Mga Kuwento mula sa Kumperensya
Pagtuturo sa Taong Tapat ang Puso
Mula sa “Tayo’y Nagkakaisa,” Liahona, Mayo 2013, 62–63.
Noong 1955 naging opisyal ako sa United States Air Force. Binasbasan ako ng bishop ko bago ako umalis papunta sa una kong destino sa Albuquerque, New Mexico.
Sa kanyang basbas sinabi niya na ang panahon ko sa air force ay magiging paglilingkod ng misyonero. Dumating ako sa simbahan sa unang Linggo ko sa Albuquerque First Branch. Nilapitan ako ng isang lalaki, ipinakilala ang sarili na siya ang district president, at sinabihan ako na tatawagin niya akong maglingkod bilang district missionary.
Sinabi ko sa kanya na ilang linggo lang akong naroon para sa training at pagkatapos ay idedestino na ako sa ibang panig ng mundo. Sabi niya, “Wala akong alam diyan, pero tatawagin ka naming maglingkod.” Sa kalagitnaan ng aking military training, tila nagkataon naman na ako ang pinili sa daan-daang opisyal na tine-train na pumalit sa isang opisyal na nasa headquarters na biglang namatay.
Kaya, sa dalawang taon ko roon, naglingkod ako bilang district missionary. Kadalasan sa gabi at tuwing katapusan ng linggo, nagturo ako ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga taong dinala sa amin ng mga miyembro.
Nag-ukol kami ng mga kompanyon ko ng mahigit 40 oras kada buwan sa paglilingkod namin bilang misyonero nang hindi kumatok ni minsan sa mga pinto para maghanap ng matuturuan. Ginawa kaming abala ng mga miyembro kaya’t madalas ay dalawang pamilya ang natuturuan namin sa isang gabi. Nakita ko mismo ang kapangyarihan at pagpapalang hatid ng paulit-ulit na panawagan ng mga propeta sa bawat miyembro na maging missionary.
Sa huling Linggo bago ko nilisan ang Albuquerque, inorganisa ang unang stake sa lungsod na iyon. May templo na roon ngayon, isang bahay ng Panginoon, sa isang lungsod kung saan nagpulong kaming minsan sa isang chapel kasama ang mga Banal na nagdala sa amin ng kanilang mga kaibigan para maturuan at madama ang pagsaksi ng Espiritu. Nadama ng mga kaibigang ito na tanggap sila at panatag sa totoong Simbahan ng Panginoon.