2013
Apat na Salitang Gagabay sa Inyo
Agosto 2013


Apat na Salitang Gagabay sa Inyo

Hango sa mensaheng ibinigay sa debosyonal sa Brigham Young University noong Enero 16, 1973.

Pangulong Thomas S. Monson

Gagabayan kayo ng Diyos sa inyong determinasyong paglingkuran Siya at sundin ang Kanyang mga kautusan kapag kayo ay nakikinig, kapag kayo ay natututo, kapag kayo ay gumagawa, at kapag kayo ay nagmamahal.

Gumawa ako ng ilang resolusyon na gusto kong ibahagi sa inyo, na umaasang kayo rin ay sasama sa paggawa ng gayon ding mga pasiya. Una, ako ay makikinig. Pangalawa, ako ay matututo. Pangatlo, ako ay gagawa. At pang-apat, ako ay magmamahal. Ang apat na salitang ito ay tiyak na makapagsasabi ng ating tadhana.

Makinig

Umaasa ako na makikinig kayo sa inyong ina at sa inyong ama, bawat isa sa kanila ay lumuluhod tuwing umaga at gabi, ipinagdarasal kayo, hinihiling sa ating Ama sa Langit na bantayan kayo at gabayan kayo sa inyong mga desisyon, at umaasa ako na magiging maingat kayo sa inyong mga kilos. Naniniwala ako na kapag kinilala natin ang ating mga magulang at ang katotohanan na sila ay nag-aalala sa inyo at sa akin, sa ganitong paraan ay iginagalang natin sila, at ang mga salitang binanggit sa Bundok ng Sinai ay nagkaroon ng personal na kahulugan: “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” (Exodo 20:12).

Tiwala ako na makikinig tayo sa mga salita ng mga propeta. Umaasa rin ako na makikinig tayo sa mga bulong ng Banal na Espiritu. Ipinapangako ko sa inyo na kung may tainga tayong nakikinig sa Banal na Espiritu, kung may mabuting hangarin sa ating puso, at ipinapakita ang hangaring iyan sa ating ikinikilos, tayo ay gagabayan ng Banal na Espiritung iyan.

Umaasa ako na lagi akong makikinig sa mga bulong ng Banal na Espiritung iyan, na sa bawat araw ng taon kayo at ako ay may pagkakataon na tumugon sa mga pahiwatig na ito at sa patnubay ng ating Ama sa Langit. Kaya nga, ipinapangako ko na makikinig ako.

Matuto

Pangalawa, ako ay matututo. Hindi sapat ang makinig lamang kung hindi tayo natututo. Ipinapangako ko na matututo pa ako mula sa mga banal na kasulatan at, sana, magkaroon din kayo ng ganitong pribilehiyo. Hindi ba’t napakaganda kung maisasapuso natin ang payo na ito mula sa Panginoon, “Maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118). Matuto tayo mula sa mga pamantayang banal na kasulatan, ngunit matuto rin tayo mula sa buhay ng mga lider ng Simbahan at sa buhay ng mga taong pinakamalapit sa atin.

Halimbawa, naniniwala ako na matututuhan ko ang pagtitiis sa mas masusi pang pag-aaral ng buhay ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Naiisip ba ninyo ang kalungkutang tiyak na nadarama Niya, batid na nasa Kanya ang mga susi sa buhay na walang hanggan, batid na naglaan Siya ng paraan para sa inyo at sa akin upang makapasok sa kahariang selestiyal ng Diyos, nang Kanyang dalhin ang Kanyang ebanghelyo sa mga taong iyon sa kalagitnaan ng panahon at nakita silang tinanggihan Siya at ang Kanyang mensahe? Gayunpaman nagtiis Siya. Tinanggap Niya ang Kanyang responsibilidad sa buhay, maging hanggang sa ipako Siya sa krus, matapos magdusa sa Halamanan ng Getsemani. Umaasa ako na matututo ako ng pagtitiis mula sa Panginoon.

Hinihikayat ko kayo na sumama sa akin sa pangako na, ako ay matututo.

Gumawa

At, ang pangatlo, ako ay gagawa. Hindi sapat ang magnais, hindi sapat ang mangarap, hindi sapat ang mangako. Dapat tayong gumawa. Sinabi ng Panginoon, “Siya na humahawak sa kanyang panggapas nang buo niyang lakas … ay nag-iimbak nang hindi siya masawi” (D at T 4:4; idinagdag ang pagbibigay-diin). At sinabi ni Nephi, “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon” (1 Nephi 3:7). Ibinuod ni Santiago ang aral na ito: “Maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili” (Santiago 1:22).

Halimbawa, isang tag-init maraming taon na ang nakararaan, nagkaroon ako ng libreng oras sa katapusan ng linggo. Subalit hinikayat ako ng Espiritu na gampanan ang isang responsibilidad. Sumakay ako ng eroplano papuntang California. Pag-upo ko, bakante ang upuan sa tabi ko. Gayunman, maya-maya isang napakagandang dalaga ang naupo roon. Napansin ko na may binabasa siyang aklat. Tulad ng nakagawiang gawin ng sinuman, sinulyapan ko ang pamagat. Ito ay akda ng isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sinabi ko sa kanya, “Ah, Mormon ka.”

Sagot niya, “Naku, hindi po. Bakit po ninyo nasabi?”

Sagot ko: “Kasi, binabasa mo ang isang aklat na isinulat ng isang kilalang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Sabi niya, “Ganoon po ba? Ibinigay po ito sa akin ng kaibigan ko, pero hindi ko gaanong alam ang tungkol dito. Pero, naging interesado po ako rito.”

Pagkatapos nag-isip ako. Dapat bang maglakas-loob ako at magsalita pa tungkol sa Simbahan? At naisip ko ang mga salita ni Pedro: “[Maging] lagi kayong handa” (I Ni Pedro 3:15). At nagpasiya ako na ito ang oras na dapat akong magpatotoo. Nagkaroon ako ng pribilehiyo na sagutin ang kanyang mga tanong tungkol sa Simbahan—makabuluhang mga tanong na nagmula sa puso ng isang taong naghahanap ng katotohanan. Itinanong ko kung pwede siyang tawagan ng mga missionary. Itinanong ko kung gusto niyang dumalo sa ating branch ng mga single adult sa San Francisco. Pumayag siya. Pagkauwi ko, sumulat ako sa stake president at ibinigay sa kanya ang impormasyong ito. Napakasaya ko nang tawagan ako kalaunan ng stake president, kung saan sinabi niya na ang dalagang iyon ang pinakabagong miyembro ng Simbahan. Tuwang-tuwa ako.

Natanto ko na may responsibilidad ako na gumawa.

Magmahal

At pagkatapos ang huling pangako: ako ay magmamahal. Naaalala ba ninyo ang isinagot ng Tagapagligtas sa abugado na nagtanong ng, “Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?”

At sumagot Siya, “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:36–39).

Isinulat ng English playwright na si William Shakespeare, “Hindi nagmamahal ang hindi nagpapakita ng pagmamahal.”1 Paano natin maaaring ipakita ang ating pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa? Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos at payo ng Kanyang mga lingkod. May pribilehiyo tayo na sundin ang batas ng ikapu, sundin ang batas ng kagandahang-asal, sundin sa bawat aspeto ng ating buhay ang sinabi ng ating Ama sa Langit.

Malulugod ang ating Ama sa Langit sa ating pagmamahal sa Kanya kung mabuti nating napaglingkuran Siya at ang ating kapwa.

Kayo ang Pipili

Apat na pangako: Ako ay makikinig, ako ay matututo, ako ay gagawa, ako ay magmamahal. Kapag tinupad natin ang mga pangakong ito, mapapasaatin ang patnubay ng ating Ama sa Langit at mararanasan ang tunay na kagalakan sa ating sariling buhay.

Kayo ang pipili, at ako ang pipili, inaalala na ang ating mga pagpili, mga desisyon, ang siyang nagsasabi ng magiging tadhana natin. Gagabayan kayo ng Diyos sa inyong determinasyong paglingkuran Siya at sundin ang Kanyang mga kautusan kapag kayo ay nakikinig, kapag kayo ay natututo, kapag kayo ay gumagawa, at kapag kayo ay nagmamahal.

Tala

  1. William Shakespeare, The Two Gentlemen of Verona, inedit nina William George Clarke at William Aldis Wright, The Great Books of the Western World (1952), act 1, scene 2, line 31.