at mahiwagang makarating sa tuktok, hindi ganyan ang buhay.
Ikaw ay sapat, ikaw ay minamahal, pero hindi ibig sabihin niyan na ikaw ay kumpleto na. May gawaing gagawin sa buhay na ito at sa kabilang-buhay. Tanging sa Kanyang banal na tulong tayo makasusulong sa pagiging katulad Niya.
Sa mga panahong ito na, “lahat ng bagay ay [tila] magkakagulo; at … ang takot [ay tila] mapapasalahat ng tao,” 17 ang panlaban, ang tanging lunas, ay sikaping maging katulad ng Tagapagligtas, 18 ang Manunubos 19 ng sangkatauhan, ang Liwanag ng Sanglibutan, 20 at hanapin Siya na nagsabing, “Ako ang daan.” 21
Alam ko na ang pagiging katulad Niya sa pamamagitan ng Kanyang banal na tulong at lakas ay kayang maabot sa pamamagitan ng paisa-isang hakbang. Dahil kung hindi, hindi na Niya ibinigay ang utos na ito. 22 Alam ko ito—kahit paano, dahil nakikita ko ang Kanyang mga katangian sa marami sa inyo. Ang mga bagay na ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.