Ang Banal na Templo
Sa mga templo, ang mga miyembro ng Simbahan na ginagawang karapat-dapat ang kanilang sarili ay makasasali sa pinakadakila sa mga nagliligtas na ordenansa na inihayag sa sangkatauhan.
Sa mga templo makasasali tayo sa pinakadakila sa mga nagliligtas na ordenansa
Maraming dahilan kung bakit dapat naisin ng isang tao na pumunta sa templo. Maging ang panlabas na anyo ay tila nagpapahiwatig ng mga dakilang espirituwal na layunin nito. Mas kitang-kita ito sa loob ng templo. Sa ibabaw ng pintuan ng templo ay makikita ang papuring “Kabanalan sa Panginoon.” Kapag pumapasok kayo sa alinmang inilaang templo, kayo ay nasa bahay ng Panginoon.
Sa mga templo, ang mga miyembro ng Simbahan na ginagawang karapat-dapat ang kanilang sarili ay makasasali sa pinakadakila sa mga nagliligtas na ordenansa na inihayag sa sangkatauhan. Doon, sa isang sagradong seremonya, ang isang tao ay maaaring hugasan at pahiran ng langis at turuan at pagkalooban ng endowment at mabuklod. At kapag natanggap na natin ang mga pagpapalang ito para sa ating sarili, maaari na nating isagawa ang mga ordenansang ito para sa mga namatay na hindi nagkaroon ng ganitong pagkakataon. Sa mga templo isinasagawa ang mga sagradong ordenansa kapwa para sa mga buhay at mga patay.
Ang mga ordenansa at seremonya ng templo ay simple, maganda, at sagrado
Ang maingat na pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay naghahayag na hindi sinabi ng Panginoon ang lahat ng bagay sa lahat ng tao. May ilang itinakdang mga katangian na siyang pangunang kailangan sa pagtanggap ng sagradong impormasyon. Ang mga seremonya sa templo ay sakop ng kategoryang ito.
Hindi natin pinag-uusapan ang mga ordenansa ng templo sa labas ng mga templo. Hindi kailanman binalak na ang kaalaman sa mga seremonyang ito sa templo ay maibibigay lamang sa iilang pinili na mapipilitang tiyakin na hindi ito kailanman matututuhan ng iba. Sa katotohanan ay kabaligtaran ito. Hinihimok namin nang may malaking pagsisikap ang bawat kaluluwa na maging karapat-dapat at maghanda para sa karanasan sa templo. Naituro na sa mga nanggaling sa templo ang ideyal o huwaran: Balang-araw ang bawat nabubuhay na kaluluwa at bawat kaluluwa na nabuhay na ay magkakaroon ng pagkakataon na marinig ang ebanghelyo at tanggapin o tanggihan ang iniaalok ng templo. Kung tatanggihan ang pagkakataong ito, ang pagtanggi ay kailangang nasasa tao mismo.
Ang mga ordenansa at seremonya ng templo ay simple. Magaganda ang mga ito. Banal ang mga ito. Pinananatiling kompidensiyal ang mga ito dahil baka maibigay ang mga ito sa mga taong hindi handa. Ang pag-uusisa ay hindi paghahanda. Ang malalim na interes mismo ay hindi paghahanda. Ang paghahanda para sa mga ordenansa ay kinabibilangan ng mga paunang hakbang: pananampalataya, pagsisisi, pagpapabinyag, kumpirmasyon, pagiging karapat-dapat, kahustuhan ng isipan at dangal o dignidad na marapat sa isang taong inanyayahan bilang panauhin sa bahay ng Panginoon.
Ang mga taong karapat-dapat ay maaaring pumasok sa templo
Lahat ng karapat-dapat at kwalipikado sa lahat ng paraan ay makapapasok sa templo, upang doon ay maiharap sa mga banal na seremonya at ordenansa.
Kapag nadama na ninyo ang kahalagahan ng mga pagpapala ng templo at ang kasagraduhan ng mga ordenansang isinasagawa sa templo, kayo ay mag-aatubiling mag-alinlangan sa matataas na pamantayang itinakda ng Panginoon para sa pagpasok sa banal na templo.
Kailangang mayroon kayong current recommend upang papasukin kayo sa templo. Ang recommend na ito ay kailangang mapirmahan ng kinauukulang mga pinuno ng Simbahan. Tanging ang mga taong karapat-dapat ang dapat magpunta sa templo. Ang bishop o branch president sa inyong lugar ang may responsibilidad na magtanong tungkol sa inyong pagiging karapat-dapat bago ninyo tanggapin ang inyong mga ordenansa sa templo. Napakahalaga ng interbyu na ito, dahil pagkakataon ito upang saliksiking kasama ng isang inordenang tagapaglingkod ng Panginoon ang takbo ng inyong buhay. Kung may anumang mali sa inyong buhay, matutulungan kayo ng bishop na lutasin ito. Sa pamamagitan ng pamamaraang ito, maipapahayag ninyo o matutulungan kayong patunayan na karapat-dapat kayong pumasok sa templo sa pahintulot ng Panginoon.
Ang interbyu para sa temple recommend ay isinasagawa nang sarilinan sa pagitan ng bishop at ng miyembro ng Simbahan. Dito ay tinatanong ang miyembro ng mapanuring mga tanong tungkol sa kanyang pag-uugali, pagiging karapat-dapat, at katapatan sa Simbahan at mga pinuno nito. Kailangang patunayan ng tao na malinis ang kanyang pagkatao at sinusunod niya ang Word of Wisdom, nagbabayad ng buong ikapu, namumuhay nang ayon sa mga turo ng Simbahan, at walang kinaaaniban o hindi nakikisimpatiya sa mga grupong tumiwalag o tumalikod sa katotohanan. Ang bishop ay tinatagubilinan na mahalagang panatilihing kompidensiyal ang mga bagay na ito sa bawat taong iniinterbyu.
Ang katanggap-tanggap na mga sagot sa mga tanong ng bishop ay karaniwang patunay na karapat-dapat ang isang tao na tumanggap ng temple recommend. Kung ang humihingi ng recommend ay hindi sumusunod sa mga utos o may bagay sa kanyang buhay na hindi pa naaayos ngunit kailangang isaayos, kailangang ipakita niya ang tunay na pagsisisi bago siya bigyan ng temple recommend.
Matapos isagawa ng bishop ang ganitong interbyu, iinterbyuhin din kayo ng stake president bago ninyo matanggap ang inyong mga ordenansa sa templo.
Ang pagtuturo sa templo ay may isinasagisag
Bago pumasok sa templo sa unang pagkakataon, o kahit pagkatapos ng maraming pagkakataon, maaaring makatulong na maunawaan ninyo na ang mga itinuturo sa templo ay ginagawa sa simbolikong paraan. Ibinigay ng Panginoon, ang Punong Guro, ang karamihan sa Kanyang mga turo sa ganitong paraan.
Ang templo ay isang malaking paaralan. Ito ay bahay ng pagkakatuto. Sa mga templo ang kapaligiran at diwa ay pinakaiingatan upang maging kaiga-igaya ito sa pagtuturo ng mga bagay na lubhang napakaespirituwal. Ang yumaong si Elder John A. Widtsoe ng Korum ng Labindalawang Apostol ay kilalang pangulo ng unibersidad at bantog na pantas o iskolar sa buong mundo. Malaki ang pagpipitagan niya sa gawain ng templo at minsan ay sinabi niya:
“Ang mga ordenansa sa templo ay sumasakop sa buong plano ng kaligtasan, tulad ng pana-panahong itinuturo ng mga lider ng Simbahan, at nagpapaliwanag ng mga bagay na mahirap maunawaan. Walang pinilipit o binaluktot sa pag-aakma ng mga turo sa templo sa dakilang plano ng kaligtasan. Ang pilosopikal na kabuuan ng endowment ay isa sa mga malaking pinagtatalunan sa katotohanan ng mga ordenansa sa templo. Bukod pa rito, ginagawa ng kabuuang ito ng survey o pagsasaliksik at pagpapaliwanag ng plano ng Ebanghelyo ang pagsamba sa templo na isa sa mga mabisang paraan na nagpapasariwa sa alaala hinggil sa kabuuang balangkas ng Ebanghelyo” (“Temple Worship,” Utah Genealogical and Historical Magazine, Abr. 1921, 58).
Kung pupunta ka sa templo at tatandaan na ang turo ay may isinasagisag, hindi ka kailanman makapupunta sa tamang diwa nang hindi nadaragdagan ang iyong pang-unawa, nakadarama ng higit na kadakilaan, at dagdag na kaalaman tungkol sa mga espirituwal na bagay. Ang plano ng pagtuturo ay napakahusay. Ito ay inspirado. Ang Panginoon mismo, ang Punong Guro, ay palaging nagtuturo sa Kanyang mga disipulo gamit ang mga talinghaga—isang paraan ng pagsasalita na nagpapakilala sa mga bagay sa pamamagitan ng mga sagisag na maaaring mahirap maunawaan sa ibang paraan.
Ang templo mismo ay nagiging isang sagisag o simbolo. Kung nakita na ninyo ang isa sa mga templo sa gabi, na naiilawang mabuti, alam ninyo ang kahanga-hangang tanawing iyon. Ang bahay ng Panginoon, na ubod nang liwanag, na kitang-kita sa kadiliman, ay nagiging sagisag ng kapangyarihan at inspirasyon ng ebanghelyo ni Jesucristo na nagsisilbing ilaw sa isang daigdig na lalo pang nasasadlak sa espirituwal na kadiliman.
Sa pagpasok sa templo, pinapalitan ninyo ang inyong damit o kasuotan ng puting damit ng templo. Ang pagpapalit na ito ng kasuotan ay ginagawa sa dressing room, kung saan bawat tao ay binibigyan ng locker at lugar na pagbibihisan na talagang pribado. Sa loob ng templo ay pinapanatili ang huwaran ng kayumian o kahinhinan. Habang inilalagay ninyo ang inyong damit sa locker, iniiwan ninyo ang mga alalahanin at problema at mga panggagambala doon kasama ng inyong damit. Lalabas kayo sa pribadong lugar ng bihisan na nakasuot ng puting damit, at nadarama ninyo ang pagkakaisa at pagkakapantay-pantay, dahil ganoon din ang suot na damit ng lahat ng nakapaligid sa inyo.
Ang kasal sa templo ang pinakamataas na ordenansa ng templo
Kayo na umaasam na makasal sa templo ay maaaring nagnanais na malaman kung ano ang mangyayari. Hindi natin binabanggit ang mga salita sa ordenansa ng pagbubuklod (kasal) sa labas ng templo, ngunit maaari nating ilarawan ang sealing room na may magandang kaayusan, tahimik at payapang diwa, at pinabanal ng sagradong gawain na isinasagawa doon.
Bago lumapit ang magkasintahan sa altar para sa ordenansa ng pagbubuklod, pribilehiyo ng officiator o nangangasiwa na magbigay, at ng batang magkasintahan na tumanggap, ng ilang payo. Narito ang ilan sa mga kaisipan na maaaring marinig ng batang magkasintahan sa sandaling ito.
“Ngayon ang araw ng inyong kasal. Natatangay kayo ng damdamin sa inyong kasal. Ang mga templo ay itinayo bilang kanlungan para sa mga ordenansang tulad nito. Hindi tayo para sa daigdig. Ang mga bagay ng daigdig ay hindi angkop dito at hindi dapat makaimpluwensya sa ginagawa natin dito. Lumabas tayo mula sa daigdig tungo sa templo ng Panginoon. Ito ang pinakamahalagang araw ng inyong buhay.
“Kayo ay isinilang, inanyayahan dito sa mundo ng mga magulang na naghanda ng mortal na katawan upang matirahan ng inyong espiritu. Nabinyagan ang bawat isa sa inyo. Ang binyag, ang sagradong ordenansa, ay sagisag ng paglilinis, sagisag ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, sagisag ng pagkakaroon ng panibagong buhay. Nakatuon ito sa pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan. Ang sacrament ng Hapunan ng Panginoon ay pagpapanibago ng tipan ng binyag, at maaari tayong mapatawad sa ating mga kasalanan kung mamumuhay tayo para dito.
“Ikaw, na lalaking ikakasal, ay inordenan sa priesthood. Unang ipinagkaloob sa iyo ang Aaronic Priesthood at marahil umunlad ka na sa lahat ng mga katungkulan rito—deacon, teacher, at priest. At dumating ang araw na napatunayang karapat-dapat kang tumanggap ng Melchizedek Priesthood. Ang priesthood na iyon, na mas mataas na priesthood, ay ang priesthood ayon sa pinakabanal na orden ng Diyos, o ang Banal na Pagkasaserdote alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos (tingnan sa Alma 13:18; Helaman 8:18; Doktrina at mga Tipan 107:2–4). Ikaw ay binigyan ng katungkulan sa priesthood. Ikaw ngayon ay isa nang elder.
“Bawat isa sa inyo ay nakatanggap ng inyong endowment. Sa endowment na iyon ay natanggap ninyo ang pagkakaloob ng walang hanggang potensiyal. Ngunit ang lahat ng mga bagay na ito, sa isang banda, ay panimula at paghahanda sa inyong pagparito sa altar upang mabuklod bilang mag-asawa sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Kayo ngayon ay isa nang pamilya, malayang kumilos sa paglikha ng buhay, upang magkaroon ng pagkakataon sa pamamagitan ng katapatan at sakripisyo na magluwal ng mga anak sa daigdig at palakihin sila at alagaang mabuti sa kanilang buhay sa lupa; upang isang araw ay makita silang lumapit, tulad ng paglapit ninyo, upang makilahok sa mga sagradong ordenansa ng templo.
“Kayo ay kusang naparito at nahatulang karapat-dapat. Ang pagtanggap sa isa’t isa sa tipan ng kasal ay malaking pananagutan, na may kaakibat na mga pagpapalang hindi masusukat.”
Ang kapangyarihang magbuklod ay nagbibigkis sa lupa at sa langit
Upang maunawaan natin kapwa ang kasaysayan at doktrina ng gawain sa templo, dapat nating maunawaan kung ano ang kapangyarihang magbuklod. Kailangan nating makinita, kahit paano, kung bakit napakahalaga ng mga susi ng karapatan upang magamit ang kapangyarihang magbuklod.
“Nang dumating nga si Jesus sa mga sakop ng Cesarea ni Filipo, ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinasabi, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao? …
“At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.
“At sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.
“At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.
“Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit” (Mateo 16:13, 16–19).
Si Pedro ang hahawak ng mga susi. Si Pedro ang hahawak ng kapangyarihang magbuklod, ang awtoridad na nagtataglay ng kapangyarihang magbigkis o magbuklod sa lupa o magkalag sa lupa at magiging gayundin sa kalangitan. Ang mga susing iyon ay pag-aari o taglay ng Pangulo ng Simbahan—sa propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang sagradong kapangyarihang magbuklod ay nasa Simbahan ngayon. Wala nang ibang higit na pinagtutuunan ng sagradong pagninilay ang mga taong nakaaalam sa kahalagahan ng karapatang ito. Walang ibang higit na pinanghahawakan. Iilan lamang ang kalalakihan na itinalagang humawak nitong kapangyarihang magbuklod sa lupa sa alinmang panahon—sa bawat templo ay may mga kapatid na pinagkalooban ng kapangyarihang magbuklod. Walang ibang makahahawak nito maliban na magmula ito sa propeta, tagakita, at tagapaghayag at Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Sinabi ni Propetang Joseph Smith na madalas itanong sa kanya noon “‘Hindi ba tayo maliligtas nang hindi dumaraan sa lahat ng mga ordenansang iyon, atbp.?’ Ang isinasagot ko ay, Hindi, hindi ang kabuuan ng kaligtasan. Sabi ni Jesus, ‘Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan, at ako’y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan.’ [Tingnan sa Juan 14:2.] Ang dapat na pagsasalin ng bahay dito ay kaharian; at sinumang tao na dinakila sa pinakamataas na tahanan ay kailangang sumunod sa selestiyal na batas, at sa buong batas na rin” (sa History of the Church, 6:184).
Ang gawain sa templo ay pinagmumulan ng espirituwal na kapangyarihan
Ang mga templo ang pinakasentro ng espirituwal na kalakasan ng Simbahan. Dapat nating asahan na sisikapin ng kalaban na hadlangan tayo bilang isang Simbahan at ang bawat isa sa atin habang hinahangad nating makilahok sa sagrado at inspiradong gawaing ito. Ang gawain sa templo ay naghahatid ng kakayahang lumaban dahil ito ang pinagmumulan ng malaking espirituwal na kapangyarihan ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa buong Simbahan.
Sa paglalaan ng batong panulok ng Logan Utah Temple, ganito ang sinabi ni Pangulong George Q. Cannon, na noon ay nasa Unang Panguluhan:
“Bawat saligang bato na inilalatag para sa isang templo, at bawat templong natapos ayon sa orden na inihayag ng Panginoon para sa kanyang banal na Priesthood, ay nagpapabawas sa kapangyarihan ni Satanas sa lupa, at nagpapaibayo sa kapangyarihan ng Diyos at Pagkamakadiyos, pinakikilos ang kalangitan sa napakalakas na kapangyarihan alang-alang sa atin, nakikiusap at nananawagang pababain sa atin ang mga pagpapala ng mga Walang-Hanggang Diyos at ng mga kapiling nila” (sa “The Logan Temple,” Millennial Star, Nob. 12, 1877, 743).
Kapag naguguluhan ang mga miyembro ng Simbahan o kapag nabibigatan sila sa kaiisip sa mahahalagang desisyon, pangkaraniwan na sa kanila ang magpunta sa templo. Mabuting lugar ito upang paglagakan ng ating mga alalahanin. Sa templo ay makatatanggap tayo ng espirituwal na pananaw. Doon, sa oras ng serbisyo sa templo, tayo ay “hindi taga sanlibutan.”
Kung minsan puno ng problema ang ating isipan at napakaraming bagay na kailangan nating pagtuunan kaagad ng pansin kaya’t hindi tayo makapag-isip na mabuti at makakitang mabuti. Sa templo ay tila napapawi ang panggagambala, ang hamog at manipis na ulap ay tila naglalaho, at “nakikita” natin ang mga bagay na hindi natin nakita noon at nakahahanap ng kalutasan sa ating mga problema na hindi natin batid noon.
Pagpapalain tayo ng Panginoon sa pagsasagawa natin ng sagradong ordenansa sa mga templo. Ang mga pagpapala doon ay hindi limitado sa ating serbisyo o paglilingkod sa templo. Pagpapalain tayo sa lahat ng ating mga gawain.
Ang ating mga paggawa sa templo ay nagsisilbing kalasag at pananggalang natin
Walang gawaing higit na nangangalaga sa Simbahang ito maliban sa gawain sa templo at pagsasaliksik ng kasaysayan ng pamilya na sumusuporta dito. Walang gawaing higit na nagpapadalisay sa espiritu. Walang ibang gawain na nagbibigay sa atin ng higit na kapangyarihan. Walang ibang gawain na nangangailangan ng mas mataas na pamantayan ng kabutihan.
Ang ating mga paggawa sa templo ay nagsisilbing kalasag at pananggalang natin, kapwa ng bawat isa at ng grupo.
Kaya halina sa templo—halina at angkinin ang inyong mga pagpapala. Ito ay sagradong gawain.