2013
Paggawa, Paglilingkod, at Espirituwal na Pag-asa sa Sarili
Agosto 2013


Paggawa Paglilingkod at Espirituwal na Pag-asa sa Sarili

Elder Per G. Malm

Ang mga pagpapala ng kasipagan at paglilingkod ay higit pa sa temporal na pagtulong lamang.

Paglalagay ng mga laryo sa edad na 16

Ang matutong maging masigasig ay mahalaga habang kayo ay bata pa. Bahagi na ng buhay ang mahihirap na trabaho. Natutuhan ko iyan nang maaga nang tawagin ako sa isang espesyal na service mission ng Simbahan para tumulong sa pagtatayo ng mga meetinghouse. Ako ay 16 na taong gulang lamang noon at katatapos lang sa pag-aaral. Nadestino ako sa grupo na naglalagay ng mga brick o laryo. Mahirap na trabaho, ngunit nagustuhan ko ito.

Inilagay kami sa mga grupo at naglakbay mula sa Sweden, kung saan ako nakatira, patungo sa iba pang mga bansa na malapit dito. Sa bawat lugar, nakikitira kami sa isang miyembro ng ward sa lugar na iyon. Humanga ako sa kahandaan ng mabubuti, matatapat na miyembro ng Simbahan na patuluyin kami sa kanilang mga tahanan at makatulong sa anumang makakaya nila. Kahit wala silang gaanong pera, gusto nilang maglingkod.

Karamihan sa mga kabataang lalaki na tinawag sa mga service mission na ito ng Simbahan ay mas matanda, ngunit ako ay 16 lamang. Kalaunan nagmisyon ako sa edad na 19. Nang matanggap naming magkapatid ang tawag na maglingkod, lumapit sa amin si Itay at sinabing, “Kahit ito’y pansamantalang pagkatigil ng inyong pag-aaral, gusto kong magkaroon ng mga anak na natutuhan nang maaga ang paglilingkod sa Simbahan. Ang pagkakaroon ng mga karanasang iyan ay magiging pundasyon ninyo kung paano kayo mamumuhay.” Ngayon, ang pagtugon sa tawag na magmisyon ay isang priyoridad para sa mga kabataang lalaki.

Nang matanggap ko ang tawag na magmisyon, medyo kabado ako, pero hindi ako nag-atubiling tanggapin ito. Naituro sa akin sa murang edad na magsabi ng oo kapag hinilingang maglingkod sa anumang tungkulin para sa gawain ng Panginoon. Kaya, mas natuwa ako sa halip na kabahan. Isang napakagandang karanasan na makatulong sa pagtatayo ng mga meetinghouse ng Simbahan.

Pagkakaroon ng Patotoo at Pag-asa sa Sarili

Alam ko na sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa maaari tayong magkaroon ng pagmamahal at patotoo sa ebanghelyo. Noong binatilyo ako at malayo sa aking pamilya, natutuhan ko na kailangang maging responsable ako sa buhay ko—hindi lamang sa pisikal kundi sa espirituwal din. Natutuhan ko rin kung paano talaga makinig at sumunod sa mga pahiwatig ng Espiritu.

Ngunit ang mga damdamin at kakayahang iyon ay hindi lamang dumating noong naglilingkod ako bilang Church-service missionary. Ang aking patotoo at ang pagnanais na maglingkod ay nagsimula bago pa iyan. Mahiyain ako noong kabataan ko, at nahirapan din akong makipag-usap dahil sa kawalan ko ng kumpiyansa. Ngunit unti-unti, habang nakikibahagi ako sa paglilingkod, napalakas ako—nang unti-unti. Nabigyan ako ng pagkakataong matuto, maglingkod at umunlad sa pamamagitan ng mga tungkulin at gawain sa aming branch. Nasabik ako sa paggawa (tingnan sa D at T 58:27). Natutuhan ko na sa buhay, kung saan ka nagsimula ay hindi ka roon matatapos; ang simula ang umpisa ng buhay na puno ng pagbabago.

Isang Pangako na Tutulungan Tayo

Ang susi sa pagbabagong iyan ay ang laging alalahanin kung sino tayo. Tayo ay mga anak na lalaki at anak na babae ng Ama sa Langit. Bawat isa sa atin ay isinilang na may pangako: kapag tayo ay nakipagtipan at nanatiling tapat sa mga tipan at ginagawa ang lahat ng makakaya natin gamit ang ating kalagayan, mga talento at kakayahan, tayo ay makababalik sa ating Ama sa Langit nang may dangal. Iyan ay bahagi ng ating pagkaunawa sa buhay na pinag-ibayo ng ating kaalaman sa mga bagay na walang hanggan, at kailangan nating alalahanin na hindi tayo nag-iisa. Bibigyan tayo ng Ama sa Langit ng lakas at kakayahan na harapin ang mga hamon sa buhay.

Dahil sa aking mga karanasan sa paglilingkod nang maaga sa buhay, nagsimula akong magtiwala sa Panginoon. Hinihikayat tayo sa Doktrina at mga Tipan 121:45 na “[palakasin ang ating] pagtitiwala sa harapan ng Diyos.” Kapag kayo ay nakibahagi sa paglilingkod sa Panginoon, madarama ninyo ang Kanyang Espiritu, madarama ninyo ang Kanyang pagmamahal, at mauunawaan ninyo na, bagama’t ang buhay na ito ay isang pagsubok, kayo ay hindi nag-iisa. Kapag kayo ay namuhay nang matwid at naglingkod, bibigyan kayo ng tulong at lakas na higit pa sa inyong sariling lakas.