Institute
8 Ang Pagsisimula ng Simbahan ni Jesucristo


“Ang Pagsisimula ng Simbahan ni Jesucristo,” kabanata 8 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 8: Ang Pagsisimula ng Simbahan ni Jesucristo

Kabanata 8

Ang Pagsisimula ng Simbahan ni Jesucristo

Mga Kopya ng Aklat ni Mormon

Noong unang bahagi ng Hulyo 1829, hawak ang manuskrito, batid ni Joseph na nais ng Panginoon na kanyang ilimbag ang Aklat ni Mormon at ipalaganap ang mensahe nito sa lahat ng dako. Subalit siya at ang kanyang pamilya ay walang alam sa kalakalan ng pagpapalathala. Kailangan niyang mapanatiling ligtas ang manuskrito, makahanap ng maglilimbag, at kahit papaano ay maipagkatiwala ang aklat sa kamay ng mga taong handang kilalanin na posibleng magkaroon ng bagong banal na kasulatan.

Ang pagpapalathala ng isang aklat na kasinghaba ng Aklat ni Mormon ay hindi rin mura. Ang pananalapi ni Joseph ay hindi umunlad mula nang sinimulan niya ang pagsasalin, at lahat ng perang kanyang kinita ay napunta sa pagtustos ng pangangailangan ng kanyang pamilya. Ganoon din ang kalagayan ng kanyang mga magulang, na hanggang ngayon ay mga maralitang magsasaka na nagbubungkal ng lupang hindi nila pag-aari. Ang tanging kaibigan ni Joseph na maaaring magtustos sa proyekto ay si Martin Harris.

Agad na kumilos si Joseph. Bago niya natapos ang pagsasalin, ipinasa niya ang mga kailangan para mabigyan ng karapatang-sipi ang aklat upang pangalagaan ang teksto mula sa sinumang magnanakaw o mangongopya nito.1 Sa tulong ni Martin, nagsimula ring maghanap si Joseph ng manlilimbag na papayag ilathala ang aklat.

Una silang nagtungo kay Egbert Grandin, isang manlilimbag sa Palmyra na kaedad ni Joseph. Agad na tumanggi si Grandin, na naniniwalang ang aklat ay isang huwad. Hindi pinanghinaan ng loob, patuloy na naghanap sina Joseph at Martin at nakakita ng manlilimbag mula sa kalapit na lunsod na handang tanggapin ang proyekto. Subalit bago nila tinanggap ang kanyang alok, bumalik sila sa Palmyra at muling tinanong si Grandin kung nais niyang ilathala ang aklat.2

Ngayon, tila mas handa na si Grandin na tanggapin ang proyekto, ngunit nais muna niyang bayaran siya ng $3,000 para sa paglilimbag at paglalathala ng limang libong kopya ng aklat bago siya magsimulang gumawa. Nangako na si Martin na tutulong sa pagbabayad ng paglilimbag, ngunit upang makalikom ng ganoon kalaking halaga, napag-isip-isip niya na maaaring kailanganin niyang isangla ang kanyang sakahan. Isa itong malaking problema para kay Martin, ngunit alam niyang wala nang iba pa sa mga kaibigan ni Joseph ang makatutulong sa gastusin.

Naguguluhan, nagsimulang magdalawang-isip si Martin tungkol sa pagtustos sa Aklat ni Mormon. Pag-aari niya ang isa sa pinakamasaganang sakahan sa lugar. Kung isasangla niya ang kanyang lupain, maaaring hindi niya mabawi ito. Ang yaman na buong buhay niyang inipon ay maaaring mawala sa isang iglap kung hindi magiging maganda ang benta ng Aklat ni Mormon.

Sinabi ni Martin ang kanyang mga alalahanin kay Joseph, at hiniling niyang humingi ng paghahayag si Joseph para sa kanya. Bilang tugon, inilahad ng Tagapagligtas ang Kanyang sakripisyo upang gawin ang kalooban ng Kanyang Ama, anuman ang kapalit. Inilarawan niya ang Kanyang walang-hanggang pagdurusa habang pinagbabayaran ang kasalanan upang ang lahat ay makapagsisi at mapatawad. Pagkatapos ay inutusan niya si Martin na isakripisyo ang kanyang sariling interes upang maisakatuparan ang plano ng Diyos.

“Huwag kang mag-imbot sa sarili mong ari-arian,” wika ng Panginoon, “kundi malaya itong ibahagi sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon.” Nilalaman ng aklat ang tunay na salita ng Diyos, pagtitiyak ng Panginoon kay Martin, at makatutulong ito sa iba na paniwalaan ang ebanghelyo.3

Bagama’t hindi mauunawaan ng kanyang mga kapitbahay ang kanyang desisyon, sinunod ni Martin ang Panginoon at isinangla ang kanyang sakahan upang magarantiyahan ang bayad.4

Pumirma ng kontrata si Grandin at sinimulang gawin ang napakalaking proyekto.5 Isinalin ni Joseph ang Aklat ni Mormon sa loob ng tatlong buwan, na may katulong na isang tagasulat sa bawat pagkakataon. Kakailanganin ni Grandin at ng isang dosenang kalalakihan ang pitong buwan upang malimbag at magawang aklat ang mga unang kopya ng akdang may 590 pahina.6


Ngayong may nakuha nang tagapaglathala, bumalik si Joseph sa Harmony noong Oktubre 1829 upang magtrabaho sa kanyang sakahan at makasama si Emma. Samantala, sina Oliver, Martin, at Hyrum naman ang mangangasiwa sa pagpapalimbag at regular na magpapadala kay Joseph ng balita tungkol sa progreso nito.7

Naaalala ang labis na kalungkutang kanyang naramdaman nang mawala ang mga unang pahinang isinalin, pinakiusapan ni Joseph si Oliver na kopyahin ang bawat pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon, gagawan ito ng kopya na dadalhin sa manlilimbag upang ang bantas ay maaaring idagdag at ang mga letra ay maiayos para sa paglilimbag.8

Nasiyahan si Oliver sa pagkopya ng aklat, at ang mga liham na kanyang isinulat noong panahong iyon ay puno ng mga salita mula sa pagsasalin. Sumasang-ayon sa mga winika nina Nephi, Jacob, at Amuek mula sa Aklat ni Mormon, sumulat si Oliver kay Joseph tungkol sa kanyang pasasalamat sa walang-hanggang pagbabayad-sala ni Cristo.

“Nang nagsimula akong magsulat tungkol sa mga awa ng Diyos,” sabi niya kay Joseph, “hindi ko alam kung kailan ako titigil, at wala nang sapat na panahon at papel para magsulat.”9

Ang damdamin ding iyon ang naghikayat sa iba sa Aklat ni Mormon habang ito ay inililimbag. Si Thomas Marsh, isang dating apprentice ng isang manlilimbag, ay sinubukang mapabilang sa ibang mga simbahan, ngunit tila wala sa mga ito ang nangangaral ng ebanghelyo na kanyang nakita sa Biblia. Naniniwala siyang isang bagong simbahan ang itatatag sa lalong madaling panahon at siyang magtuturo ng ipinanumbalik na katotohanan.

Noong tag-araw na iyon, naramdaman ni Thomas na ginagabayan siya ng Espiritu na maglakbay nang ilang daang milya patimog mula sa kanyang tahanan sa Boston patungo sa kanlurang New York. Nanatili siya sa lugar sa loob nang tatlong buwan bago siya lumisan pauwi, hindi maunawaan kung bakit siya naglakbay nang ganoon kalayo. Gayunman, sa isang bahay na kanyang tinuluyan sa paglalakbay pauwi, itinanong ng may-ari kung narinig na ba ni Thomas ang tungkol sa “gintong aklat” ni Joseph Smith. Sinabi ni Thomas sa babae na hindi, at pakiramdam niya ay lalo pa niyang dapat malaman ang tungkol dito.

Sinabi nito na dapat niyang kausapin si Martin Harris at pinapunta siya sa Palmyra. Agad na nagtungo roon si Thomas at nadatnan si Martin sa palimbagan ni Grandin. Binigyan siya ng manlilimbag ng labing-anim na pahina ng Aklat ni Mormon, at dinala ni Thomas ang mga ito pabalik sa Boston, sabik na maibahagi sa kanyang asawang si Elizabeth, ang unang karanasan niya sa bagong relihiyong ito.

Binasa ni Elizabeth ang mga pahina, at siya rin ay naniwala na ang mga ito ay gawa ng Diyos.10


Noong taglagas na iyon, habang ang mga manlilimbag ay walang humpay sa paglimbag ng Aklat ni Mormon, isang dating hukom na nagngangalang Abner Cole ang nagsimulang maglathala ng isang pahayagan sa palimbagan ni Grandin. Dahil nagtatrabaho siya sa gabi sa palimbagan matapos umuwi ang mga tauhan ni Grandin, nakikita ni Abner ang mga nalimbag na mga pahina mula sa Aklat ni Mormon, na hiwa-hiwalay pa ang mga pahina o hindi pa handa upang ibenta.

Hindi nagtagal ay nagsimulang kutyain ni Abner ang “Gintong Biblia” sa kanyang pahayagan, at noong taglamig ay naglimbag siya ng mga sipi mula sa aklat na nilagyan ng mga mapangutyang komentaryo.11

Nang malaman nina Hyrum at Oliver ang ginawa ni Abner, kinausap nila ito. “Anong karapatan mo para ilathala ang Aklat ni Mormon sa ganitong paraan?” tanong ni Hyrum. “Hindi mo ba alam na mayroon kaming karapatang-sipi?”

“Wala kayong pakialam,” sabi ni Abner. “Inupahan ko ang palimbagan at ililimbag ko kahit ano pa ang gusto ko.”

“Pinagbabawalan kitang ilathala pa ang anumang nasa aklat na iyon sa iyong pahayagan,” wika ni Hyrum.

“Wala akong pakialam,” sabi ni Abner.

Hindi tiyak ang gagawin, ipinarating ito nina Hyrum at Oliver kay Joseph sa Harmony, na agad bumalik sa Palmyra. Nadatnan niya si Abner sa tanggapan ng palimbagan, kaswal na binabasa ang kanyang sariling pahayagan.

“Tila subsob ka sa trabaho,” sabi ni Joseph.

“Kumusta, Ginoong Smith,” mapanuyang sagot ni Abner.

“Ginoong Cole,” sabi ni Joseph, “ang Aklat ni Mormon at ang karapatan sa paglimbag nito ay pag-aari ko, at pinagbabawalan kitang makialam rito.”

Hinubad ni Abner ang kanyang amerikana at itinaas ang kanyang mga manggas. “Nais mo bang makipag-away, ginoo?” sigaw niya, isinusuntok ang kanyang mga kamao. “Kung gusto mong makipag-away, sige lang.”

Ngumiti si Joseph. “Mas mainam na isuot mo ang iyong amerikana,” sabi niya. “Malamig, at hindi ako makikipag-away sa iyo.” Malumanay siyang nagpatuloy, “At dapat mong itigil ang paglalathala ng aking aklat.”

“Kung sa tingin mo ay ikaw ang pinakamagaling,” wika ni Abner, “hubarin mo lang ang iyong amerikana at subukan mo.”

“Mayroong batas,” sagot ni Joseph, “at malalaman mo ito kung hindi mo alam ito noon. At hindi kita lalabanan, sapagkat wala itong mabuting idudulot.”

Batid ni Abner na siya ang may pagkakamali. Nakapag-isip-isip siya at itinigil ang paglalathala ng mga sipi mula sa Aklat ni Mormon sa kanyang pahayagan.12


Si Solomon Chamberlin, isang mangangaral na patungo ng Canada, ay unang narinig ang tungkol sa “Gintong Biblia” mula sa isang pamilya kung saan siya nanirahan malapit sa Palmyra. Tulad ni Thomas Marsh, palipat-lipat siya ng simbahan sa buong buhay niya ngunit hindi pa rin siya nasisiyahan sa kanyang mga nasasaksihan. May ilang simbahan na ipinangangaral ang mga alituntunin ng ebanghelyo at naniniwala sa mga espirituwal na kaloob, ngunit wala silang mga propeta ng Diyos o Kanyang priesthood. Pakiramdam ni Solomon ay nalalapit na ang panahon na itatatag ng Diyos ang Kanyang simbahan.

Habang pinakikinggan ni Solomon ang pag-uusap ng pamilya tungkol kay Joseph Smith at sa mga gintong lamina, pakiramdam niya ay parang may kuryenteng dumaloy sa kanya mula ulo hanggang paa, at ipinasiya niyang hanapin ang mga Smith at mas alamin pa ang tungkol sa aklat.

Nagtungo siya sa tahanan ng mga Smith at nakasalubong si Hyrum sa pintuan. “Sumainyo ang kapayapaan,” wika ni Solomon.

“Hari nawa ay kapayapaan nga,” tugon ni Hyrum.

“Mayroon bang tao rito,” tanong ni Solomon, “na naniniwala sa mga pangitain o paghahayag?”

“Oo,” sabi ni Hyrum, “lahat kami rito ay naniniwala sa pangitain.”

Ikinuwento ni Solomon kay Hyrum ang tungkol sa pangitain na kanyang nakita ilang taon na ang nakararaan. Sa pangitaing ito, isang anghel ang nagsabi na ang Diyos ay walang simbahan sa mundo ngunit sa lalong madaling panahon ay magtatayo ng isang simbahan na may kapangyarihang tulad ng sinaunang simbahan ng mga apostol. Naintindihan ni Hyrum at ng iba pang naroon sa bahay ang sinabi ni Solomon at sinabi sa kanya na gayundin ang kanilang paniniwala.

“Sana ay ipaalam din ninyo sa akin ang inyong mga natuklasan,” wika ni Solomon. “Sa palagay ko ay matatanggap ko ang mga iyon.”

Inimbitahan siya ni Hyrum na manatili sa sakahan ng mga Smith bilang isang bisita at ipinakita sa kanya ang manuskrito ng Aklat ni Mormon. Pinag-aralan ito ni Solomon sa loob ng dalawang araw at nagpunta kasama si Hyrum sa tanggapan ng palimbagan ni Grandin, kung saan binigyan siya ng isang manlilimbag ng animnapu’t apat na pahina. Dala ang hiwa-hiwalay pang mga pahina, tumuloy na si Solomon sa Canada, ipinangangaral sa daan ang lahat ng kanyang alam tungkol sa bagong relihiyon.13


Noong Marso 26, 1830, ang mga unang kopya ng Aklat ni Mormon ay naisaayos na at maaari nang ibenta sa silong ng tanggapan ng palimbagan ni Grandin. Ang mga ito ay mahigpit na nakatali sa pabalat na yari sa balat ng baka na kulay kayumanggi at naaamoy pa rito ang ginamit na pandikit, papel at tinta. Ang mga salitang Aklat ni Mormon ay makikita sa gulugod (spine) ng pabalat sa kulay-gintong mga titik.14

Pinahalagahan ni Lucy Smith ang bagong banal na kasulatan at itinuring ito bilang tanda na titipunin ng Diyos ang Kanyang mga anak sa lalong madaling panahon upang ipanumbalik ang Kanyang sinaunang tipan. Nakasaad sa pahina ng pamagat na ang layunin ng aklat ay ipakita ang mga dakilang bagay na ginawa ng Diyos para sa Kanyang mga tao noong mga nakaraang panahon, ibigay ang mga biyaya ring iyon sa Kanyang mga tao ngayon, at hikayatin ang buong mundo na si Jesus ang Tagapagligtas ng sanlibutan.15

Naroon sa likod ng aklat ang mga patotoo ng Tatlong Saksi at ng Walong Saksi, nagpapahayag sa mundo na kanilang nakita ang mga lamina at batid na ang pagsasalin ay totoo.16

Sa kabila ng mga patotoong ito, batid ni Lucy na may mga ilang tao na iniisip na ang aklat ay kathang-isip lamang. Karamihan sa kanyang mga kapitbahay ay naniniwala na sapat na ang Biblia bilang banal na kasulatan para sa kanila, at hindi napagtatanto na pinagpapala ng Diyos ang higit pa sa isang bayan sa pamamagitan ng Kanyang salita. Alam din niya na may mga taong hindi tumanggap ng mensahe nito sapagkat naniniwala sila na ang Diyos ay nagsalita nang minsan sa mundo at hindi na muling magsasalita pa.

Bunsod ng mga dahilang ito at iba pa, karamihan sa mga tao sa Palmyra ay hindi bumili ng aklat.17 Ngunit ang ilan ay pinag-aralan ang mga pahina nito, naramdaman ang kapangyarihan ng mga itinuturo nito, at nangaluhod upang tanungin ang Panginoon kung tunay nga ba ito. Batid mismo ni Lucy na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos at nais niyang ibahagi ito sa ibang mga tao.18


Matapos mailimbag ang Aklat ni Mormon, agad na naghanda sina Joseph at Oliver upang itatag ang simbahan ni Jesucristo. Ilang buwan na ang nakararaan, ang mga sinaunang apostol ng Panginoon na sina Pedro, Santiago, at Juan ay nagpakita at iginawad sa kanila ang Melchizedek Priesthood, tulad ng ipinangako ni Juan Bautista. Ang karagdagang awtoridad na ito ay nagtulot kina Joseph at Oliver na ibigay ang kaloob na Espiritu Santo sa kanilang mga binibinyagan. Inordenan din sila nina Pedro, Santiago, at Juan bilang mga apostol ni Jesucristo.19

Sa panahon ding iyon, habang nakatira sa tahanan ng mga Whitmer, nagdasal sina Joseph at Oliver para sa karagdagang kaalaman tungkol sa awtoridad na ito. Bilang tugon, inatasan sila ng tinig ng Panginoon na iorden ang bawat isa bilang mga elder ng simbahan, ngunit kailangang sumang-ayon muna ang mga mananampalataya na susundin sila bilang mga pinuno ng simbahan ng Tagapagligtas. Inatasan din silang mag-orden ng iba pang mga opisyal ng simbahan at igawad ang kaloob na Espiritu Santo sa mga taong bininyagan.20

Noong Abril 6, 1830, sina Joseph at Oliver ay nagtipon sa loob ng bahay ng mga Whitmer upang sundin ang utos ng Panginoon at itatag ang Kanyang simbahan. Upang masunod ang mga hinihingi ng batas, pumili sila ng anim na taong magiging mga unang kasapi ng bagong simbahan. Mga apatnapung kababaihan at kalalakihan ang nagsiksikan sa loob at sa paligid ng maliit na bahay upang saksihan ang pangyayari.21

Bilang pagsunod sa mga naunang tagubilin ng Panginoon, hiniling nina Joseph at Oliver sa kongregasyon na sang-ayunan sila bilang mga pinuno sa kaharian ng Diyos at ipakita kung naniniwala silang tama lamang na sila ay magtipon bilang isang simbahan. Bawat kasapi ng kongregasyon ay sumang-ayon, at ipinatong ni Joseph ang kanyang kamay sa ulunan ni Oliver at inordenan siya bilang elder ng simbahan. Pagkatapos ay nagpalit sila ng puwesto, at inordenan naman ni Oliver si Joseph.

Kasunod nito, ibinahagi nila ang tinapay at alak ng sakramento bilang paggunita sa Pagbabayad-sala ni Cristo. Pagkatapos ay ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanilang mga nabinyagan, kinukumpirma sila na mga kasapi ng simbahan at ibinibigay sa kanila ang kaloob na Espiritu Santo.22 Ang Espiritu ng Panginoon ay ibinuhos sa mga nasa pagpupulong, at nagsimulang magpropesiya ang ilan sa kongregasyon. Pinuri ng ilan ang Panginoon, at lahat ay nagalak nang magkakasama.

Natanggap din ni Joseph ang unang paghahayag para sa lahat ng kasapi ng bagong simbahan. “Masdan, may talaang iingatan sa inyo,” iniutos ng Panginoon, ipinapaalala sa Kanyang mga tao na dapat nilang isulat ang kanilang banal na kasaysayan, pinapangalagaan ang ulat ng kanilang mga kilos at magpapatotoo sa tungkulin ni Joseph bilang propeta, tagakita, at tagahayag.

“Siya na aking pinukaw upang isulong ang kapakanan ng Sion sa malakas na kapangyarihan para sa kabutihan,” ipinahayag ng Panginoon. “Ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya. Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo.”23


Pagkatapos, naroon at makikita si Joseph sa tabi ng isang sapa at sinaksihan ang pagbibinyag sa kanyang ina at ama sa simbahan. Makalipas ang mga taon na iba‘t ibang landas ang tinahak sa paghahanap ng katotohanan, sa wakas ay nagkaisa sila sa pananampalataya. Nang umahon ang kanyang ama mula sa tubig, inalalayan siya ni Joseph, tinulungan siyang makarating sa pampang, at niyakap siya.

“Diyos ko,” wika niya, isinusubsob ang kanyang mukha sa dibdib ng kanyang ama, “nabuhay pa ako para saksihan ang ama ko na mabinyagan sa tunay na simbahan ni Jesucristo!”24

Noong gabing iyon, tahimik na nagtungo si Joseph sa malapit na kakahuyan, punung-puno ng emosyon ang kanyang puso. Nais niyang mapag-isa, malayo sa paningin ng mga kaibigan at pamilya. Sa sampung taon mula noong una niyang pangitain, nakita niyang nabuksan ang kalangitan, nadama ang Espiritu ng Diyos, at tinuruan ng mga anghel. Siya rin ay nagkasala at nawalan ng kaloob, ngunit nagsisi, kinaawaan ng Diyos, at isinalin ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan at biyaya.

Ngayo’y ipinanumbalik na ni Jesucristo ang Kanyang simbahan at binigyan ng karapatan si Joseph sa priesthood na tinaglay rin ng sinaunang mga apostol noong ipalaganap nila ang ebanghelyo sa mundo.25 Parang sasabog ang puso niya sa matinding kaligayahan, at nang matagpuan siya nina Joseph Knight at Oliver noong gabing iyon, siya ay umiiyak.

Napuspos siya ng kagalakan. Ang gawain ay nagsimula na.26

Mga Tala

  1. Copyright for Book of Mormon, Hunyo 11, 1829, sa JSP, D1:76–81.

  2. “Prospect of Peace with Utah,” Albany Evening Journal, Mayo 19, 1858, [2]; “From the Troy Times,” Albany Evening Journal, Mayo 21, 1858, [2]; John H. Gilbert, Memorandum, Set. 8, 1892, photocopy, Church History Library.

  3. Doktrina at mga Tipan 19 (Revelation, circa Summer 1829, sa josephsmithpapers.org); tingnan din sa Historical Introduction to Revelation, circa Summer 1829 [DC 19], sa JSP, D1:85–89; at Knight, Reminiscences, 6–7.

  4. McBride, “Contributions of Martin Harris,” 1–9; Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 34, sa JSP, H1:352 (banghay 2).

  5. John H. Gilbert, Statement, Okt. 23, 1887, Church History Library; Indenture, Martin Harris to Egbert B. Grandin, Wayne County, NY, Ago. 25, 1829, Wayne County, NY, Mortgage Records, tomo 3, 325–26, microfilm 479,556, U.S. and Canada Record Collection, Family History Library; Historical Introduction to Revelation, circa Summer 1829 [DC 19], sa JSP, D1:85–89.

  6. Copyright for Book of Mormon, Hunyo 11, 1829, sa JSP, D1:76–81; John H. Gilbert, Memorandum, Set. 8, 1892, photocopy, Church History Library; Porter, “The Book of Mormon,” 53–54.

  7. John H. Gilbert, Memorandum, Set. 8, 1892, photocopy, Church History Library; Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 9, [8]; Joseph Smith to Oliver Cowdery, Okt. 22, 1829, sa JSP, D1:94–97.

  8. John H. Gilbert, Memorandum, Set. 8, 1892, photocopy, Church History Library; Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 9, [2]; “Printer’s Manuscript of the Book of Mormon,” sa JSP, R3, Part 1:xxvi. Paksa: Pag-iimprenta at Paglilimbag ng Aklat ni Mormon

  9. Oliver Cowdery to Joseph Smith, Nob. 6, 1829, sa JSP, D1:100–101; Mosias 3:18–19; 5:5–7; 4 Nephi 1:17; tingnan din sa Oliver Cowdery to Joseph Smith, Dis. 28, 1829, sa JSP, D1:101–4.

  10. Thomas B. Marsh, “History of Thomas Baldwin Marsh,” LDS Millennial Star, Hunyo 4, 1864, 26:359–60; Hunyo 11, 1864, 26:375–76.

  11. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 9, [9]. Para sa mga halimbawa ng mga sipi mula sa Aklat ni Mormon na inilathala ni Abner Cole, tingnan sa “The Book of Mormon,” Reflector, Set. 16, 1829, 10; “Selected Items,” Reflector, Set. 23, 1829, 14; “The First Book of Nephi,” Reflector, Ene. 2, 1830, 1; at “The First Book of Nephi,” Reflector, Ene. 13, 1830, 1. Paksa: Mga Kritiko ng Aklat ni Mormon

  12. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 9, [9]–[12]; Lucy Mack Smith, History, 1845, 166–68.

  13. Chamberlin, Autobiography, 4–11.

  14. Copyright for Book of Mormon, Hunyo 11, 1829, sa JSP, D1:76–81; John H. Gilbert, Memorandum, Set. 8, 1892, photocopy, Church History Library; “Book of Mormon,” Wayne Sentinel, Mar. 26, 1830, [3]. Ilan sa mga aklat ay may pabalat na yari sa balat ng tupa.

  15. Title Page of Book of Mormon, circa early June 1829, sa JSP, D1:63–65; tingnan rin sa Lucy Mack Smith to Solomon Mack, Ene. 6, 1831, Church History Library.

  16. Testimony of Three Witnesses, Late June 1829, sa JSP, D1:378–82; Testimony of Eight Witnesses, Late June 1829, sa JSP, D1:385–87.

  17. Tucker, Origin, Rise, and Progress of Mormonism, 60–61.

  18. Tingnan sa Lucy Mack Smith to Solomon Mack, Ene. 6, 1831, Church History Library.

  19. Joseph Smith History, circa Summer 1832, 1, sa JSP, H1:10; Doktrina at mga Tipan 27:12–13 (Revelation, circa Aug. 1830, sa Doktrina at mga Tipan 50:3, 1835 edition, sa josephsmithpapers.org); Oliver Cowdery to Phineas Young, Mar. 23, 1846, Church History Library; “Joseph Smith Documents Dating through June 1831,” sa JSP, D1:xxxvii–xxxix; tingnan din sa Cannon and others, “Priesthood Restoration Documents,” 163–207. Paksa: Panunumbalik ng Melchizedek Priesthood

  20. Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 27, sa JSP, H1:326–28 (banghay 2).

  21. Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 37, sa JSP, H1:364 (banghay 2); Stevenson, Journal, Dis. 22, 1877; Ene. 2, 1887; An Act to Provide for the Incorporation of Religious Societies (Abr. 5, 1813), Laws of the State of New-York (1813), 2:212–19. Paksa: Pulong sa Pagtatagtag ng Simbahan ni Cristo

  22. Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 37–38, sa JSP, H1:364–71 (banghay 2).

  23. Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 37, sa JSP, H1:366; Doktrina at mga Tipan 21 (Revelation, Apr. 6, 1830, sa josephsmithpapers.org); “History of Joseph Smith,” Times and Seasons, Okt. 1, 1842, 3:928–29.

  24. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 9, [12]; Knight, Reminiscences, 8; tingnan din sa Bushman, Rough Stone Rolling, 110.

  25. Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 38, sa JSP, H1:372 (banghay 2); Joseph Smith, “Latter Day Saints,” sa Rupp, He Pasa Ekklesia, 404–5, sa JSP, H1:506.

  26. Knight, Reminiscences, 7.