Ating Sagot
Isang simpleng panalangin ang nagpabago sa aking pamilya.
“Kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4).
Naaalala ko pa noong una kong nakita ang dalawang lalaking nakatayo sa pintuan namin sa Peru. Nakasuot sila ng puting polo at nakakurbata, at napakatatangkad nila! Ang gaganda ng kanilang mga ngiti.
“Mababait siguro sila,” naisip ko. Siguro ganoon din ang inisip ng nanay ko dahil di nagtagal dumadalas na ang pagpunta sa amin ng mga misyonero.
Gusto kong makinig sa mga misyonero at palagi kong nadarama na nagsasabi sila ng katotohanan.
“Ayaw po ba ninyong magpabinyag, Mamá?” tanong ko sa nanay ko isang araw.
Ngumiti siya. “Gusto ko. Pero gusto kong magpabinyag na kasama ang tatay mo.”
Tumango ako. Siyam na taong gulang na ako noon—sapat na ang edad para mabinyagan. Pero gusto ko ring magpabinyag na kasama ang aking ama, at hindi niya matiyak kung naniniwala siya sa itinuro ng mga misyonero.
“Patuloy lang tayong magdasal, at darating ang tamang panahon,” sabi ni Mamá, na parang nababasa niya ang nasa isip ko.
Alam ko na hinamon ng mga misyonero ang aking ama na sundin ang paanyaya sa katapusan ng Aklat ni Mormon na tanungin sa Diyos nang taos-puso kung totoo ang ebanghelyo. Kaya isang gabi nagpasiya ako na tulungan ang aking ama sa hamon na iyon. Itinanong ko kung maaari ba kaming magdasal nang sama-sama gaya nang hiniling ng mga misyonero. Pumunta kami sa aking silid at lumuhod. Tinanong niya ako kung sino ang magdarasal.
“Puwede po bang kayo na lang,” ang sabi ko.
Sinimulan ng aking ama ang pagdarasal sa Ama sa Langit. Nang tanungin niya kung dapat kaming mabinyagan, kami ay napuspos ng pagmamahal at kapayapaan. Napakatindi nito kaya’t tumigil sandali ang aking ama. Alam namin na kailangan kaming mabinyagan.
Hindi ko malilimutan kailanman ang sulyap sa mga mata ng tatay ko nang matapos siyang manalangin.
“May sagot na sa atin,” bulong niya at niyakap ako.
Ngumiti ako nang isubsob ko ang aking ulo sa kanyang balikat. Ang Espiritu Santo ang nagbigay-daan para malaman namin ang katotohanan (tingnan sa Moroni 10:5).