2013
Nagkaroon ng Patotoo Dahil sa Seminary
Agosto 2013


Nagkaroon ng Patotoo Dahil sa Seminary

Ang awtor ay nakatira sa São Paulo, Brazil.

Itinuro ni Inay sa akin ang ebanghelyo noong bata pa ako, pero dahil si Itay ay hindi miyembro ng Simbahan, lagi kong iniisip kung ako ay nasa tamang landas. Hindi ko naunawaan kung bakit hindi sumapi si Itay sa Simbahan kung talagang totoo nga ito. Pero, nagustuhan ko ang pagpunta sa Primary at pagkanta ng mga himno. Masaya rin ako kapag binabasa sa akin ni Inay ang mga banal na kasulatan, at unti-unti nagsimula akong magkaroon ng sariling patotoo.

Nang nasa Young Women na ako, ang isa sa mga unang mithiin na ginawa ko ay ibahagi ang aking patotoo tuwing Linggo ng ayuno. Ang pagpapatotoo ay nakagawian ko na at napalakas nito ang aking hangaring maragdagan ang aking kaalaman nang makapag-enrol ako sa seminary.

Ang pinag-aralan namin sa unang klase ko sa seminary ay ang Lumang Tipan. Sa taong iyon hindi ko lamang napahalagahan ang Lumang Tipan, kundi nalaman ko rin ang kahalagahan ng mga templo at genealogy.

Sumama ako sa iba pang mga estudyante mula sa aming ward at nakibahagi sa gawain sa family history. Nakakuha kami ng daan-daang pangalan at nakadama ng malaking pagmamahal para sa mga tao na halos wala kaming alam tungkol sa kanila—mga pangalan lang nila at iba pang limitadong impormasyon. Kahit alam ko na ang ginagawa namin ay mahalaga, kung minsan parang pinanghihinaan ako ng loob at nalulungkot. Gumagawa ako upang maisagawa ang mga ordenansa para sa mga tao na hindi ko kilala, ngunit hindi ko matulungan ang sarili kong ama. Hindi niya nauunawaan ang kahalagahan ng ginagawa ko. Patuloy akong nagdasal at nag-aayuno na siya ay maantig.

Nang sumunod na taon sa seminary, pinag-aralan namin ang Bagong Tipan. Isang umaga pagkagising ko, sinimulan kong basahin ang tungkol sa Tagapagligtas sa Getsemani. Umagos ang luha mula sa aking mga mata nang matanto ko na ang mga tumulong patak ng dugo mula Kanya ay para sa akin. Sana ay hindi ako nagkasala kailanman! Naisip ko ang mga salita ni Isaias na napag-aralan ko noong nakaraang taon: “Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya” (Isaias 53:5). Habang nagbabasa ako tungkol sa Pagpapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli, pumasok si Inay sa aking silid. Ibinahagi ko sa kanya ang damdamin ko, ang aking patotoo, at ang hangarin ko na malaman ni Itay ang natutuhan ko sa seminary.

Ang aking patotoo ay patuloy na lumago nang sumunod na taon habang binabasa namin ang Doktrina at mga Tipan. Nagkaroon ako ng patotoo na si Joseph Smith ay propeta. Nagpasiya rin ako na sundin ang kanyang halimbawa at tanungin ang Diyos kung totoo ang Simbahan. Bagama’t nananalig na ako sa aking puso, isang hapon natuklasan kong nag-iisa ako at taos-puso akong nagdasal. Nang gawin ko ito, natanto ko na ang patotoong hinihiling ko ay unti-unting lumalago habang pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan at dumadalo sa seminary.

Binuksan ng Panginoon ang aking puso’t isipan noong taong iyon, at ngayon ko lang naunawaan ang Doktrina at mga Tipan na hindi kailanman nangyari noon. Nalaman ko rin ang malaking kahalagahan ng mga kaluluwa (tingnan sa D at T 18:10–16) at sinimulan kong ibahagi ang aking lumalagong patotoo sa mga taong hindi alam ang tungkol sa ebanghelyo, pati na kay Itay.

Alam ko na ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa huling taon ko sa seminary ay magpapalakas din sa aking patotoo. Habang nag-aaral akong mabuti, nadama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa akin. Naantig ako sa mga kuwento hanggang sa ang gusto ko na lang gawin ay basahin ang Aklat ni Mormon. Sinimulan kong dalhin ang Aklat ni Mormon sa eskuwelahan at binabasa ito sa libreng oras ko. Sinimulan ko ring talakayin kay Itay ang mga nabasa ko.

Isang araw matapos ang mahabang pakikipag-usap kay Itay tungkol sa ebanghelyo, hinamon ko siya na basahin ang buong Aklat ni Mormon. Nagpatotoo ako na, tulad ko, siya rin ay makatatanggap ng patotoo.

Natutuwa akong sabihin na binasa ni Itay ang Aklat ni Mormon. Nang gawin niya ito, nalaman niya na totoo ang Simbahan at nabinyagan kalaunan! Ang pamilya ko ay naghahanda na ngayon na mabuklod sa templo. Alam ko na ang pagpunta sa seminary at pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nakatulong sa akin na magkaroon ng sariling patotoo, at alam ko na pagpapalain nito ang mga pamilya.