Sumulong nang May Pananampalataya
Ano ang dapat ninyong gawin kapag kailangan ninyong magdesisyon at naipagdasal na ninyo ang inyong pasiya, pero hindi pa rin ninyo tiyak kung ano ang gagawin?
Ipinahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ito ay ang simple at napakalungkot na katotohanan na bago [at matapos] ang mga mahahalagang sandali, lalo na’t … ang mga dakilang espirituwal na sandali, maaaring may dumating na hirap, pagsalungat, at kadiliman” (“Huwag Nga Ninyong Itakuwil ang Inyong Pagkakatiwala,” Liahona, Hunyo 2000, 34).
Ngunit hindi ibig sabihin na kapag may oposisyon ay pinabayaan na kayo ng Ama sa Langit. Nariyan siya, at gagabayan Niya kayo. Kung minsan kailangan nating sumulong nang may pananampalataya hanggang sa magliwanag ang ating landas. Narito ang ilang ideya mula sa mga makabagong propeta tungkol sa matiyagang paghihintay sa mga sagot at patnubay.
Lumakad Patungo sa Dulo ng Liwanag
“Halos matapos akong tawagin bilang General Authority, humingi ako ng payo kay Elder Harold B. Lee. Pinakinggan niyang mabuti ang problema ko at iminungkahing kausapin ko si Pangulong David O. McKay. Pinayuhan ako ni Pangulong McKay tungkol sa direksyong dapat kong sundan. Handang-handa akong sumunod pero wala akong nakitang paraan para magawa ko ang ipinayo niya sa akin.
“Bumalik ako kay Elder Lee at sinabi ko sa kanya na wala akong nakitang paraan para sundan ang direksyong ipinayo niya na patunguhan ko. Sabi niya, ‘Ang problema sa iyo, gusto mo nang makita ang wakas sa simula pa lang.’ Sumagot ako na gusto kong mauna nang kahit isa o dalawang hakbang man lang. Pagkatapos ay dumating ang aral sa buhay: ‘Dapat kang matutong lumakad patungo sa dulo ng liwanag, pagkatapos ay ilang hakbang pa papasok sa kadiliman; pagkatapos ay lilitaw ang liwanag at ipapakita sa iyo ang daan.’ Pagkatapos ay binanggit niya ang 22 salitang ito mula sa Aklat ni Mormon:
“‘Huwag magtalu-talo hindi dahil sa hindi ninyo nakikita, sapagkat wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya’” (Eter 12:6).
Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “The Edge of the Light,” BYU Magazine, Mar. 1991, magazine.byu.edu.
Magpatuloy nang May Tiwala
“Ano ang gagawin ninyo kapag kayo ay nakapaghandang mabuti, taimtim na nanalangin, naghintay nang sapat na panahon para sa sagot, at wala pa rin kayong madamang kasagutan? Maaari kayong magpasalamat kapag nangyari iyon, dahil patunay ito ng … pagtitiwala ng [Ama sa Langit]. Kapag namumuhay kayo nang marapat at ang inyong pasiya ay naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas at kailangan ninyong kumilos, magpatuloy nang may tiwala. Kapag sensitibo kayo sa mga paramdam ng Espiritu, isa sa dalawang bagay ang tiyak na mangyayari sa tamang panahon: maaaring matuliro ang isipan, na ibig sabihin ay mali ang pasiya, o kaya’y kapayapaan o pag-aalab sa dibdib ang madarama, na nagpapatunay na tama ang inyong pasiya. Kapag namumuhay kayo nang matwid at kumikilos nang may tiwala, hindi hahayaan ng Diyos na magpatuloy pa kayo nang hindi nababalaan kung mali ang inyong desisyon.”
Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Paggamit ng Kaloob ng Langit na Panalangin,” Liahona, Mayo 2007, 10.
Huwag Pakontrol sa Inyong mga Takot
“Huwag tayong pakontrol sa ating mga takot. Nawa’y lagi nating maalalang laging lakasan ang loob, manampalataya sa Diyos, at marapat na mamuhay upang Kanyang matagubilinan tayo. Bawat isa sa atin ay may karapatang makatanggap ng personal na paghahayag upang gabayan tayo sa ating mga pagsubok sa buhay na ito. Nawa’y mamuhay tayong bukas ang ating puso sa lahat ng oras para sa mga bulong at pag-aliw ng Espiritu.”
Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Huwag Matakot,” Liahona, Okt. 2002, 6.
Matiyagang Maghintay sa Paghahayag
“Ang unti-unting pagliliwanag na nagmumula sa papasikat na araw ay parang pagtanggap ng mensahe mula sa Diyos nang ‘taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin’ (2 Nephi 28:30). Kadalasan, ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti at ibinibigay ayon sa ating hangarin, pagkamarapat, at paghahanda. Ang gayong pakikipag-ugnayan mula sa ating Ama sa Langit ay dahan-dahan at marahang ‘magpapadalisay sa [ating mga] kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit’ (D at T 121:45).”
Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Diwa ng Paghahayag,” Liahona, Mayo 2011, 88.
Dapat Ninyong Malaman na Tutulong ang Diyos
“Sa [isang] abalang panahon sa buhay ko, ibinigay sa akin ni Elder Joseph B. Wirthlin ang tungkuling maglingkod bilang stake president.
“Nang interbyuhin niya ako, maraming pumasok sa isipan ko, at nag-alala ako na baka wala akong sapat na oras para sa tungkuling ito. Bagama’t nakadama ako ng pagpapakumbaba at karangalan kong matawag sa tungkuling ito, saglit kong pinag-isipan kung tatanggapin ko ito. Ngunit saglit lang iyon dahil alam ko na si Elder Wirthlin ay tinawag ng Diyos at ginagawa niya ang gawain ng Panginoon. Ano pa ang magagawa ko kundi tanggapin ito?
“May mga pagkakataon na kailangan nating sumampalataya kahit hindi natin alam ang kahihinatnan, tiwala na sasagutin at papatnubayan tayo ng Diyos. Kaya nga masaya kong tinanggap iyon, batid na tutulungan ako ng Diyos.”
Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang Layunin ng Paglilingkod sa Priesthood,” Liahona, Mayo 2012, 59.