Sa Kanyang Sariling Panahon, sa Kanyang Sariling Paraan
Mula sa mensaheng ibinigay sa mga bagong mission president noong Hunyo 27, 2001.
Ang paghahayag ay totoo. Dumarating ito sa paraan ng Panginoon at ayon sa takdang panahon ng Panginoon.
Gusto kong suriin ang ilang alituntuning angkop sa lahat ng pakikipag-ugnayan mula sa Espiritu—mga pakikipag-ugnayan sa taong nagtuturo, sa taong naghahangad na matuto, at sa bawat miyembro ng Simbahan.
Una, dapat nating matanto na ang Panginoon ay mangungusap sa atin sa pamamagitan ng Espiritu sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan. Maraming tao ang hindi nakauunawa sa alituntuning ito. Naniniwala sila na kapag handa sila at madali para sa kanila, makakatawag sila sa Panginoon at agad Siyang tutugon, maging sa eksaktong paraang sinabi nila. Ang paghahayag ay hindi dumarating sa ganyang paraan.
Pagiging Karapat-dapat sa Paghahayag
Mahalaga sa anumang pagsisikap na tumanggap ng paghahayag ang pangako na gagawin natin sa abot ng ating makakaya ang lahat sa sarili nating sikap at pagpapasiya. Ibig sabihin kailangan nating maglingkod at gumawa.
Ang pagsulong sa ating paglilingkod at paggawa ay mahalagang paraan para maging karapat-dapat sa paghahayag. Sa aking pag-aaral ng mga banal na kasulatan napansin ko na karamihan sa paghahayag sa mga anak ng Diyos ay dumarating kapag sila ay kumilos, hindi habang sila ay nagpapahinga sa kanilang tirahan at naghihintay na sabihin sa kanila ng Panginoon ang unang hakbang na gagawin.
Halimbawa, mahalagang pansinin na ang paghahayag na kilala bilang “ang Salita at Kalooban ng Panginoon hinggil sa Kampo ng Israel” (D at T 136:1) ay hindi ibinigay sa Nauvoo habang ipinaplano ng Korum ng Labindalawa ang exodo mula sa Nauvoo noong nakalulungkot na mga araw kasunod ng pagkamatay ng Propeta bilang Martir noong 1844; ni hindi ito ibinigay sa pampang sa kanluran ng Mississippi River. Ibinigay ito sa Winter Quarters, Nebraska, matapos dumanas ng isang taon ng paghihirap ang mga Banal sa paglalakbay mula Nauvoo pakanluran patawid ng Iowa patungo sa pansamantalang mga kampo sa Missouri River. Ang paghahayag na gagabay sa pagtawid ng mga Banal sa kapatagan ay ibinigay noong Enero 14, 1847, nang makaisang-katlo na ng daan ang natahak ng mga Banal patungo sa mga lambak ng kabundukan.
Makatatanggap tayo ng mga pahiwatig ng Espiritu kapag nagawa na natin ang lahat ng makakaya natin, kapag nagtatrabaho tayo sa ilalim ng init ng araw sa halip na nagpapahinga sa lilim at nananalangin na humihiling ng patnubay tungkol sa unang hakbang na ating gagawin. Ang paghahayag ay dumarating kapag kumikilos ang mga anak ng Diyos.
Kaya gagawin natin ang lahat ng makakaya natin. Pagkatapos ay hihintayin natin ang paghahayag mula sa Panginoon. May sarili Siyang takdang panahon.
Panahon at Uri
Mga 35 taon na ang nakararaan, noong ako ay pangulo ng Brigham Young University, nagplano kaming hikayatin ang pangulo ng Estados Unidos na magsalita sa unibersidad. May mga partikular na panahon kami na magiging maluwag sa amin, at naisip namin ang ilang bagay na gusto naming sabihin niya at gawin habang naroon siya. Ngunit matalino kaming lahat para malaman na hindi namin makokontak at mapapapunta ang pinakamataas na awtoridad ng Estados Unidos sa BYU campus—at pagsalitain pa siya sa 26,000 tao—at bigyan siya ng mga kundisyon sa kanyang pagdalo.
Alam namin na sa pag-anyaya sa pangulo, kailangan talaga naming sabihing, “Tatanggapin namin kayo kahit kailan kayo dumating at anumang oras ninyo piliing pumarito at anuman ang piliin ninyong sabihin at gawin habang narito kayo. Buung-buo naming ilalaan ang aming mga iskedyul at paghahanda sa pagbisita ninyo.”
Ngayon, kung sa ganyang paraan dapat lapitan ng isang komunidad ng 26,000 tao ang pinakamataas na awtoridad ng isang bansa, hindi dapat ikagulat na ang isang tao—gaano man siya kaimportante—ay wala sa posisyong magbigay ng mga kundisyon o ipagpilitan ang sarili niyang takdang panahon sa pagbisita o pakikipag-ugnayan mula sa Pinakamataas na Awtoridad sa sansinukob.
Tunay ngang ito ang alituntuning inihayag ng Panginoon sa Kanyang mga anak sa dakilang paghahayag na nakalimbag sa ika-88 bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Sinabi ng Panginoon, “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan” (talata 63).
Kasunod nito, ipinahayag ng Panginoon na kung ang ating mga mata ay nakatuon sa Kanyang kaluwalhatian, mapupuno ng liwanag ang ating buong katawan at mauunawaan natin ang lahat ng bagay. Pagkatapos, nagpatuloy ang Kanyang tagubilin sa dakilang pangakong ito: “Samakatwid, pabanalin ang inyong sarili upang ang inyong mga isipan ay matuon sa Diyos, at darating ang mga araw na inyo siyang makikita; sapagkat kanyang aalisin ang tabing ng kanyang mukha sa inyo, at iyon ay sa kanyang sariling panahon, at sa kanyang sariling pamamaraan, at alinsunod sa kanyang sariling kalooban” (talata 68; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang alituntuning nakasaad sa paghahayag na iyon ay angkop sa bawat pakikipag-ugnayan mula sa ating Ama sa Langit. Hindi natin mapipilit ang mga espirituwal na bagay.
Kadalasan, ang “sarili niyang paraan” ay hindi ang dumadagundong na paghadlang o nakakabulag na liwanag kundi ang tinatawag sa mga banal na kasulatan na “marahan at banayad na tinig” (I Mga Hari 19:12; 1 Nephi 17:45; D at T 85:6). Hindi maunawaan ng ilan ang alituntuning ito. Dahil dito, hinanap lang ng ilan ang mga dakilang pagpapamalas na nakatala sa mga banal na kasulatan at hindi nila nakilala ang “marahan at banayad na tinig” na ibinigay sa kanila. Ito ay katulad ng ating pagpapasiya na matututo lamang tayo mula sa isang guro na sumisigaw at aayawan nating pakinggan ang kahit pinakamatalinong pagtuturong dumarating sa isang bulong.
Kailangan nating malaman na ang Panginoon ay bihirang magsalita nang malakas. Ang kanyang mga mensahe ay halos laging dumarating sa isang bulong.
Paghahayag Bilang Kaliwanagan at Kapayapaan
Ang isa sa pinakamagagandang paliwanag kung paano tayo tinuturuan ng Espiritu ay nasa paghahayag na ibinigay kay Oliver Cowdery sa Harmony, Pennsylvania, noong Abril 1829. Sa paghahayag na ito sinabi ng Panginoon kay Oliver:
“Oo, masdan, sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso.
“Ngayon, masdan, ito ang diwa ng paghahayag” (D at T 8:2–3; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Gayundin, tinukoy ni Propetang Joseph Smith ang diwa ng paghahayag bilang “dalisay na talino,” na “maaaring may bigla kayong maisip.”1 Sa isa pang paghahayag, ipinaalala kay Oliver na nagtanong siya sa Panginoon at na “sa tuwing magtatanong ka ikaw ay makatatanggap ng tagubilin mula sa aking Espiritu” (D at T 6:14). Paano dumating ang tagubiling iyon? “Masdan,” sabi ng Panginoon, “iyong nalalaman na ikaw ay nagtanong sa akin at aking nilinaw ang iyong pag-iisip” (talata 15; idinagdag ang pagbibigay-diin). Inulit ang turo ding iyon sa isang paghahayag na ibinigay kay Hyrum Smith kung saan sinabi ng Panginoon, “Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan” (D at T 11:13; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ito ay magagandang paglalarawan ng paraan ng pakikipag-ugnayan sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.
Sa iba pang pagtuturo kay Oliver Cowdery, ipinaalala sa kanya ng Panginoon ang panahon na nanalangin siya para malaman “ang hinggil sa katotohanan ng mga bagay na ito” (D at T 6:22). At inilarawan ng Panginoon kung paano Niya sinagot ang panalanging iyon at ibinigay kay Oliver ang isang paghahayag: “Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?” (talata 23; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Mula sa mga paghahayag na ito nalaman natin na tinuturuan tayo ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Espiritu, na nagpapalinaw sa ating isipan at nangungusap ng kapayapaan sa atin tungkol sa ating mga katanungan.
Ang Paghahayag ay Isang Pakiramdam
Nalaman din natin sa mga paghahayag na ito na para maturuan ng Espiritu ay kailangang mayroon tayong gawin. Madalas ay hindi nakikipag-ugnayan ang Panginoon hangga’t hindi natin napag-aaralan ang mga bagay sa ating isipan. Pagkatapos ay tumatanggap tayo ng pagpapatibay.
Ipinaliwanag ang prosesong ito kay Oliver Cowdery sa isa pang paghahayag na natanggap sa Harmony, Pennsylvania, noong Abril 1829. Ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit hindi naisalin ni Oliver ang Aklat ni Mormon:
“Hindi mo naunawaan; inakala mo na aking ibibigay ito sa iyo, gayong wala kang inisip maliban sa ito ay itanong sa akin.
“Subalit, masdan, sinasabi ko sa iyo, na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama” (D at T 9:7–8; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Maaaring ito ang isa sa mga pinakamahalaga at pinaka-hindi maunawaang turo sa buong Doktrina at mga Tipan. Ang mga turo ng Espiritu ay madalas dumating bilang pakiramdam. Ang katotohanang iyan ay napakahalaga, subalit hindi maunawaan ng ilan ang kahulugan nito. May kilala akong mga tao na nag-iisip na hindi sila nagkaroon ng patotoo kahit kailan mula sa Espiritu Santo dahil hindi nila nadama kailanman na “nag-alab” ang kanilang dibdib. Ang pag-aalab ng dibdib, sa palagay ko, ay hindi init ng pakiramdam kundi damdamin ng kapayapaan at pagmamahal at katiwasayan at kabutihan.
Ang Paghahayag ay Hindi Palagian
Ang paghahayag ay hindi palagian. Ang paraan ng Panginoon ay naglilimita sa kung gaano kadalas Siya mangungusap sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Dahil hindi nila ito maunawaan, nalinlang ang ilan na umasa nang napakadalas sa mga paghahayag.
Sa pagpuna sa mga gawain ng Espiritu, sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Nalaman ko na hindi madalas dumating sa atin ang matitindi at nakaaantig na espirituwal na mga karanasan.”2
Para mailarawan ang puntong iyon, isipin kung ano ang itinuturo sa atin tungkol sa una nating mga magulang matapos silang palayasin sa Halamanan ng Eden at hindi papasukin sa kinaroroonan ng Panginoon. Inutusan ng Panginoon si Adan na isakripisyo niya ang mga panganay ng kanyang mga kawan bilang handog sa Panginoon. Sumunod siya. Agad bang nakipag-ugnayan sa kanya ang Panginoon? Sabi sa banal na kasulatan: “At pagkalipas ng maraming araw, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita kay Adan” (Moises 5:6; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Sinabi ito ni William E. Berrett, isa sa pinakamagagaling naming guro ng ebanghelyo, na naglingkod bilang administrador sa BYU at para sa Church Educational System, tungkol sa palagian o patuloy na paghahayag: “Ang mga nagdarasal na bigyan sila ng Espiritu ng agarang patnubay sa bawat maliit na bagay ay inilalantad ang kanilang sarili sa mga huwad na espiritu na tila laging handang sagutin ang ating mga pagsamo at lituhin tayo. … Ang mga tao na natagpuan kong lubhang nalilito sa Simbahang ito ay ang mga taong naghahangad ng pansariling paghahayag sa lahat ng bagay. Gusto nila ng pansariling katiyakan mula sa Espiritu mula umaga hanggang gabi sa lahat ng ginagawa nila. Palagay ko sila ang pinakalitong mga taong kilala ko dahil kung minsan tila mali ang pinagmumulan ng sagot.”3
May sinabi si Propetang Joseph Smith na katulad nito. Kapag ang mga Banal ay “sumasamo sa luklukan ng biyaya,” pagpapayo niya, hindi nila ito dapat gawin sa mga bagay na hindi mahalaga kundi dapat silang “taimtim na manalangin para sa pinakadakilang mga kaloob.”4 Iyan ay mahalagang alituntunin. Patuloy tayong nananalangin para sa patnubay, ngunit hindi tayo dapat umasa na tatanggap tayo ng patuloy na paghahayag. Umaasa tayong tatanggap ng patuloy na paghahayag, ng patuloy na katiyakan ng paghahayag tuwing naghahangad tayo ng patnubay at ang ating sitwasyon ay gayon na lamang kaya’t pinipili itong ibigay sa atin ng matalino at mapagmahal na Panginoon.
Paghahayag at Patotoo
Tunay na nagkakaroon ng mga pangitain. Naririnig ang mga tinig mula sa kabila ng tabing. Alam ko ito. Ngunit ang mga karanasang ito ay pambihira. At kapag mayroon tayong isang dakila at pambihirang karanasan, bihira natin itong pag-usapan sa publiko dahil inutusan tayong huwag gawin ito (tingnan sa D at T 63:64) at dahil nauunawaan natin na ang mga daluyan ng paghahayag ay isasara kung ipapakita natin ang mga bagay na ito sa mundo.
Karamihan sa paghahayag na nagmumula sa mga lider at miyembro ng Simbahan ay nagmumula sa “marahan at banayad na tinig” o sa isang pakiramdam sa halip na sa isang pangitain o tinig na bumibigkas ng partikular na mga salita sa ating pandinig. Pinatototohanan ko ang katunayan ng gayong uri ng paghahayag, na pamilyar na sa akin, at araw-araw pa ngang karanasan na gagabay sa atin sa gawain ng Panginoon.
Dahil hindi nauunawaan ang mga alituntuning ito ng paghahayag, ipinagpapaliban ng ilang tao ang pagkilala sa kanilang patotoo o espirituwal na pag-unlad hangga’t hindi sila dumaranas ng isang mahimalang pangyayari. Hindi nila natatanto na sa karamihan ng mga tao—lalo na sa mga lumaki sa Simbahan—ang mahalagang paghahayag na nagbibigay sa atin ng patotoo ay hindi isang pangyayari kundi isang proseso. Napuna ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85): “Ang pagsilang na muli ay unti-unting nangyayari, maliban sa ilang pagkakataon na lubhang mahimala kaya’t isinulat ang mga ito sa mga banal na kasulatan. Para sa karamihan ng mga miyembro ng Simbahan, tayo ay isinisilang na muli nang paunti-unti, at isinisilang na muli sa dagdag na liwanag at dagdag na kaalaman at dagdag na mga hangarin para sa kabutihan kapag sinusunod natin ang mga kautusan.”5
Dapat nating maunawaan na ang Panginoon ay mangungusap sa atin sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan. Ito ang karaniwang tinatawag sa mga banal na kasulatan na “marahan at banayad na tinig” ng kaliwanagan. Madalas ay kailangan nating kumilos ayon sa pinakamatalino nating pagpapasiya, sa ilalim ng pahiwatig ng pagpigil ng Espiritu kung lumagpas tayo sa mga hangganan.
Ang paghahayag ay totoo. Dumarating ito sa paraan ng Panginoon at ayon sa takdang panahon ng Panginoon.
Pinatototohanan ko na ang mga bagay na ito ay totoo. Nasa atin ang kaloob na Espiritu Santo, ang karapatan na palaging patnubayan ng Espiritu ng Panginoon na patotohanan ang Ama at ang Anak, upang akayin tayo sa katotohanan, ituro at ipaalaala sa atin ang lahat ng bagay (tingnan sa Juan 14:26; 16:13).