2013
Ang Daan ng Lider Tungo sa Paghahayag
Agosto 2013


Ang LANDAS ng Lider Tungo sa Paghahayag

Nagbahagi ng apat na alituntunin ang mga lokal na lider ng priesthood at auxiliary na nakatulong sa kanila na kumilos nang may inspirasyon sa kanilang mga tungkulin.

“Nang una akong tawagin, natigilan ako,” sabi ng isang branch president na ilang taon na ngayong naglilingkod. “May pananampalataya ako na alam ng Ama sa Langit kung paano pagpalain ang mga miyembro at kanilang pamilya, pero paano ko malalaman ang talagang gusto Niyang gawin ko para matulungan sila?”

May alam na dalawang alituntunin ang pangulo na nagpalakas sa kanya bilang convert sa Simbahan at bilang bago pang ama: pag-aaral ng banal na kasulatan at panalangin. Kaya ginagawa niya ito nang may panibagong layunin.

“Nang gawin ko ito, nadama ko na dapat kong basahin ang sinasabi sa Doktrina at mga Tipan 9:8, na ‘pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo [sa Panginoon] kung ito ay tama.’ Nang basahin kong muli ang mga salitang iyon, nalaman ko na ginagabayan na ako ng Panginoon sa daan tungo sa paghahayag.”

Iyan ang daan na kailangang lakbayin ng lahat ng lider para maging epektibo sa kanilang mga tungkulin. At kapag humingi sila ng inspirasyon na karapatan nilang matanggap, paulit-ulit nilang nalalaman na pinadadali ng ilang alituntunin ng ebanghelyo ang pagtanggap ng banal na patnubay. Narito ang apat sa mga ito.

1. Mag-usap-usap

“Nalaman ko na kahit damang-dama kong inspirado akong gawin ang isang bagay, tumatanggap ako ng katiyakan kapag pinag-uusapan namin ito ng mga tagapayo ko,” sabi ng isang dating branch Relief Society president. “Kung minsan kukumpirmahin lang nila na gayon din ang nadama nila, at susulong kami na nagkakaisa. Ngunit minsan tinulungan nila akong makita ang mga bagay na hindi ko nakita, at binabago namin ang ginagawa namin o kaya naman ay nagiging mas sensitibo kami sa kung paano namin ito ginagawa. Pagkatapos ay susulong pa rin kami na nagkakaisa.”

Ang payo ay makukuha rin sa pagbabasa ng mga hanbuk, pag-aaral ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at pagdarasal nang may pananampalataya.

“Ang ilan sa pinakamagagandang payo na natatanggap ko ay dumarating kapag paulit-ulit kong binabasa ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya,” sabi ng isang ward Young Women president. “At kapag lumuhod ako sa panalangin, tinatanong ko ang Ama sa Langit tungkol sa mga bagay na napag-aralan ko at kung paano magagamit ang mga turo ng mga buhay na propeta at general auxiliary para matulungan ang mga kabataang babae.”

Sabi ng isang tagapayo sa isang stake Sunday School presidency, “Kapag nagpupulong kami bilang presidency, lagi naming nirerepaso ang isang maikling talata sa Handbook 2: Administering the Church. Kapag regular naming nirerepaso ang mga tagubiling natanggap namin, tinutulungan kami ng Espiritu na manatiling nakaayon sa mga tuntunin.”

“Napapanatag ako sa katotohanan na ang Simbahan ng Panginoon ay isang simbahan ng mga council,” sabi ng isang stake president. “Napakasarap maranasang mamuno sa mga council kung saan sama-samang nagdarasal ang mga taong maraming karunungan at karanasan at saka pinag-uusapan ang pinakamainam na paraan para makapagpatuloy. Ang kanilang inspirasyon ay nagbibigay sa akin ng kakayahang pag-isipan ang mga alternatibo, makinig sa Espiritu, at pagkatapos ay lubos na magtiwalang ilahad ang mga desisyon ko sa Panginoon.”1

Kung minsan ang paghingi ng payo ay nangangahulugan ng paghahanap ng isang taong mas maraming alam. “Sinisikap kong tulungan ang isang pamilya sa mga problema nila sa pera at nahikayat akong ipakausap sila sa isang miyembrong lalaki sa ward na financial adviser,” sabi ng isang bishop na na-release kamakailan. “Natulungan niya sila sa mga paraang hindi ko kailanman makakayang gawin.”

Isa pang bishop, na napayuhan na kailangang hayaan ng mga bishop ang iba pang mga lider ng ward na kumilos at gawin ang kanilang tungkulin, ang nagkuwento ng karanasang ito: “Gusto ng isang balo sa aming ward na bisitahin siya ng bishop kahit minsan sa isang linggo. Ang pagbisita lang ng bishop ang tanging makapagpapanatag sa kanya. Sinikap kong puntahan siya nang madalas hangga’t maaari, ngunit marami akong responsibilidad, kabilang na ang isang mag-asawang maliliit pa ang mga anak. Sa huli, kasama ang isa sa aking mga tagapayo, pinuntahan ko siyang muli.

“Habang nag-uusap kami, nahikayat akong sabihing, ‘Mahal na kapatid, alam mo na mahal kita bilang bishop mo. At dahil mahal na mahal kita, hinilingan ko ang dalawa sa tapat nating mga Melchizedek Priesthood holder at dalawa sa mababait nating kababaihan sa Relief Society na puntahan ka kahit minsan sa isang buwan, o mas madalas kung kailangan. Irereport nila kung may mga pangangailangan ka o problema. Ayos lang ba iyon?’ ‘Opo naman, bishop,’ sabi niya. Itinanong ko kung gusto niyang malaman ang kanilang pangalan, at oo ang sagot niya. Nang sabihin ko sa kanya, sinabi niya, ‘Mga home teacher at visiting teacher ko sila!’ At sinabi ko, ‘Nauunawaan mo na ngayon ang paraang itinakda ng Panginoon para mapangalagaan ka namin.’”

2. Makinig na Mabuti

Sinasabi rin ng mga lider na ang kakayahang makinig at makahiwatig ay makakatulong sa paghahangad ng inspirasyon.

“Kapag kausap namin ang kababaihan, sinisikap kong hindi lang pakinggan kundi unawain din ang sinasabi nila,” sabi ng isang ward Relief Society president. “Kung minsan sa pamamagitan ng Espiritu nadarama ko na kailangan nila ng tulong. Mapalad akong makita ito sa kanilang mga mata o madama ito sa kanilang kilos. Minsan nga nasasabi ko pang, ‘Ako ang Relief Society president mo, at nadarama ko na may kailangan ka. Paano kita matutulungan?’ Pakiramdam ko madalas akong tumanggap ng inspirasyon sa pagtatanong ng, ‘Ano ang gagawin ng Tagapagligtas?’”

“Pinasasalamatan ko ang paraan ng pakikinig ng aming bishop sa kababaihan sa aming ward council,” sabi ng isang ward Primary president. “Lagi niya kaming kinukumusta at nakikinig siyang mabuti sa lahat ng sinasabi namin. Ilang beses niyang sinabing, ‘Kailangan nating alalahanin na maraming ideyang dumarating sa mga maybahay, ina, at dalaga.’”

“Kailangan din nating alalahanin na kasama sa pakikinig ang pakikinig sa espiritu,” sabi ng isang high priests group leader. “Maaaring ang pinakatumpak na pagsukat sa tagumpay ng isang lider ay sa kakayahan niyang madama at sundin ang Espiritu. Paulit-ulit itong naipamalas ni Pangulong Monson.”2

3. Tumayo sa mga Banal na Lugar

Nakita rin ng mga lider na may ilang lugar na nakakahikayat sa paghahayag.

“Para sa akin, ang pinakamagandang lugar para magkaroon ng inspirasyon ay sa templo,” sabi ng isang tagapayo sa bishopric. “Kapag gusto kong mapalapit sa Panginoon, nagpupunta ako sa Kanyang bahay para makalaya ako sa mga problema at makatuon ako sa pakikinig sa Espiritu.”

“May silid ako sa bahay ko na nakatalaga bilang opisina ko,” sabi ng isang stake patriarch. “Hiniling ko na sa Panginoon na gawin itong lugar kung saan malulugod na pumaroon ang Espiritu. Kapag naghahanda akong magbigay ng basbas, nagpupunta ako roon at nagdarasal. Doon din ako nag-iinterbyu at nagbibigay ng mga basbas.”

“Ang mga meetinghouse natin ay inilaan bilang mga bahay-sambahan,” sabi ng isang bishop. “Kung minsan sa gabi ng isang simpleng araw, kapag gusto kong makadama ng kapayapaan, nauupo ako sa chapel. Iniisip ko ang mga miyembro ng ward at kung gaano sila kamahal ng Tagapagligtas. O kung minsan ay kumakanta ako ng himno.”

“Para sa akin ang Primary ay isang banal na lugar,” sabi ng isa pang bishop. “Kapag gusto kong matuwa at sumigla, nauupo ako sa tabi ng mga batang Primary habang kumakanta sila. Lagi nitong pinagagaan ang puso ko.”

“Kayang gawing banal ng panalangin ang alinmang lugar,” sabi ng isang branch Young Men president. “Isipin ang mga paghahayag na dumating kay Propetang Joseph noong siya ay nasa Liberty Jail. Nagawa niyang banal ang lugar na iyon sa pamamagitan ng pagtawag sa Panginoon.”

4. Kumilos nang May Awtoridad

“Hindi sineryoso ng ilang miyembro ng ward namin ang kanilang tungkulin,” sabi ng isang bishop. “Nadama ko na matutulungan ko sila sa pagpapaliwanag kung paano namin ipinagdasal, bilang bishopric, na malaman kung sino ang dapat tawagin at nakatanggap kami ng sagot. Gusto kong malaman nila na sila, sa pamamagitan ng mga lider na may awtoridad, ay tinawag ng Panginoon. Nagkaroon ng malaking kaibhan nang malaman nila na ang kanilang tungkulin ay binigyang-inspirasyon at inaasahan ng Panginoon na maghahangad din sila ng inspirasyon para magampanan ang tungkuling iyon.”

Nilakbay niya at ng kanyang mga tagapayo ang daan tungo sa paghahayag, isang daan na bukas sa lahat ng miyembro at lider ng Simbahan. At sa paglalarawan sa daan na nilakbay nila, nabigyang-inspirasyon din nila ang iba.

Mga Tala

  1. Tingnan sa M. Russell Ballard, “Counseling with Our Councils,” Ensign, Mayo 1994, 24–26.

  2. Tingnan, halimbawa, sa Thomas S. Monson, “Isipin ang mga Pagpapala,” Liahona, Nob. 2012, 86–89.