Nakawalang mga Alpaca!
Ayaw kumilos ng huling alpacang iyon. Ano ang dapat kong gawin?
“Ama sa Langit, dalangin ko, gabayan at bantayan ako bawat araw” (“Heavenly Father, Now I Pray,” Children’s Songbook, 19).
Noong nakaraang tag-init nagtrabaho ako sa kapitbahay ko. May malawak siyang bukirin para sa mga alpaca na katabi ng taniman niya ng walnut. Parang llama ang hitsura ng alpaca, pero mas maliit lang.
Ang trabaho ko ay linisin ang kanilang mga kuwadra araw-araw. Gusto ko ang trabaho, kahit hindi iyon madali.
Isang katanghaliang-tapat pumasok ako sa trabaho pero wala ang kapitbahay ko. Pero hindi naman problema iyon. Sinabi na niya sa akin na puwede kong linisin ang mga kuwadra anumang oras kahit wala siya.
Habang naglilinis ako, itinumba ng isa sa mga alpaca ang tarangkahan. Ilang sandali pa nakawala na ang 14 na alpaca papunta sa bakuran at sa taniman! Hindi ako makapaniwala! Kinabahan ako. Paano ko sila maibabalik sa kuwadra nang ako lang mag-isa?
Dali-dali akong kumilos, at isa-isa o dala-dalawang itinaboy ang mga ito pabalik sa kuwadra. Makalipas ang labinlimang minuto ang lakas na ng tibok ng puso ko sa katatakbo, hanggang sa bumalik na sa kuwadra ang pinakahuli sa mga ito. Huh!
Pagkatapos ay lumingon ako at nakita ang isang buntis na alpaca na nakahiga sa tabi ng isang puno na 30 talampakan ang layo. Naku. May isa pa akong ibabalik. Sinubukan kong takutin siya para bumalik sa kuwadra, pero ayaw niyang kumilos. Pagkatapos ay sinubukan ko siyang hilahin gamit ang lubid na nakita ko sa garahe. Walang nangyari. Para siyang malaking salansan ng bato na nakahiga roon. Napabuntung-hininga ako sa inis. Ano pa ba ang puwede kong gawin?
Pagkatapos ay naalala ko na laging may paraan para humingi ng tulong, saanman ako naroon. Lumuhod ako para manalangin. Pagkatapos kong magdasal, dumilat ako at hindi makapaniwala sa nakita ko. Naglalakad nang kusa ang alpaca pabalik sa kuwadra. Binuksan ko ang tarangkahan, at pumasok na siya.
Nakangiti ako habang nagbibisikleta pauwi. Alam kong sinagot ng Ama sa Langit ang aking panalangin.