Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan para Tumatag ang Pamilya
Magkaroon ng matatag na pundasyon para sa inyo at sa inyong pamilya sa pamamagitan ng mas palagian at makabuluhang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Ang sumusunod na mga ideya ay maaaring makatulong sa inyo at sa inyong pamilya na umani ng mga gantimpala ng mas mahusay na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang mga halimbawang ito ay mga mungkahi lamang at maaaring iangkop sa mga pangangailangan ninyo at ng inyong pamilya.
Mag-aral nang May Tanong
Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan para maghanap ng mga sagot ay isang mabuting paraan para mapahusay ang pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan. Maaari ninyong simulan ang inyong pag-aaral sa panalangin, na hinihiling na mahanap ang mga sagot sa inyong partikular na mga tanong. Habang nagbabasa kayo, markahan ang mga talata sa mga banal na kasulatan na sumasagot sa inyong mga tanong. Sumulat ng maiikling tala sa gilid ng inyong mga banal na kasulatan o sa hiwalay na notbuk.
Kapag nag-aaral kayo bilang pamilya, masisimulan ninyo ang bawat pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pagtatanong sa inyong mga anak kung may mga tanong sila na sinisikap nilang sagutin. Habang nagbabasa kayo, hanapin ang mga talatang sumasagot sa mga tanong na ito, at tumigil para talakayin ang mga ito.
Mag-aral ayon sa Paksa
Pumili ng isang paksang gusto ninyong pag-aralan pa, tulad ng panalangin, at basahin ang nakasulat sa Bible Dictionary o sa Gabay sa mga banal na Kasulatan. Pagkatapos ay basahin ang banal na kasulatang nakalista sa paksang iyan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Index, o Topical Guide. Sa loob ng listahan ng mga banal na kasulatan, markahan ang mga talatang lubos na makakatulong. Matapos markahan ang paborito ninyong mga talata tungkol sa panalangin, magkakaroon kayo ng personal na reperensya tungkol sa paksa. Maaari ninyong markahan ng isang kulay ang lahat ng talatang matagpuan ninyo tungkol sa isang partikular na paksa. Pumili ng isa pang doktrinang pag-aaralan kapag tapos na kayo at gumamit ng ibang kulay para markahan ang mga talatang ito.
Kapag nag-aaral bilang pamilya, sama-sama ninyong piliin ang isang paksa at atasan ang bawat bata na tahimik na basahin ang ilang talata at ibahagi ang kanyang paborito. Maaaring ilang araw ang kailanganin para makumpleto ang isang paksa, kaya subaybayan ang natutuhan ninyo sa pamamagitan ng pagtalakay nito at pagtatala sa pagtatapos ng bawat sesyon sa pag-aaral.
Mag-aral para Mapatnubayan
Minsan ay ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, kung paano niya ginamit ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan para makahanap ng natatanging patnubay sa kanyang buhay at tungkulin. Matapos manalangin sa Ama sa Langit kung ano ang gagawin, inilista ni Pangulong Eyring ang mga sagot, nilagyan ng color-code ang bawat aytem sa listahan, at idinikit ang isang kopya sa mumurahing set ng mga banal na kasulatan. Ipinaliwanag niya, “Ang una[ng sagot sa listahan ay] ‘Ako ay saksi na si Cristo ang Anak ng Diyos.’ Tapos ay binabasa ko ang aking mga banal na kasulatan para maghanap ng mga ideya kung paano sumaksi na si Cristo ang Anak ng Diyos. Tuwing may mababasa ako, minamarkahan ko ito ng asul. Di nagtagal nagkaroon ako ng sariling gabay sa paksa na sa palagay ko ay gustong ipagawa sa akin ng Panginoon.”1
Kapag nag-aaral bilang pamilya, magpasiya kung aling mga bagay ang nais ninyong pagbutihin pa. Isulat ang mga problemang ito at ilagay ang mga ito sa lugar na makikita ninyo. Habang nagbabasa kayo, anyayahan ang bawat bata na hanapin at markahan ang mga talatang nauugnay sa isang partikular na problema.
Kung mahirap ang magbasa lamang ng ilang talata sa isang araw at tila imposibleng pag-aralan pa ito nang mas detalyado o mahirap paupuin nang sama-sama ang inyong pamilya, huwag kayong mawalan ng pag-asa at huwag sumuko. Ipinayo ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na kahit walang sandali ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya na tila hindi-malilimutan o matagumpay, “hahantong sa makabuluhang espirituwal na mga bunga ang palagian nating paggawa ng tila maliliit na bagay.”2
Kapag hinangad nating basahin ang mga banal na kasulatan nang mas palagian at ginawa nating makabuluhan ang ating pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagpapalain ng Panginoon ang ating mga pagsisikap. Gagabayan Niya tayo kapag isinaayos natin ang ating pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ginawa itong mas kapaki-pakinabang sa atin at sa ating pamilya.