Nauuna ang Pananampalataya sa Himala
Cheenee Lagunzad, Bulacan, Pilipinas
Mula pa noong bata ako ay gusto ko nang maging missionary. Nagsimula ito bilang simpleng hangarin at patuloy na tumindi. Pero mahirap ang buhay sa Pilipinas. Walang trabaho ang aking ama at kuya, kaya’t ako lamang ang nakakatulong sa aking ina sa pagtataguyod sa aming pamilya. Dahil tinutulungan ko ang aking pamilya sa pinansyal, kaunti pa lang ang naiipon ko para sa aking misyon.
Hindi ko tiyak kung paano malulutas ang problemang ito. Isang gabi nabasa ko ang Eter 12:12: “Sapagkat kung walang pananampalataya sa mga anak ng tao, ang Diyos ay hindi makagagawa ng himala sa kanila; anupa’t hindi niya ipinakita ang kanyang sarili hanggang sa sila muna ay nagkaroon ng pananampalataya.” Pagkatapos ay nabasa ko ang mensahe ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) tungkol sa pananampalataya: “Pananampalataya ang kailangan—pananampalataya kahit hindi nauunawaan kung bakit dapat gawin ang isang bagay—para sa mga kabataan na kaagad na magpatuloy sa pagpapamilya sa kabila ng kawalang-katiyakan sa pinansiyal. … Pananampalataya ang kailangan para makapunta sa full-time mission. Ngunit alamin ito—na lahat ng ito ay tungkol sa pagtatanim, [habang] tapat at [matwid ang] mga pamilya, espirituwal na katiyakan, kapayapaan, at buhay na walang hanggan ang ani.”1
Natulungan ako ng mga turong ito na maunawaan na kailangan ko ng higit na pananampalataya para maisumite ang mission paper ko at maging full-time missionary. Alam ko na kahit mahirap ito, tutulungan ako ng Diyos.
Ininterbyu ako ng branch president namin at sinabi sa akin pagkatapos na ang huling kailangan kong gawin ay magbigay ng paunang bayad na panggastos para sa misyon at pagkatapos ay iinterbyuhin ako ng mission president. Tuwang-tuwa ako at masiglang-masigla. Makukuha ko na ang suweldo ko sa linggong iyon, at maibibigay ko na ang kinakailangang halaga. Gayunman, pagdating ko sa bahay, nalaman ko na nasa ospital si Itay. Nanghina ako nang matanto ko na kailangan naming bayaran ang ospital na katumbas ng eksaktong halaga na kailangan ko para sa aking misyon.
Ngunit ang Ama sa Langit ay naghanda ng paraan. Nakatanggap kami ng tulong mula sa mga kamag-anak at miyembro ng Simbahan, pati na sa branch president namin. Himalang nakalabas si Itay sa ospital pagkaraan ng isang linggo, at nakapagbigay ako ng pera para sa aking misyon. Dalawang linggo matapos akong tumuntong sa edad na 22, natanggap ko ang mission call ko sa Philippines Olongapo Mission.
Alam ko na ginawa itong posible ng Ama sa Langit para maisumite ko ang mission paper ko. Alam ko na kung patuloy akong magtitiwala sa Kanya at kikilos nang may pananampalataya, gagawin Niyang posible ang mga bagay na imposible. Sasagutin Niya ang lahat ng ating mga panalangin, at patuloy Niya tayong gagabayan habang patuloy tayong sumusunod sa Kanya.