2013
Ako ay Isang Kristiyano
Agosto 2013


Ako ay Isang Kristiyano

Kathy Fjelstul Craig, Arizona, USA

Ako ay guro sa ikalawang baitang sa isang komunidad kung saan kilalang-kilala ang mga Banal sa mga Huling Araw. Kaya nagulat ako isang araw nang sabihin sa akin ng isang katrabaho ko ang sinabi ng isa pang guro tungkol sa akin. Sinabi ng guro na, “Alam mo bang hindi Kristiyano si Mrs. Craig?”

Nabalisa ako. Kamamatay lang ng asawa kong 28 taon kong nakasama, at naging napakalapit ko sa Tagapagligtas at sa aking Ama sa Langit kaysa ibang panahon sa buhay ko. Alam ko na kailangan kong magpatotoo sa gurong ito, pero hindi ko tiyak kung paano gagawin iyon. Ayaw kong saktan ang damdamin niya, pero gusto ko ring malaman niya na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay mga Kristiyano.

Kinaumagahan ibinulong sa akin ng Espiritu Santo kung ano ang dapat kong sabihin. Habang nakahiga, naisip ko ang lahat ng painting ko sa bahay tungkol sa buhay ni Jesucristo. Bawat painting ay may espesyal na lugar sa puso ko at may kaugnayan sa isang natatanging panahon sa buhay ko. Ang pag-iisip sa mga painting na iyon ay naghatid ng maraming magigiliw na damdamin tungkol sa pagmamahal ko sa Tagapagligtas.

Isang partikular na painting ang nagpapakita sa Tagapagligtas na pinapayapa ang maalong karagatan. Ipinapaalala nito sa akin na dinadaig Niya ang lahat at na, sa pamamagitan Niya, maaari ko ring madaig ang lahat ng bagay, pati na ang kasawian ko sa pagkawala ng aking asawa.

Habang patuloy kong pinag-iisipan ang mga painting, napuspos ako ng pasasalamat sa mga pagpapalang dumating sa akin dahil kabilang ako sa Simbahan ng Tagapagligtas.

Nang umagang iyon sa eskuwelahan pumasok ako sa silid ng kasamahan ko at sinabi ko na gusto kong malaman niya na ako ay isang Kristiyano. Tinanong ko siya, “Ilan ang painting ng Tagapagligtas sa bahay ninyo?” Sinabi niya sa akin na sa halip na mga painting, may dalawang krus siya sa bahay niya.

Ikinuwento ko sa kanya ang mga painting ng Tagapagligtas sa bahay ko at ang kahulugan sa akin ng mga tagpong nakalarawan sa mga painting. Pagkatapos ay nagpatotoo ako tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-Sala.

Ikinuwento ko rin sa katrabaho ko na ang kaalaman ko tungkol kay Jesucristo ang dahilan kaya ko nalagpasan ang nakaraang taon. Sinabi ko sa kanya kung paano ako natulungan ng Kanyang magigiliw na awa at ang mga anak ko na malagpasan ang mahirap na panahon na mawalan ng ama at asawa.

Niyakap ko siya bago ako lumisan, at taos siyang humingi ng tawad. Walang duda sa puso ko na alam niya na ako, na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay isang Kristiyano.