Nagising Ako sa Ebanghelyo
Hindi ibinigay ang pangalan, France
Pinalaki ako ng mga magulang na hindi naniniwala sa Diyos at noong binata ako pakiramdam ko’y ayos lang ang buhay ko na walang Diyos. Gayunman, nagbago iyan noong 1989 nang pumutok ang malaking bituka ko, at walong araw akong walang-malay.
May ilang alaala ako noong nasa ospital ako, pero tandang-tanda ko na nakita ko sa pangitain ang isang lalaking nakaputi na nakatayo sa tabi ko matapos akong operahan at sinabi sa akin na oras na para “bumalik at gumising.” Nang labanan ko ito, idinagdag niya, “Kapatid, patay ka na. Puwede kang bumalik, o manatili na rito.” Sinunod ko ang sinabi niya at nagising akong puno ng sakit.
Matapos lisanin ang ospital, nagkaroon ako ng kakaibang mga panaginip na may kasamang mga taong hindi ko pa kilala. Pakiramdam ko nangako akong gawin ang isang bagay, pero hindi ko alam kung ano. Nagsimula akong magsaliksik at magbasa tungkol sa iba’t ibang relihiyon. Nang mabasa ko ang Bagong Tipan, natanto ko na kung nasa lupa ang katotohanan, matatagpuan iyon kay Jesucristo.
Nagsaliksik ako mula 1989 hanggang 1994. Naguluhan ako at nalito nang saliksikin ko ang mga taong lagi kong nakikita sa aking mga panaginip. Tumindi ang paghihirap at pagkalito ko, at natagpuan ko ang aking sarili na desperadong nagdarasal na malaman ang mga sagot.
Di nagtagal matapos ang mga panalanging ito, nakilala ko ang isang bagong katrabaho. Nalaman niya na nahihirapan ako, at sinabi ko sa kanya na naghahanap ako ng katotohanan. Dinalhan niya ako ng Aklat ni Mormon, na pilit kong tinanggihan. Ngunit hinikayat niya akong kunin iyon, at binasa kong lahat iyon sa isang magdamag. Agad kong nalaman na natagpuan ko na ang matagal ko nang hinahanap.
Nang kausapin ko ang mga missionary, nagulat akong makita na isa sa kanila ang nakita ko na sa aking mga panaginip. Hindi nagtagal hiniling kong mabinyagan, ngunit kinailangan ko pang tapusin ang lahat ng aralin.
Nang pag-aralan ko ang ebanghelyo at magsimba ako, natagpuan ko ang lahat ng taong nasa panaginip ko. Nalaman ko na ang ebanghelyo ang kinailangan kong matagpuan. Ang araw ng binyag ko ay isa sa pinakamasasayang araw sa buhay ko. Pagkaraan ng anim na buwan, tinawag ako bilang branch president. Ngayon, pagkaraan ng halos 20 taon, masaya pa rin akong naglilingkod sa Simbahan. Kasama ang aking pamilya, ang ebanghelyo ang pinakamahalaga kong pag-aari.