Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Biyaya para sa Inang Pato at sa Akin
Ang awtor ay nakatira sa Utah, USA.
Tulad ng inang pato, kung minsan hindi ko rin nagagawa ang dapat. At diyan ako higit na tinutulungan ng Tagapagligtas.
Isang hapon inihahanda ko na ang sasakyan ko para ihatid na ang lima kong maliliit na anak sa mga lesson at pagpapraktis nila. Habang isinasakay ko ang mga sapatos na pang-football at bag na puno ng gamit sa pagsasayaw, napansin ko ang inang pato at kanyang mga itik na nasa bangketa.
Habang nakamasid ako, sinimulan niyang tawirin ang kalsada. Sa kasamaang-palad, pinili niyang tawiran ang parilya ng kanal, at nang dumaan siya roon, sumunod ang kanyang mga inakay. Apat sa kanyang mga inakay ang kaawa-awang lumusot sa pagitan ng mga kabilya ng parilya.
Nang makatawid na ang ina, natuklasan niya na may mga nawawala sa kanyang mga inakay at naririnig niya ang siyap o huni ng mga ito. Dahil talagang hindi niya alam ang kanyang pagkakamali, tumawid siya pabalik at dumaan sa parilya ng kanal, hinahanap ang kanyang nawawalang mga inakay at nawalan ng dalawa pa. Nabigla at bahagyang nainis sa mali niyang ginawa, pinuntahan ko ang parilya para tingnan kung kaya ko itong iangat. Kahit ginamit ko na lahat ang aking lakas, halos hindi pa rin natinag ang parilya, at mahuhuli na ako sa pagsundo sa isa sa mga anak ko.
Inisip ko na ayusin na lang ang problema mamaya kapag hindi na ko nagmamadali, kaya pumasok na ako sa kotse habang ibinubulong na, “Wala siyang karapatang maging ina,” na para bang napakabuti kong nanay.
Nang sumunod na isa’t kalahating oras, nagawa ko ang marami sa paulit-ulit kong pagkakamali bilang magulang. Ito ang mga pagkakamaling inihingi ko ng kapatawaran nang maraming beses sa aking mga anak at sa aking Ama sa Langit. Sa tuwing mangyayari iyon lagi kong ipinapasiyang magpakabuti at huwag magpadaig na muli sa mga kahinaang iyon. Nang pagalit kong sinigawan ang isa sa mga anak ko dahil sa panunukso nito sa iba, malakas kong narinig ang mismong sinabi ko, “Wala siyang karapatang maging ina.”
Bigla akong nakadama ng matinding pagkahabag sa inang pato. Sinisikap niyang maglakbay sa mundo sa likas na pag-iisip na ibinigay sa kanya, tulad ko. Ngunit kung minsan hindi sapat ang likas na pag-iisip na iyon, at ang mga anak natin ang nagdurusa.
Ipinasiya kong iangat ang parilya kahit paano at ilabas ang mga inakay. Habang papaliko ako sa kalye namin, nakita kong nagkakalumpunan ang ilang tao. Naiangat ng kapitbahay ko ang parilya, bumaba sa lagusan ng kanal, at maingat na inilalabas ang mga inakay para mailigtas. Natataranta sa takot ang mga inakay sa paghahanap sa kanilang ina, na takot namang lumalakad-lakad sa kalapit na palumpong. Hindi siya humingi ng tulong, pero tumulong ang kapitbahay ko nang ang kanyang proteksyon ay hindi na sapat. Naantig ako nang lubos nang naisip ko na ginagawa rin iyon ng Tagapagligtas sa aking mga anak at sa akin.
Kung minsan nagagawa natin ang hindi dapat, kahit na napakaganda naman ng ating intensyon at nagsisikap tayo nang lubos. Gayunman, ang Tagapagligtas ay may “biyaya [na] sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba … ng kanilang sarili sa [Kanyang] harapan” (Eter 12:27). Napapanatag ako na malaman na ang pagkukulang ko ay hindi magpapahamak sa aking mga anak at sila ay makadarama ng pagmamahal, kapayapaan, pag-unawa, at biyaya mula sa ating Tagapagligtas. Ibinibigay Niya sa akin ang “kasagutan”1 at nais niyang magtagumpay kami ng aking pamilya. Ang ating mga pagkukulang ay hindi mananaig kapag nagpapakumbaba tayo at nananatiling malapit sa ating Panginoon.