Para sa Lakas ng mga Kabataan
”Sinasabi” Namin ang mga Bagay na Ito
Ang mga salitang ginagamit natin ay nagpapakita ng nadarama natin sa ating puso at kung sino talaga tayo.
Noong naglilingkod pa ako bilang bishop, isang kahanga-hangang kabataang lalaki ang pumunta sa aking opisina para mainterbyu. Habang nag-uusap kami, binanggit niya na ang malaking problema lamang niya ay pagmumura. Palagi siyang nakaririnig ng masasamang pananalita sa paligid niya, at siya rin ay nagsimula nang magsalita nang ganito. Sinabi niyang sinikap niyang itigil ito pero bigo siya, at gusto niyang mapayuhan siya kung paano niya maihihinto ang pagsasalita ng masama.
Agad kong naisip ang mga mungkahi na kahalintulad ng matatagpuan ngayon sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Kung naging ugali na ninyong magsalita nang hindi ayon sa mga pamantayang ito—tulad ng pagmumura, panlalait, pagtitsismis, o pagalit na pagsasalita sa iba—maaari pa kayong magbago. Manalangin na tulungan kayo. Hilingin sa inyong pamilya at mga kaibigan na tulungan kayong gumamit ng mabuting pananalita.”1 Sana ang payong ito ay kabilang na sa Para sa Lakas ng mga Kabataan noong panahong iyon.
Isang Karanasan sa Aking Kabataan
Ikinuwento ko sa binatilyong ito ang karanasan ko noong kabataan ko sa isang kapaligiran kung saan madalas banggitin ang masasamang pananalita. Tila sa tuwing nakaririnig ako ng anumang uri ng masasamang salita, ang mga salitang iyon ay mas madaling manatili sa aking isipan kaysa mabubuting kaisipan na gusto ko. Sinabi sa akin ng isang mabait na lider ng priesthood na ang isipan ay parang isang kahanga-hangang imbakan at na maaari nating alisin ang hindi angkop na mga kaisipan sa pamamagitan ng pagtatabon dito ng mga bagay na kapuri-puri.
Nagpasiya kami ng kaibigan ko na gawin iyan. Nagsaulo kami ng dalawang himno, “Kailangan Ko Kayo” (Mga Himno, blg. 54) at “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan” (Mga Himno, blg. 80), at ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya. Nagkasundo kami na kung ang isa sa amin ay nakapagsalita nang hindi mabuti, kaagad naming kakantahin ang isa sa mga himno o bibigkasin ang saligan ng pananampalataya.
Kaagad naming natanto na ayaw naming kantahin ang mga himno nang malakas sa ilang lugar. Masyado kaming nahiya! Kaya binigkas namin ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, binibigyang-diin ang bahaging, “Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad namin ang mga bagay na ito.” Epektibo ito! Natuklasan namin na kapag inuulit namin ito, ang di-angkop na mga kaisipan ay naglalaho. Sa pagpapalit ng isang salita, nakagawa rin kami ng simpleng sawikain: “Sinasabi namin ang mga bagay na ito!” Kapag sinabi ng isa sa amin ang mga katagang ito, iisipin namin, “Ang mga salita ko ba ay tapat, malinis, mabuti, marangal, kaaya-aya, o magandang balita o maipagkakapuri?” (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13). Kung hindi, alam namin na kailangan naming baguhin ito.
Ano ang Magagawa Natin
Nabubuhay tayo sa panahong puno ng kalapastanganan, kagaspangan, at kahalayan ang pananalita ng tao. Tila halos imposibleng lubos na maprotektahan ang ating sarili mula sa naririnig o nakikitang mga bagay na nais nating iwasan. Ang mahalaga ay tiyaking hindi tayo ang nagdadala ng mga pananalitang puno ng kalapastanganan, kagaspangan, o kahalayan. Nadama na ito ni Pablo nang sabihin niya, “Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig” (Mga Taga Efeso 4:29).
Nakakita na ako ng ilang kabataan na nagsasalita ng di-angkop na pananalita dahil sa pag-aakalang tutulong ito na maging tulad sila ng iba at ang ilan naman ay dahil sa hangaring sila ay makilala. Sa katunayan, tila ito ang mga pangunahing dahilan kung bakit nakakagawian ito ng mga kabataan.
Ako ay lalong hanga sa mga kabataan na may “lakas-ng-loob na maging kaiba,”2 gaya ng isang kabataang lalaki na may isang kaibigang hindi miyembro na palaging nagmumura. Tuwing nagmumura ang kanyang kaibigan, mahinahon niyang hinihiling na tumigil ito. Kalaunan tumigil na sa pagmumura ang kanyang kaibigan. Dahil hangang-hanga ang kaibigan sa kanya at sa paraan ng kanyang pamumuhay ginusto nitong malaman pa ang tungkol sa Simbahan. Hindi nagtagal, siya ay nabinyagan.
Ang nadarama natin sa ating puso ay ang nasa isipan natin, at ang nasa isipan natin ang siyang nasasabi natin. Kaya nga, totoong ang mga salitang ginagamit natin ay nagpapakita ng nadarama ng ating puso at kung sino tayo talaga.
Tulad ng malinaw na naipahayag sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Ang malinis at matalinong pananalita ay patunay ng maaliwalas at mabuting isipan. Ang mabuting pananalita na nagbibigay-inspirasyon, humihikayat, at pumupuri sa iba, ay nag-aanyaya sa Espiritu na mapasainyo.”3
Bawat isa sa atin ay maaaring matamasa ang mga pagpapala na mapasaatin sa tuwina ang Espiritu, tulad ng ipinangako kapag nakikibahagi tayo ng sakramento tuwing araw ng Sabbath. Ito ay depende sa atin—kung paano tayo kumikilos, kung ano ang ginagawa natin, at, oo, pati na ang sinasabi natin. Umaasa ako na gagamitin natin ang ating mga salita hindi sa kagaspangan o pagtsitsismis kundi upang ipakita na tayo ay mga disipulo ng ating Tagapagligtas, maging ni Jesucristo.