2013
Napakahalaga ng Tamang Panahon
Agosto 2013


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Napakahalaga ng Tamang Panahon

Paano humahantong sa templo ang isang magandang kuwento ng pag-ibig—sa nakamamanghang paraan.

Habang malalim na nag-iisip at minamasdan ni Vinca Gilman ang kagubatan ng Alaska na tanaw sa kanyang tahanan, masaya niyang naalala ang kanyang asawa, na matagal nang pumanaw. Si Ward Kepler Gilman ay isang lalaking malakas, makisig, beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isang doktor, at matapat na asawa. Pero kinailangan ng pananampalataya at isa pang pagkakataon na tanggapin ang ebanghelyo para magkasama magpakailanman sina Vinca at Ward.

Nagsimula ang kuwento ni Vinca Helen Gilman sa Denmark. Isinilang siya malapit sa Vordingborg, isang bayan sa islang kinaroroonan ng Copenhagen. Lumaki siya sa isang pamilya na may pitong anak, kabilang ang tatlong ampon na batang lalaki.

Pagkatapos ay dumating ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa pamamagitan ng awa ng Diyos, nakaligtas siya at ang kanyang mga magulang sa Holocaust at sa tatlong taon sa prison camp, isang karanasan na gusto na niyang malimutan.

Pagkatapos ng digmaan, sinimulang muli ng kanyang pamilya ang kanilang buhay. Isang araw, namalagi si Vinca at kanyang mga magulang sa isang bakasyunan sa Aarhus sa Jutland. Doon nila nakilala ang dalawang misyonero, na naghahanap ng matitirhan. Ang mga binata ay mababait at magigiliw, pumayag ang mga magulang ni Vinca na umupa sila sa kuwarto na tinutuluyan ng mga bisita.

“Nagsimba ako kasama nila sa maikling panahon,” paggunita ni Vinca, “pero hindi talaga interesado sa relihiyon ang pamilya ko. Ang aking ama ay lahing Judio, at ang aking ina ay Lutheran, ngunit hindi kami lumaki sa isang relihiyon. At pagkatapos ay kailangan ko nang bumalik sa pag-aaral.”

Kalaunan ay binisita siya sandali ng mga misyonero sa Copenhagen. Bagama’t natuwa si Vinca sa pagbisita, hindi pa siya handang tanggapin ang ebanghelyo.

“Lumipat ako sa Salt Lake City noong mga 1950,” sabi ni Vinca. “Ako ay isang nars noon, ngunit kinailangan ko ng panibagong sertipiko para makapagtrabaho sa Estados Unidos.”

Ang paglipat ay nagbigay sa kanya ng pagkakataon na mas matuto ng Ingles. Binigyan din siya nito ng isa pang pagkakataon na malaman ang tungkol sa Simbahan. Tumira siya sa Beehive House at nagtrabaho sa opisina ng doktor na katapat ng kanyang tinitirhan. Tumugtog din siya ng cello sa Utah Symphony at nagkaroon ng maraming mabubuting kaibigan.

“Nagsimba rin ako kasama nila. At naglalakad-lakad ako sa Temple Square sa oras ng pananghalian ko araw-araw. Pero naisip ko pa rin ang relihiyon bilang isang bagay na maaari mong gawing bahagi ng iyong buhay kung gusto mo.”

Pagkaraan ng dalawang taon sa Salt Lake, lumipat si Vinca sa Sacramento, California, USA, at tumira nang maikling panahon sa pamilya ng isa sa mga misyonero na nagturo sa kanya sa Denmark. Nang sapat na ang kinikita niyang pera bilang surgical nurse para masuportahan ang kanyang sarili, lumipat na siya at nagsarili. Siya at ang misyonero ay nagdeyt at kalaunan ay naging magkasintahan sila.

“Hindi naging maayos ang mga bagay-bagay,” paggunita ni Vinca, at nang makipagkalas na sila sa isa’t isa, lumipat siya, at nawalan ng komunikasyon sa mga miyembro ng Simbahan.

Hindi nagtagal, nakilala ni Vinca si Ward, isang dentista at oral surgeon na isinilang at lumaki sa Sacramento. Siya ay isang matipuno, makisig na lalaki na naglingkod bilang isang opisyal sa navy noong panahon ng digmaan. Kahit 11 taon ang tanda niya kay Vinca, napaibig niya si Vinca, at ang dalawa ay ikinasal noong 1954.

Bumili sila ng bahay na di kalayuan sa kanyang trabaho. Kahit hindi sila nagkaanak, naging napakaganda ng kanilang pagsasama. Nagtrabaho sila, naglakbay sila, nagpinta si Ward, at siya ay patuloy na tumugtog. Ang buhay ay naging maganda sa loob ng maraming taon.

Pumanaw si Ward noong 1985. Tumira si Vinca sa kanilang tahanan hanggang noong 1999, nang madama niyang dapat na siyang lumipat. Malaki ang bahay niya, higit kaysa kailangan niya, at gusto niyang magkaroon ng pagbabago. Natuklasan niya ang isang munting bayan na nagustuhan niya sa Haines, Alaska. Doon siya nagretiro, at doon na sana natapos ang lahat kung hindi muling kumatok ang mga misyonero sa kanyang pintuan noong 2006.

Sa huli, pagkaraan ng maraming pagkakataon at maraming taon, dumating na ang tamang panahon.

“Wala talaga akong gaanong alam noon tungkol sa relihiyon,” sabi ni Vinca, “ngunit alam ko ang ilang bagay kaya nakapagtanong ako, mga bagay na ikinalungkot ko o tila kakaiba sa akin.

“Nang malaman ko ang tungkol sa ebanghelyong ito, naging makabuluhan ang lahat: ang plano ng kaligtasan, kung ano ang inaasahan sa atin, ang mga pangakong ginawa, ang Aklat ni Mormon. Gusto ko lalo na ang doktrina ng Simbahan tungkol sa gawain sa templo para sa mga taong pumanaw na hindi naturuan ng ebanghelyo. Wala akong alinlangan tungkol dito; ito ay isang bagay na maaari kong tanggapin dahil ito ay malinaw at naunawaan ko, parang pagbalik sa dating alam na.

“Sa wakas ay ginawa ko ang matagal ko nang dapat ginawa noon. Hindi ko alam kung bakit pinatagal ko pa ito. Marami akong nakilalang kahanga-hangang tao, at lahat sila ay nakaimpluwensya sa desisyon kong sumapi sa Simbahan. Bumilang nga ng mga taon, ngunit ang pagpapabinyag ang pinakamagandang ginawa ko.”

Nabinyagan si Vinca noong Oktubre 14, 2006—sa kaarawan ng kanyang asawa. Pagkaraan lang ng isang taon, nakapasok siya sa templo sa kauna-unahang pagkakataon at ibinuklod kay Ward (sa pamamagitan ng proxy) para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Para kay Vinca, ang karanasan sa pagpunta sa templo at pagkabuklod sa pinakamamahal niyang asawa “ay kamangha-mangaha at maganda.”

Dahil pinagpala ng langit na mabuklod sa kanyang pinakamamahal na asawa, hinahangad ngayon ni Vinca na ibahagi ang mga pagpapala ng templo sa kanyang mga kamag-anak. Bagama’t 86 na taong gulang na siya at maysakit sa kidney, siya ay nahikayat.

“Umaasa ako na tatanggapin ng aking asawa at ng kanyang mga magulang at ng mga magulang ko at sarili kong mga kapatid ang ebanghelyo. Marami akong gagawing gawain sa templo.

“Isa sa mga pangunahing proyekto ko sa buhay ngayon ang gawin ang gawain sa templo hangga’t kaya ko, at gawin ang genealogy hangga’t maaari. Dama ko na may dahilan sa paninirahan ko rito. Kahit mabuhay ako nang hanggang 100 taon, ayos lang. May mga bagay akong gagawin ngayon. Ang ganda talaga ng pakiramdam, na magawa ito.”

Sa muling paggunita ni Vinca habang pauwi sa kanyang bahay, siya ay puno ng pag-asang nagmumula sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagiging miyembro ng Simbahang ito “ay naging isang pagpapala sa napakaraming paraan. Nakadarama ka ng kapayapaan sa isipan. Mas lumalakas ka. Kapag ang mga bagay-bagay ay talagang napakaganda, pakiramdam mo, ‘Hay, ito na ang langit.’ Dahil dito dama mo ang pasasalamat para sa buhay.”

Namumuhay si Vinca na may mapagpasalamat na puso—dahil ang apoy ng ebanghelyo at ang pag-asa sa kawalang-hanggan kasama ang kanyang mapagmahal na asawa ay nag-aalab sa kanyang kalooban.