Hindi Iyan ang Itinuro sa Akin
Irene Taniegra, Philippines
Isang araw sa trabaho, kinailangan kong umalis nang ilang oras para sundin ang ilang mahahalagang utos ng nanay ko. Nagpunta ako sa opisina sa umaga at sinabi ko sa isang kasamahan ko na hindi na ako papasok sa hapon. Habang break ibinulong niya sa akin, “Matutulungan kita sa bundy clock.”
“Huwag na, salamat,” sabi ko.
Nang lisanin ko ang opisina para humabol sa bus, iginiit ng kaibigan ko ang tungkol sa bundy clock. Mahina niyang sinabi, “Bakit hindi ka mag-time-in para sa hapon, at ako na ang bahalang mag-time-out para sa iyo pag-uwi ko?”
Bago ako nakapagsalita, idinagdag pa niya, “Tingnan mo, wala pa sa minimum wage ang suweldo natin, kaya OK lang na gawin ito. Maliit na halaga lang iyan. Saka hindi lang naman tayo ang gumagawa nito.”
Pinag-isipan ko ang sinabi niya. May ilan siyang magagandang punto, at alam ko na mabuti ang kanyang intensyon. Pero hindi ito ang itinuro sa akin sa Simbahan.
Nang makapagtipon ako ng lakas at paninindigan, mahina kong sinabi sa kanya, “Kaibigan, mabait ang Panginoon, at kung pagpapalain Niya tayo, higit pa sa halagang iyan ang matatanggap natin mula sa Kanya.”
Umalis siya at medyo nainis sa akin sa pagtanggi sa kanyang alok. Habang naglalakad ako papunta sa bus stop, nabahala ako sa liit ng susuwelduhin ko. Alam ko na hindi kami makakabili ng ilang pagkain sa susunod na buwan.
Habang naglalakad ako, naalala ko ang mga titik ng isa sa mga himno: “Katapata’t dunong; Diyos ang sa ‘yo’y iibig, at laging tutulong.”1 Pumasok sa isip ko ang isang taludtod mula sa isa pang himno: “Piliin ang tama! Diyos ang sa ‘yo’y magpapala.”2
Ang mga taludtod na ito ay nagpatibay sa desisyon kong huwag patangay sa tukso kundi magtiwala sa mga pangako ng Panginoon.
Tatlong taon na ang nakalilipas simula nang mangyari iyon, at ngayon ay may bago na akong trabaho. Talagang pinagpala ako ng Panginoon. Nangailangan ito ng panahon, ngunit ang pangako ng mga himno ay talagang nagkatotoo, at nadarama ko na patuloy na darating sa akin ang maraming pagpapala kapag patuloy kong pipiliin ang tama. Nagpapasalamat ako sa mga himno, na nagpapalakas ng loob ko na gawin ang tama sa paningin ng Diyos.