2013
Piliing Huwag Magtsismis
Agosto 2013


Piliing Huwag Magtsismis

Ang awtor ay nakatira sa Washington, USA.

Noong sophomore ako sa hayskul, nagboluntaryo ako bilang bahagi ng technical crew para makagawa ng musikal na pagtatanghal sa aming high school. Ang karanasang iyan ay naging isa sa mga paborito kong alaala ng taon, dahil masaya ito at marami akong natutuhan sa paggawa nito. Gustung-gusto ko ring katrabaho ang mga taong nakilala ko.

Ngunit ang pinakamahalagang natutuhan ko ay isang bagay na hindi ko inaasahan.

Para tahimik na makausap ng technical crew ang isa’t isa, gumamit kami ng mga radio headset. Ginamit din namin ang mga ito sa pagbibiruan, pagkukuwentuhan, at para kantahan din ang isa’t isa upang libangin ang aming mga sarili sa mahahabang praktis.

Pero noong una naming gamitin ang mga headset hindi ako gaanong komportable. Sa una nagustuhan ko ito. Pagkatapos nagsimulang pagtsismisan ng ilang tao ang mga artista na nagpapraktis sa entablado. Sinikap kong hindi pansinin ang mga di-magagandang komento at pangit na mga puna, pero habang nagtatagal ang pag-uusap, lalong tumindi ang tsismisan at mas nakasasakit.

Hindi na maganda ang pakiramdam ko sa naririnig kong ilang mga komento, pero takot akong pagsabihan ang mga bago kong kaibigan. Sana nga ay may nasabi ako, dahil habang hinahayaan ko ang kanilang pagbibiro, natutukso na ako kalaunan na tumawa at magkomento rin. Nagsimula akong mangatwiran na hindi naman masama ito. Wala namang makaririnig sa akin maliban sa technical crew, at gusto kong matanggap ako ng mga taong nakapaligid sa akin.

Nahihirapan man, alam ko na hindi tama ang manirang-puri sa mga naroon sa entablado, at pinili kong huwag magtsismis.

Matapos ang praktis nalaman namin na lahat ng sinabi namin gamit ang mga headset ay naririnig pala sa likod ng entablado. Lahat ng 60 o mahigit pa sa mga kasali sa pagtatanghal ay narinig ang aming pag-uusap. Ang ilan ay nagalit, nainis, o napahiya. Walang natuwa.

Kalaunan, habang nag-uusap kami ng isa sa mga kaibigan ko tungkol sa nangyari, sinabi niya, “Alam ng lahat na hindi ka kailanman magsasalita ng ganoon.” Nagulat ako sa sinabi niya, at natanto ko ang kahalagahan ng pasiyang ginawa ko. Kung pinili kong makipagtsismisan, ano kaya ang sasabihin tungkol sa akin? Ano kaya ang sasabihin nila tungkol sa Simbahan?

Nagpapasalamat ako sa mga pasiyang ginawa ko sa madilim at munting tanghalang iyon, kahit naisip ko noon na walang ibang makaaalam, dahil nabiyayaan ako ng mga kaibigan, kapayapaan, at tiwala na nawala sana kung pinili kong makipagtsismisan.