Pagsunod: Ang Tanda ng Pananampalataya
Nawa’y ating sikaping mamuhay sa pagsunod sa mga utos, sundin ang banal na patnubay ng mga piling lingkod ng Panginoon at tanggapin ang ipinangakong mga pagpapala mula sa Kanyang kamay.
Ang pagsunod sa mga batas at utos ng Diyos ay kailangan noon pa man at hanggang ngayon ng mga naghahangad na tumanggap ng mga pagpapalang ipinangako ng Tagapagligtas.
Noong Mayo 1833 tumanggap ng paghahayag si Propetang Joseph Smith kung saan sinabi ng Panginoon:
“Ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa. …
“At walang taong tatanggap ng kabuuan maliban kung siya ay sumusunod sa … mga kautusan [ng Diyos].
“Siya na sumusunod sa kanyang mga kautusan ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa siya ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay” (D at T 93:24, 27–28; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Sa pag-aaral at pagsunod sa mga katotohanang matatagpuan sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo, nalalaman at natatanggap natin ang mga pagpapalang ipinangako ng ebanghelyo. Sang-ayon sa karunungan at takdang panahon ng Ama sa Langit, ang mga katotohanang gumagabay sa mga Banal sa mga Huling Araw ay napapasalahat ng anak ng Diyos. Sapagkat, tulad ng sinabi Niya, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Ipinahayag ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Thomas S. Monson: “Sundin ang mga batas ng Diyos. Ibinigay ito sa atin ng mapagmahal na Ama sa Langit. Kapag sinusunod ang mga ito, ang buhay natin ay magiging mas makabuluhan, hindi gaanong kumplikado. Ang mga hamon at problema ay mas madaling mapagtitiisan. Matatanggap natin ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon. Sinabi Niya, ‘Hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan; at ang may pagkukusa at ang masunurin ay kakainin ang taba ng lupain ng Sion sa mga huling araw na ito.’”1
Ang winika ni Pangulong Monson ay tulad sa sinabi ni Nephi sa kanyang ama noong sinauna, “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7).
Ipinaaalala sa atin ng isang himnong pambata ang ating tungkulin at direksyon:
Gagawin, susundin, utos ng Diyos sa ‘kin.
Magbibigay S’ya ng daan upang ito’y tupdin.2
Habang isinasaisip natin ang payo ng ating propeta na matapat na sundin ang mga utos at habang inaalala natin ang sagot ni Nephi sa kanyang ama, tayo ay magiging isang pinagpalang lahi.
Sa pagsunod sa utos mula sa anghel na si Moroni, ikinuwento ni Propetang Joseph sa kanyang ama ang nangyari. Ang ama ni Joseph Smith, nang malaman na ipagkakatiwala sa kanyang anak ang mga laminang ginto, ay nagsabi “na yaon ay sa Diyos, at sinabihan ako na humayo at sundin ang iniuutos ng sugo” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:50). Anumang hindi pagsunod sa payo na natanggap ni Joseph kapwa mula sa langit at lupa ay magpapabago ng kasaysayan.
Kailan Kami Mabibinyagan?
Ang ating mga missionary ay nagdarasal at humahayo at naglilingkod, na nagtitiwalang hindi magbibigay ng utos ang Panginoon sa kanila nang hindi Siya naghahanda ng paraan para sila ay magtagumpay sa pamamagitan ng kanilang pagsunod at kahandaang maglingkod. Nagtitiwala sila sa Kanyang pangako: “Sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).
Maraming taong naghahanap ng katotohanan ang handang sumunod sa mga turo ng ating mga missionary. Kadalasan, ang mga taong naghahangad na mapabilang sa mga nananalig ay may hangaring maging masunuring mga alagad ng katotohanan. Handa rin silang humayo at maglingkod.
Gayon ang nangyari sa 42 tao na dumalo sa isang district conference sa Kananga, Democratic Republic of the Congo. Kusa silang nagpunta dahil nabasa at narinig nila ang mga katotohanan ng Panunumbalik, sinimulan nilang ipamuhay ang mga alituntuning kaugnay nito, at hinangad nilang maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.3
Masunurin sa mga panghihikayat ng Espiritu at may pananampalataya sa bawat hakbang, naglakad sila nang anim na araw para makadalo sa kumperensya. Ang una nilang tanong sa presiding authority pagdating nila ay, “Kailan kami mabibinyagan?”
Naunawaan nila na darating ang panahon na papapangyarihin ng Panginoon na maturuan sila ng mga missionary sa kanilang mga tahanan at dadalhin sa kanila ang katotohanang kaytagal na nilang hinahanap. Mga 200 iba pang hindi nakasama sa anim-na-araw na biyahe ang naghintay sa balita na di-magtatagal ay hahanapin sila ng mga missionary.
Panalangin na may Pananampalataya
Sa bansa ng Angola, nagbantang hadlangan ng oposisyon ang hangarin ng matatapat at masunuring mga Banal na makitang maitatag ang ebanghelyo sa kanilang lupain. Isinugo ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod upang simulan doon ang gawaing misyonero, ngunit noong gabi bago ang nakatakda nilang biyahe, hindi pa rin sila nabibigyan ng visa. Nang kausapin ng mga kinatawan ng Simbahan ang mga opisyal ng immigration tungkol sa pagkaantala, pinaalis sila ng mga ito.
Nang aprubahan ng Unang Panguluhan ang paglalaan ng Angola para sa gawaing misyonero, naghintay ng balita si Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol at ang iba pa sa Johannesburg, South Africa. Kasabay nito, sinikap buksan ng matapat na miyembrong si Paulina Lassalete da Cunha Gonçalves ang isang tila nagsasarang pintuan. Umasa siyang makakuha ng mga imbitasyong magbibigay ng pahintulot para makapasok ang grupo ng Simbahan sa Angola. Pagdating doon, makukuha na nila ang kailangang mga visa.
Sa loob ng ilang minuto pagkasara ng mga tanggapan ng pamahalaan sa Angola, tinipon ni Elder Christofferson ang mga naghihintay sa opisina ng Africa Southeast Area. Pagkatapos, habang nakaluhod at nananalangin, hiniling niyang mamagitan ang Ama sa Langit. Sa oras ding iyon, kaagad pagkatapos niyang manalangin nang may pananampalataya, pinirmahan ang mga imbitasyon. Naghanda ng paraan ang mapagmahal na Ama sa Langit para sa araw ng paglalaan. Sa kahilingan ni Elder Christofferson, isang mapagpakumbabang panalangin na puno ng pasasalamat ang inialay para sa himalang ipinagkaloob.4
Ang mga titik ng isang awitin sa Primary ay napakaganda at hindi mapag-aalinlanganan:
Ama sa Langit, kayo ba’y nar’yan?
Dalangin ba ng musmos pinakikinggan?5
Oo, nariyan Siya, at oo, sinasagot nga Niya ang mga dalangin ng masunurin Niyang mga anak.
Ang pagsunod ay katangian na ng mga propeta noon pa man, at ang pinagmumulang ito ng espirituwal na lakas ay makukuha ng lahat ng matapat na sumusunod sa mga lingkod ng Diyos. Ikinintal ni Pangulong Monson sa isipan ng mga Banal na kailangang sundin ang mga utos, sapagkat “dito ay ligtas tayo at payapa.”6
Nawa’y ating sikaping mamuhay sa pagsunod sa mga utos, sundin ang banal na patnubay ng mga piling lingkod ng Panginoon at tanggapin ang ipinangakong mga pagpapala mula sa Kanyang kamay.