2013
Dinidinig at Sinasagot ng Ama sa Langit ang mga Dalangin Ko
Agosto 2013


Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary

Dinidinig at Sinasagot ng Ama sa Langit ang mga Dalangin Ko

Magagamit ninyo ang aralin at aktibidad na ito para matutuhan pa ang iba tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito.

Nagkaroon na ba kayo ng problema na lubhang ikinabalisa ninyo? Ganoon ang nadama nina Alma at ng kanyang mga kasama. Sinikap nilang ituro sa mga Zoramita ang tungkol kay Jesucristo, ngunit ayaw silang paniwalaan ng mga Zoramita. Inakala ng mga Zoramita na mas mabuti sila kaysa sa ibang tao. Kapag nananalangin sila sa simbahan, umaakyat sila sa isang mataas na tindigan na tinawag na Ramiumptum at binibigkas ang eksakto at parehong panalangin tuwing tatayo roon.

Nagpasiya si Alma na manalangin para humingi ng tulong. Sinabi niya sa Ama sa Langit kung gaano siya kalungkot dahil ang mga Zoramita ay palalo at ayaw maniwala. Hiniling niya sa Ama sa Langit na bigyan siya ng kapanatagan at ang kanyang mga kasama at bigyan sila ng lakas sa mahihirap na gawain nila bilang misyonero.

Sinagot ng Ama sa Langit ang panalangin ni Alma. Pinanatag niya ang kalooban ni Alma at ng kanyang mga kasama at tinulungan silang maging malakas. (Tingnan sa Alma 31.)

Laging naririnig ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin, at sinasagot Niya tayo sa iba’t ibang paraan. Ang Kanyang sagot ay maaaring hindi dumating kaagad o sa paraang inaasahan natin, pero lagi Niya tayong sinasagot dahil mahal Niya tayo.

Mga Panalangin sa mga Banal na Kasulatan

Nasa ibaba ang ilang halimbawa ng mga tao mula sa mga banal na kasulatan na nagdasal para ihingi ng tulong ang iba’t ibang problema at nakatanggap ng mga sagot. Hanapin ang mga kahon na magkatugma mula sa bawat hanay. Gamitin ang mga reperensya sa banal na kasulatan sa tabi ng bawat larawan na tutulong sa inyo.

Sino ang Nanalangin

Bakit Siya Nagdasal

Ano ang Nangyari

Reyna Esther

(Esther 4–7)

Natakot sila na baka baguhin ang kanilang wika para hindi nila maunawaan ang isa’t isa.

Sinabi sa kanya ng Ama sa Langit kung paano gumawa ng mga kagamitan at gumawa ng barko.

Nephi

(1 Nephi 17:7–17; 18:1–4)

Kailangan niyang malaman kung aling simbahan ang dapat niyang salihan.

Hinayaan siyang mabuhay ng hari, at nahikayat niya ito na iligtas ang kanyang mga tao.

Joseph Smith

(Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–19)

Kailangan niyang hikayatin ang hari na protektahan ang kanyang mga tao sa pagkalipol, ngunit maaari siyang ipapatay sa pagpunta roon nang hindi inaanyayahan.

Ang Panginoon ay naawa sa kanila at hindi binago ang kanilang wika.

Ang kapatid ni Jared at ang kanyang pamilya

(Eter 1:33–37)

Kailangan niyang gumawa ng barko upang madala ang kanyang pamilya sa isang bagong lupain, ngunit hindi niya alam kung paano gumawa niyon at wala siya ng mga kagamitang kailangan niya.

Nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo at sinabi sa kanya na huwag sumapi sa alinman sa mga simbahan.