Ang Pinakataimtim Kong Panalangin
Jaimee Lynn Chidester, Utah, USA
Noong freshman ako sa kolehiyo, nagkaroon ako ng part-time job sa isang convenience store sa isang munting bayan. Panggabi ako, na natatapos nang alas-11:00 n.g. Kahit medyo ligtas sa komunidad, madalas akong kabahan habang mag-isa kong isinasara ang tindahan.
Isang gabi talagang kinabahan ako. Matapos linisin ang tindahan at pumunta sa cash register para isara ito, nilukob ako ng takot. Wala akong anumang makatwirang dahilan para matakot nang gayon, pero hindi ko maalis ang kaba ko. Ayaw kong lumabis ang reaksyon ko sa pamamagitan ng pagtawag ng pulis, pero gusto ko ring maprotektahan kung totoo ngang may panganib.
Sa huli, lumuhod ako para manalangin. Sinabi ko sa Ama sa Langit na natatakot ako at hindi ko alam ang gagawin. Iyon ang pinakataimtim na panalanging naialay ko.
Pagtayo ko, agad kong napansin ang isang sasakyan na papasok sa gasolinahang pinakamalapit sa gusali. Nagulat ako at nakahinga nang maluwag na pulis pala iyon. Nang ilabas niya ang kanyang credit card para kargahan ng gas ang kotse niya, agad kong sinimulan ang mga huling responsibilidad ko sa pagsasara. Gusto kong samantalahin ang sandali na naroon siya para may proteksyon ako at marami pa akong magawa bago siya matapos na magkarga ng gasolina. Pagkatapos niyang magkarga ng gasolina, may tinawagan siya sa kanyang cell phone at naupo siya sa kotse niya habang nagsasalita. Naroon pa rin siya nang magkandado ako at sumakay sa kotse ko. Sabay kaming umalis palayo sa convenience store.
Habang pauwi ako, namangha ako sa bilis ng sagot sa aking panalangin. Mapagpakumbaba kong pinasalamatan ang Ama sa Langit sa pakikinig sa akin. Itinuro sa akin na ako ay anak ng Diyos, ngunit noong gabing iyon ko lang nadama na napakalapit at napakatotoo ng Kanyang pagmamahal sa akin. Hindi maipaliwanag sa salita ang kapayapaang nadama ko sa puso ko. Alam ko na pagpapalain ako ng Panginoon kung may pananampalataya ako at humihingi ng tulong sa Kanya.