2013
Sumulong
Agosto 2013


Sumulong

Steven Scott Stokes, North Carolina, USA

Bago ako magtapos sa kolehiyo, pinag-isipan naming mag-asawa ang dalawang tanong: kailan namin sisimulang magkaanak at saan kami pupunta kapag nakatapos na ako. Ilang oras naming pinag-usapan ang nakakatakot na mga paksang ito ngunit hindi kami nakapagpasiya.

Isang partikular na Linggo, unti-unting naging debate ang aming pag-uusap, at kalaunan ay nauwi sa pagtatalo. Sa sandaling iyon, tumunog ang doorbell. Nagulat kaming makita ang aming mga home teacher na nakatayo sa may pintuan.

Pinapasok namin sila at nakinig kami sa kanilang mensahe. Nagsimulang magsalita ang isa sa aming mga home teacher tungkol kay Moises at sa mga anak ni Israel na tumatakas mula sa Egipto. Pagdating ng mga anak ni Israel sa dalampasigan ng Red Sea, hindi na sila makatuloy, at papalapit na ang mga Egipcio. Sinasabi sa mga banal na kasulatan na ang mga anak ni Israel ay “natakot na mainam” (Exodo 14:10). Nang manalangin si Moises para sa patnubay, tumugon ang Panginoon, “Bakit humihibik ka sa akin? salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila’y magpatuloy na yumaon” (Exodo 14:15).

Nang mabasa ng aming home teacher ang talatang iyon, agad naglaho ang aming kabiguan at takot. Natanto naming mag-asawa na matagal na pala kaming nakaupo sa baybayin ng Red Sea na iniisip kung ano ang gagawin ngunit para “[makita] ang pagliligtas ng Panginoon” (Exodo 14:13), kailangan naming sumulong.

Sa sitwasyon namin, ang pagsulong ay nangahulugan ng paggawa ng matalinong desisyon, masigasig na pagtatrabaho, at pagtitiwala sa Panginoon. Kailangan naming tumigil sa pagdedebate at magsimulang kumilos nang may pananampalataya. Nang sundin namin ang patnubay ng Panginoon, hindi na kami nahirapang magpasiya, at nakakilos kami nang hindi napapahamak. Nagpapasalamat kami sa mga pagpapalang natanggap namin mula sa pagsulong nang may pananampalataya at sa mga home teacher na nagbigay-inspirasyon sa amin na gawin ang mga unang hakbang.