Mensahe sa Visiting Teaching
Pangkapakanan
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society. Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Ang mga layunin ng gawaing pangkapakanan ng Simbahan ay tulungan ang mga miyembro na umasa sa sariling kakayahan, pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan, at maglingkod. Ang welfare o gawaing pangkapakanan ay mahalaga sa gawain ng Relief Society. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan:
“Sa simula pa lamang ay naglaan na [ang Panginoon] ng mga paraan para makatulong ang Kanyang mga disipulo. Inanyayahan Niya ang Kanyang mga anak na maglaan ng panahon, kabuhayan, at kanilang sarili upang tulungan Siyang maglingkod sa iba. …
“Inanyayahan at inutusan Niya tayong makilahok sa Kanyang gawaing tulungan ang mga nangangailangan. Nakikipagtipan tayong gawin iyon sa tubig ng binyag at sa mga banal na templo ng Diyos. Pinaninibago natin ang tipang iyon tuwing Linggo kapag tumatanggap tayo ng sacrament.”1
Sa ilalim ng pamamahala ng bishop o branch president, tumutulong ang mga lokal na lider sa espirituwal at temporal na kapakanan. Ang mga pagkakataong maglingkod ay madalas nagsisimula sa mga visiting teacher na naghahangad ng inspirasyon na malaman kung paano tutugon sa pangangailangan ng bawat babaeng binibisita nila.
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Lucas 10:25–37; Santiago 1:27; Mosias 4:26; 18:8–11; Doktrina at mga Tipan 104:18
Mula sa Ating Kasaysayan
Noong Hunyo 9, 1842, inutusan ni Propetang Joseph Smith ang mga kapatid sa Relief Society na “bigyang-ginhawa ang maralita” at “magligtas ng mga kaluluwa.”2 Ang mga mithiing ito ay nasa puso pa rin ng Relief Society at ipinapahayag sa ating motto na, “Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang” (I Mga Taga Corinto 13:8).
Ang ating ikalimang Relief Society general president, si Emmeline B. Wells, at kanyang mga tagapayo ang naglunsad sa motto na ito noong 1913 bilang paalaala sa ating mga saligang alituntunin: “Ipinapahayag namin na layon naming … mahigpit na [sundin] ang mga inspiradong turo ni Propetang Joseph Smith nang ihayag niya ang plano kung saan binigyang karapatan ang kababaihan sa pamamagitan ng pagtawag ng priesthood na maigrupo sa angkop na mga samahan para mangalaga sa maysakit, tulungan ang mga nangangailangan, bigyang-kapanatagan ang may edad na, bigyang-babala ang walang-ingat, at kalingain ang mga ulila.”3
Ngayon ang Relief Society ay tumutulong sa iba’t ibang dako ng daigdig sa pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo (tingnan sa Moroni 7:46–47).