Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo
Dahil hindi na gaanong binabanggit ng mundo si Jesucristo, banggitin natin Siya nang mas madalas.
Ipinapahayag ko ang aking pagmamahal sa inyo, mahal naming mga kaibigan at kapwa mananampalataya. Hinahangaan ko ang inyong pananampalataya at katapangan nitong nakaraang mga buwan, habang ang pandemyang ito sa buong mundo ay ginagambala ang ating buhay at naging sanhi ng pagpanaw ng mahal nating mga kapamilya at kaibigan.
Sa panahong ito ng kawalang-katiyakan, kakaiba ang nadarama kong pasasalamat para sa aking matibay at tiyak na kaalaman na si Jesus ang Cristo. Nadama na ba ninyo ang gayon? May mga hirap na nakakaligalig sa bawat isa sa atin, ngunit laging nasa ating harapan Siya na mapagkumbabang nagpahayag na, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.”1 Samantalang tinitiis natin ang isang panahon na pisikal tayong lumalayo sa iba, hindi natin kailangang tiisin kailanman ang isang panahon na espirituwal tayong lumalayo sa Kanya na patuloy na nagsusumamo sa atin, “Lumapit kayo sa akin.”2
Tulad ng isang bituing gumagabay sa maaliwalas at madilim na kalangitan, nililiwanagan ni Jesucristo ang ating daan. Siya ay naparito sa lupa sa isang abang kuwadra. Namuhay Siya nang perpekto. Pinagaling Niya ang maysakit at binuhay ang patay. Siya ay kaibigan ng mga taong pinabayaan. Itinuro Niya sa atin na gumawa ng mabuti, sumunod, at mahalin ang isa’t isa. Siya ay ipinako sa krus, bumangon nang buong kadakilaan pagkaraan ng tatlong araw, na nagtulot sa atin at sa mga taong mahal natin na mabuhay pagkatapos mamatay. Sa Kanyang walang-kapantay na awa at biyaya, inako Niya ang ating mga kasalanan at ating mga pagdurusa, na naghahatid ng kapatawaran kapag tayo ay nagsisi at ng kapayapaan sa mga unos ng buhay. Mahal natin Siya. Sinasamba natin Siya. Sinusunod natin Siya. Siya ang angkla ng ating kaluluwa.
Ang nakapagtataka, bagama’t nag-iibayo ang espirituwal na paniniwalang ito sa ating kalooban, marami sa mundo ang walang gaanong alam tungkol kay Jesucristo, at sa ilang lugar sa mundo kung saan naipahayag ang Kanyang pangalan sa loob ng maraming siglo, nababawasan ang pananampalataya kay Jesucristo. Nakita ng magigiting na Banal sa Europe na humihina ang pananalig sa kanilang mga bansa sa paglipas ng mga dekada.3 Ang malungkot, humihina rin ang pananampalataya rito sa Estados Unidos. Inihayag sa isang pag-aaral kamakailan na nitong huling 10 taon ay 30 milyong katao sa Estados Unidos ang hindi na naniniwala sa pagka-Diyos ni Jesucristo.4 Sa buong mundo naman, ibinadya sa isa pang pag-aaral na sa darating na mga dekada, mahigit doble ang aalis sa Kristiyanismo kaysa mga tatanggap dito.5
Mangyari pa, iginagalang natin ang karapatan ng bawat isa na pumili, subalit malinaw na sinabi ng ating Ama sa Langit, “Ito ang aking Pinakamamahal na Anak: pakinggan Siya.”6 Pinatototohanan ko na darating ang araw na bawat tuhod ay luluhod at bawat dila ay magpapahayag na si Jesus ang Cristo.7
Paano tayo tutugon sa ating pabagu-bagong mundo? Bagama’t nagpapabaya ang ilan sa kanilang pananampalataya, ang iba ay naghahanap ng katotohanan. Tinaglay na natin sa sarili natin ang pangalan ng Tagapagligtas. Ano pa ang gagawin natin?
Ang Paghahanda ni Pangulong Russell M. Nelson
Maaaring dumating ang bahagi ng sagot sa atin habang ginugunita natin kung paano tinuruan ng Panginoon si Pangulong Russell M. Nelson ilang buwan bago siya tinawag bilang Pangulo ng Simbahan. Sa pagsasalita isang taon bago siya tinawag, inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na pag-aralan nang mas malalim ang 2,200 pagbanggit sa pangalang Jesucristo na nakalista sa Topical Guide.8
Pagkaraan ng tatlong buwan, sa pangkalahatang kumperensya ng Abril, binanggit niya, sa kabila ng mga dekada ng kanyang tapat na pagkadisipulo, kung paano nakaapekto nang malaki sa kanya ang mas malalim na pag-aaral na ito tungkol kay Jesucristo. Tinanong siya ni Sister Wendy Nelson tungkol sa epekto nito sa kanya. Ang sagot niya, “Nagbago ako!” Ibang tao na siya? Sa edad na 92, naging bagong tao siya? Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson:
“Kapag naglaan tayo ng oras sa pag-aaral tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, [napapalapit tayo] … sa Kanya. …
“… [Napapako ang ating tuon] sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.”9
Sabi ng Tagapagligtas, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip.”10
Sa isang mundong puno ng trabaho, pangamba, at karapat-dapat na mga pagsisikap, itinutuon natin ang ating puso, isipan, at saloobin sa Kanya na ating pag-asa at kaligtasan.
Kung nakatulong ang panibagong pag-aaral tungkol sa Tagapagligtas sa paghahanda ni Pangulong Nelson, hindi ba makakatulong ito na ihanda rin tayo?
Sa pagbibigay-diin sa pangalan ng Simbahan, itinuro ni Pangulong Nelson: “Kung gusto natin … na magkaroon ng bisa sa atin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo—para linisin at pagalingin tayo, palakasin at luwalhatiin tayo, at sa huli ay dakilain tayo—malinaw nating kilalanin na Siya ang pinagmumulan ng kapangyarihang iyon.”11 Itinuro ni Pangulong Nelson sa atin na ang palagiang paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan, na tila isang maliit na bagay, ay hindi talaga maliit at huhubog sa kinabukasan ng mundo.
Isang Pangako para sa Iyong Paghahanda
Ipinapangako ko sa inyo na kapag inihanda ninyo ang inyong sarili, tulad ng ginawa ni Pangulong Nelson, magbabago rin kayo, mas iisipin ninyo ang Tagapagligtas, babanggitin Siya nang mas madalas at walang gaanong pag-aatubili. Habang lalo ninyo Siyang nakikilala at minamahal, mas madaling dadaloy ang inyo mga salita, tulad ng nangyayari kapag ikinukuwento ninyo ang isa sa inyong mga anak o isang mahal na kaibigan. Ang mga taong nakikinig sa inyo ay hindi na makikipagdebate sa inyo at sa halip ay matututo sa inyo.
Kayo at ako ay nangungusap tungkol kay Jesucristo, ngunit mas mapagbubuti pa siguro natin iyon. Kung hindi Siya madalas na babanggitin ng mundo, sino pa ang babanggit sa Kanya nang mas madalas? Tayo! Kasama ang iba pang matatapat na Kristiyano!
Pagbanggit Kay Cristo sa Ating mga Tahanan
May mga larawan ba ng Tagapagligtas sa ating tahanan? Madalas ba nating ikuwento sa ating mga anak ang tungkol sa mga talinghaga ni Jesus? “Ang mga kuwento tungkol kay Jesus ay … tulad ng ihip ng hangin sa pag-aalab ng pananampalataya na nasa puso ng ating mga anak.”12 Kapag nagtatanong sa inyo ang inyong mga anak, isiping ituro ang itinuro ng Tagapagligtas. Halimbawa, kung itanong ng inyong anak, “Itay, bakit tayo nagdarasal?” Maaari kang sumagot ng, “Magandang tanong iyan. Naaalala mo ba noong magdasal si Jesus? Pag-usapan natin kung bakit Siya nagdasal at paano Siya nagdasal.”
“Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, … upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”13
Pagbanggit Kay Cristo sa Simbahan
Idinagdag din sa talatang ito na “nangangaral tayo tungkol kay Cristo.”14 Sa ating mga pagsamba, magtuon tayo sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa kaloob na Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Hindi ito nangangahulugan na hindi tayo maaaring magkuwento ng karanasan mula sa sarili nating buhay o magbahagi ng mga ideya mula sa iba. Bagama’t maaaring tungkol sa mga pamilya o paglilingkod o templo o isang bagong misyon ang ating paksa, dapat ay nakatuon ang lahat sa ating pagsamba sa Panginoong Jesucristo.
Tatlumpung taon na ang nakararaan, nagsalita si Pangulong Dallin H. Oaks tungkol sa isang liham na natanggap niya “mula sa isang lalaking nagsabi na dumalo siya sa [isang sacrament] meeting at nakinig sa labimpitong patotoo nang hindi naririnig na binanggit ang Tagapagligtas.”15 Pagkatapos ay sinabi ni Pangulong Oaks, “Marahil ay eksaherado ang paglalarawang ito [ngunit] binanggit ko ito dahil malinaw na paalala ito sa ating lahat.”16 Pagkatapos ay inanyayahan niya tayong banggitin pa nang mas madalas si Jesucristo sa ating mga pananalita at talakayan. Naobserbahan ko na mas lalo pa tayong nagtutuon kay Cristo sa ating mga miting sa Simbahan. Masigasig nating ituloy ang napakapositibong mga pagsisikap na ito.
Pagbanggit Kay Cristo sa Ibang Tao
Sa mga tao sa ating paligid, maging mas tapat tayo, mas handang mangusap tungkol kay Cristo. Sabi ni Pangulong Nelson, “Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay handang lumantad, magsalita, at maiba sa mga tao sa mundo.”17
Kung minsan iniisip natin na ang pakikipag-usap sa isang tao ay kailangang humantong sa kanilang pagsisimba o pakikipagkita sa mga missionary. Hayaang gabayan sila ng Panginoon kapag handa na sila, habang lalo pa nating iniisip ang ating responsibilidad na maging tinig para sa Kanya, na maingat at tapat na nagsasalita tungkol sa ating pananampalataya. Naituro sa atin ni Elder Dieter F. Uchtdorf na kapag may nagtanong sa atin tungkol sa ating Sabado’t Linggo, dapat tayong maging handang sumagot nang masaya na nagustuhan nating makinig sa pagkanta ng mga batang Primary ng “Sinisikap kong tularan si Jesus.”18 Magiliw nating patotohanan ang ating pananampalataya kay Cristo. Kung may magkuwento ng problema niya sa personal niyang buhay, maaari nating sabihing, “John, Mary, alam ninyong naniniwala ako kay Jesucristo. Naiisip ko ang isang bagay na sinabi Niya na maaaring makatulong sa inyo.”
Maging mas tapat sa social media sa pagkukuwento tungkol sa tiwala ninyo kay Cristo. Igagalang ng karamihan ang inyong pananampalataya, ngunit kung may nanlilibak kapag binabanggit ninyo ang Tagapagligtas, humugot ng lakas sa Kanyang pangako: “Mapapalad kayo kapag kayo ay nilalait … dahil sa akin. … Sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit.”19 Mas pinahahalagahan natin ang pagiging mga tagasunod Niya kaysa “gustuhin” tayo ng sarili nating mga tagasunod. Ipinayo ni Pedro: “Lagi kayong maging handa [sa pagsagot para] sa pag-asang nasa inyo.”20 Mangusap tayo tungkol kay Cristo.
Ang Aklat ni Mormon ay isang makapangyarihang saksi ni Jesucristo. Halos bawat pahina ay nagpapatotoo sa Tagapagligtas at sa Kanyang banal na misyon.21 Puno ng kaalaman tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala at biyaya ang mga pahina nito. Bilang kompanyon sa Bagong Tipan, tinutulungan tayo ng Aklat ni Mormon na mas maunawaan kung bakit pumarito ang Tagapagligtas upang sagipin tayo at kung paano tayo mas makakalapit pa sa Kanya.
Ang ilan sa ating mga kapwa Kristiyano, kung minsan, ay nag-aalinlangan sa ating mga paniniwala at motibo. Tunay tayong magalak na kasama nila na sumasampalataya rin kay Jesucristo at sa Bagong Tipan na mahal nating lahat. Pagdating ng panahon, kakailanganin ng mga naniniwala kay Jesucristo ang pakikipagkaibigan at suporta ng isa’t isa.22
Habang nababawasan ang pagbanggit ng mundo kay Jesucristo, lalo pa natin Siyang banggitin. Kapag nalantad ang ating mga tunay na katangian bilang Kanyang mga disipulo, marami sa ating paligid ang magiging handang makinig. Kapag ibinahagi natin ang liwanag na natanggap natin mula sa Kanya, ang Kanyang liwanag at Kanyang napakadakilang kapangyarihang magligtas ay magniningning sa mga taong handang buksan ang kanilang puso. Sabi ni Jesus, “Ako’y naparito [bilang] isang ilaw sa sanlibutan.”23
Pagpapalakas sa Ating Pagnanais na Magsalita Tungkol Kay Cristo
Walang nagpapasigla sa hangarin kong mas banggitin si Cristo kaysa sa isaisip ang Kanyang pagbabalik. Bagama’t hindi natin alam kung kailan Siya paparito, magiging kamangha-mangha ang mga kaganapan ng Kanyang pagbabalik! Darating Siya sa mga ulap ng langit na may kamahalan at kaluwalhatian kasama ang lahat ng Kanyang banal na mga anghel. Hindi lamang ilang anghel kundi lahat ng Kanyang banal na mga anghel. Hindi ito ang mga querubin na mamula-mula ang pisngi na ipininta ni Raphael, na matatagpuan sa ating mga Valentine card. Ito ang mga anghel ng maraming siglo, mga anghel na isinugo upang isara ang bibig ng mga leon,24 buksan ang pintuan ng mga bilangguan,25 ibalita ang pinakahihintay na Kanyang pagsilang,26 aliwin Siya sa Getsemani,27 bigyang-katiyakan ang Kanyang mga disipulo sa Kanyang Pag-akyat sa Langit,28 at buksan ang maluwalhating Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.29
Naiisip ba ninyong umakyat [sa langit] upang salubungin Siya, sa buhay na ito o sa kabilang buhay?30 Iyan ang pangako Niya sa mga matwid. Magiging malaking impluwensya ang karanasang ito sa ating kaluluwa magpakailanman.
Lubos tayong nagpapasalamat sa ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson, na nagpasigla sa ating hangaring mahalin ang Tagapagligtas at ipahayag ang Kanyang pagka-Diyos. Saksi ako sa kamay ng Panginoon sa kanya at sa kaloob na paghahayag na gumagabay sa kanya. Pangulong Nelson, sabik kaming naghihintay sa inyong payo.
Mahal kong mga kaibigan sa buong mundo, mangusap tayo tungkol kay Cristo, na inaasam ang Kanyang maluwalhating pangako: “Bawat kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko … sa harapan ng aking Ama.”31 Nagpapatotoo ako na Siya ang Anak ng Diyos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.