Magagandang Tanong, Magagandang Talakayan
Ang awtor ay nakatira sa Utah, USA
Hindi lamang sa pagtatanong makahihikayat ng talakayan sa klase. Kailangan natin ang tamang uri ng mga tanong.
Nagtanong ang isang Sunday School teacher, “Sino ang unang dalawang tao sa lupa?” Umaasam siyang tumingin sa kanyang klase ng mga tinedyer, pero walang nagtaas ng kamay. Nagbaba ng tingin ang mga miyembro ng klase o binuklat-buklat nila ang mga pahina ng kanilang mga banal na kasulatan. “Simpleng tanong lang ito,” sabi ng guro. “Wala bang nakakaalam sa sagot?”
Sa kabilang kuwarto, sa klase ng Gospel Doctrine, nagtanong ang guro, “Ano ang pinakamahalagang alituntunin ng ebanghelyo?”
Nahihiyang nagtaas ng kamay ang isang babae. “Pananampalataya?” tanong nito.
“Magandang sagot iyan,” sagot ng guro, “pero hindi iyan ang hinahanap kong sagot. May iba pa ba?”
Katahimikan.
Nagtatanong ang mga guro dahil nais nilang makibahagi ang mga miyembro ng klase sa kanilang mga aralin. Nauunawaan nila na ang mga estudyanteng lumalahok ay mas natututo kaysa mga nakaupo lang at nakikinig. Ngunit ang mga tanong na katulad ng nasa itaas ay karaniwang hindi umuubra.
Ang tanong na “Sino ang unang dalawang tao sa lupa?” ay hindi epektibo dahil napakalinaw ng sagot kaya walang gustong sumagot—o inakala nila na hindi na kailangang sagutin iyon.
Ang tanong na “Ano ang pinakamahalagang alituntunin ng ebanghelyo?” ay hindi rin epektibo. Walang nakakaalam sa sagot na hinahanap ng guro maliban sa guro, na ang talagang sinasabi ay, “Hulaan ninyo kung ano ang iniisip ko.”
Ito ay mga tanong ukol sa katotohanan; bawat isa ay may partikular na sagot. Ngunit ang magagandang talakayan sa klase ay nagmumula sa ibang uri ng tanong—na kakatwang nagmumula sa mga tanong na walang partikular na sagot. Iyan ang susi.
Pagtatanong na Masasagot sa Iba’t Ibang Paraan
Kung kayo ay guro sa isang adult class, maaari ninyong itanong, “Anong alituntunin ng ebanghelyo ang pinakamahalaga sa inyong buhay, at bakit?” Malamang na matigilan ang mga miyembro ng klase para pag-isipan ang kanilang mga karanasan—at OK lang iyon. Kung magpapahinga kayo at maghihintay nang ilang sandali, magtataasan sila ng kamay, at maririnig ninyo ang tunay at taos-pusong mga karanasan ng mga tao sa ebanghelyo. Mapapansin din ninyo na ang mga puna ng isang tao ay hihikayat ng mga puna mula sa iba. Hindi magtatagal, magkakaroon na ng nakatutuwa at nagbibigay-inspirasyong talakayan sa klase!
Kung gusto ninyong talakayin ng klase ang isang partikular na bagay na kagaya ng pananampalataya, isiping sabihin ang katulad nito: “Ngayon ay pag-uusapan natin ang tungkol sa pananampalataya, ang unang alituntunin ng ebanghelyo.” Pagkatapos ay magtanong tungkol sa pananampalataya na walang partikular na sagot:
-
“Ano ang papel ng pananampalataya sa inyong buhay?”
-
“Sa palagay ninyo bakit nais ng Panginoon na sumampalataya tayo?”
-
“Ano ang ilang paraan na maaari nating palakasin ang ating pananampalataya?”
Makakatanggap kayo ng maraming sagot, at kapag nangyari ito, maaari ninyong isulat ang mga ito (nang maikli) sa pisara. Kapag tapos na kayo, magkakaroon kayo ng magandang listahang magagamit ninyo para ibuod ang inyong talakayan.
May dagdag na pakinabang sa pagtatanong na masasagot sa iba’t ibang paraan: Maging ang mga miyembro ng klase na hindi sumasali sa talakayan ay pag-iisipan ang mga tanong. Maaaring lumago ang kanilang pang-unawa at patotoo kahit wala silang ibinahagi.
Pagtalakay sa mga Banal na Kasulatan
Ang mga tanong na masasagot sa iba’t ibang paraan ay maaaring maging epektibo sa pagtalakay sa mga banal na kasulatan. Iniisip ng maraming guro na ang pagtawag sa mga miyembro ng klase na magbasa ng isang talata sa banal na kasulatan ay mabuting paraan para maisali sila. Sa kasamaang-palad, maaaring hindi rin. May ilang tao na hindi mahusay magbasa at maaaring mautal sa pagsasalita. Maaaring hindi marinig ng iba pang mga miyembro ng klase ang nagbabasa.
Ang tao na pinakamadaling marinig sa klase ay ang guro, na nakatayo sa harap ng klase. Gayundin, maaaring tumigil ang mga guro sa gitna ng isang talata para magtanong o maghikayat ng talakayan. Habang binabasa ninyo ang sumusunod na halimbawa, tingnan kung makikita ninyo ang ginagawa ng guro para makahikayat ng talakayan:
Guro: “Ngayon ay tatalakayin natin ang isang bantog na kuwento, ang talinghaga ng alibughang anak. Ngunit gusto kong pag-isipan natin hindi lamang ang alibughang anak kundi pati na ang iba pang mga miyembro ng kanyang pamilya. Buksan lamang ang inyong Biblia sa Lucas 15:11, sa pahina 107 ng Bagong Tipan.” (Ang pagbibigay ng pahina ay tumutulong sa mga estudyante na maaaring hindi pamilyar sa mga banal na kasulatan.)
Matapos maghintay sa mga miyembro ng klase na mahanap ang talata, magsisimula ang guro sa pagbabasa: “‘May isang tao na may dalawang anak na lalake:
At sinabi sa kaniyang ama ng bunso, Ama, ibigay sa akin ang bahagi ng iyong kayamanang nauukol sa akin. At binahagi niya sa kanila ang kanyang pagkabuhay.’ Ngayon, ano ang ilang bagay na masasabi na natin tungkol sa pamilyang ito?” (Pansinin ang tanong na masasagot sa iba’t ibang paraan.)
Estudyante: “Mukha naman pong handa ang ama na ibigay ang gusto ng bunsong anak.”
Guro: “Oo nga, ‘di ba? Karaniwan ay hindi nakukuha ng anak ang kanyang mana hangga’t hindi pa pumapanaw ang kanyang ama. Pero mukhang mapagmahal at mapagbigay ang ama. Ano pa?”
Estudyante: “Sa tingin ko po, mukhang makasarili ang bunsong anak. Malaking kahilingan iyan sa ama na buhay pa.”
Guro: “Oo nga. Mukhang sarili lang niya ang iniisip niya. Ano naman ang panganay na anak?”
Estudyante: “Napakatahimik po niya.” Natawa ang klase.
Guro: “Oo, at maaaring may sinasabi iyan tungkol sa kanyang pagkatao. Obserbahan natin iyan habang patuloy tayong nagbabasa.”
Habang binabasa ninyo ang halimbawa, ano ang napansin ninyong ginagawa ng guro para maghikayat ng talakayan? Maaari kayong gumawa ng listahan—ito ang magiging listahan at interpretasyon ninyo sa sitwasyon, kaya lahat ng sagot ninyo ay tama. Bakit? Dahil masasagot sa iba’t ibang paraan ang unang tanong sa talatang ito, at basta’t tapat ninyong sasagutin ang tanong, hindi kayo magbibigay ng maling sagot. Kung itatanong ninyo iyon sa isang klase, ganito rin ang mangyayari sa mga miyembro ng klase, na ibig sabihin ay malalaman nila kaagad na ang kanilang mga puna ay malugod na tatanggapin at tama ang kanilang isasagot.
Bukod pa rito, maaaring napansin ninyo na may ginawa ako para mag-isip kayo bago kayo nagsimulang magbasa. Isinulat ko, “Habang nagbabasa kayo, tingnan kung makikita ninyo ang ginagawa ng guro para makahikayat ng talakayan.” Ginawa ko ito dahil alam ko na matutulungan kayo nitong pag-isipan ang binabasa ninyo at maghandang makibahagi sa “talakayan” pagkatapos.
Dalawang beses ginamit ng guro sa halimbawa ang paraang ito: una nang sabihin niyang, “Gusto kong pag-isipan natin hindi lamang ang alibughang anak kundi pati na ang ibang mga miyembro ng kanyang pamilya,” at pangalawa nang sabihin niyang, “Obserbahan natin iyan habang patuloy tayong nagbabasa.” Ang dalawang mungkahi ay nagbibigay ng isang bagay na pagtutuunan ng mga miyembro para maging handa silang tumugon sa mga tanong na masasagot sa iba’t ibang paraan kapag tinanong sila ng guro.
Ang paggawa nito ay tumutulong sa mga miyembro ng klase na makaugnay sa talatang binabasa. Sa halip na maupo nang tahimik, sumasabay sila sa pagbabasa at talagang pinag-iisipan ang mga talata. At kapag tapos na ang pagbabasa, handa na silang sumagot sa mga tanong. Pagkatapos ay kailangan lang ninyong tawagin sila at pasimulan ang talakayan.
Pansinin din sa ganitong uri ng talakayan na talagang nagtuturo kayo mula sa mga banal na kasulatan, hindi lamang mula sa manwal. Kahit manwal ang dapat gamitin sa paghahanda ng aralin at magandang pagkunan ng mga tanong na masasagot sa iba’t ibang paraan, mga banal na kasulatan ang dapat manatiling pangunahing pinagtutuunan ng ating pagtuturo at pag-aaral.
Pananatiling Nakatuon
May problema sa pagkakaroon ng maraming talakayan sa klase: madaling mawala sa paksa ang talakayan. Mahalagang ihanda ninyong mabuti ang inyong aralin para alam ninyo kung saan ninyo gustong humantong iyon at para handa kayo, kung kailangan, na ibalik ang klase sa pangunahing paksa ng talakayan. Karaniwan ay kailangan lang ninyong maglaan ng kaunting patnubay: “Nakakatuwa iyan, pero palagay ko medyo lumalayo tayo sa paksa. Balikan na natin ang talakayan natin tungkol sa pananampalataya.”
Makakatulong din kung malinaw at nakakatuwa ang pambungad ninyo para alam ng mga miyembro ng klase ang pinagtutuunan ng inyong aralin. Pagkatapos ay magtalakayan, na ginagabayan ang daloy ng usapan.
Sa huli, magbigay ng nakasisiglang buod ng itinuro. Ang mga salita ng isang himno o tula ay madalas gawing magandang buod. Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sabihin ninyo sa inyong mga tagapakinig ang sasabihin ninyo sa kanila, sabihin ninyo sa kanila, pagkatapos ay sabihin ninyo sa kanila ang sinabi ninyo sa kanila. Makakatulong ang paraang iyan.”1
Tiyaking patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo.
Pagbabahagi ng Damdamin at mga Karanasan
Gayunman, may higit pa sa lahat ng ito kaysa pagkakaroon lang ng magandang talakayan. Kapag angkop, bibigyang-inspirasyon ng Espiritu ang mga miyembro ng klase sa kanilang mga puna para ibahagi nila ang nais ng Panginoon na marinig ng klase. Sabi nga ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo, “Kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila” (Mateo 18:20).
Mangyari pa, kailangan nating mag-ingat sa pagbabahagi ng lubhang personal o sagradong mga karanasan. Ngunit malaki ang maidaragdag ng mga kuwento ng mga miyembro ng klase sa anumang aralin. Tulad ng ipinayo sa manwal na Gospel Doctrine: “Magbahagi ng mga ideya, damdamin, at karanasan na may kaugnayan sa aralin. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na gawin din ang gayon.”2
May higit pa sa talakayan sa klase kaysa paghihikayat sa mga tao na magbigay ng mga puna. Higit sa lahat, ito ay isang napakaespirituwal na bagay na higit na maglalapit sa klase sa Diyos.
Kapag ginamit ninyo ang mga paraang ito, makakakita kayo ng paglago ng espirituwalidad at kaalaman sa ebanghelyo, pati na ang sa inyo. Sa halip na isipin kung paano pupunan ang inyong oras sa klase, mauubusan na kayo ng oras. Baka makita pa ninyong dumami ang mga miyembro ng inyong klase dahil malalaman ng mga miyembro na magiging bahagi sila ng isang magandang talakayan—na natututo mula sa mga banal na kasulatan, sa isa’t isa, at sa Espiritu ng Panginoon.