Bakit Kasal sa Templo?
Napakaraming beses nating pinag-uusapan ang tungkol sa kasal sa templo sa Simbahan. Naiisip ba ninyo ang dahilan?
Maraming pag-uusap kamakailan tungkol sa kasal—kung ano ito, kung bakit mayroon tayo nito, ano ang papel nito sa lipunan. Sa simbahan napakaraming beses nating pinag-uusapan ang tungkol sa kasal sa templo. Alam ninyo na mahalaga ito dahil narinig na ninyo ito mula noong unang ituro sa inyo ang tungkol sa ebanghelyo, kayo man ay isang Sunbeam o bagong binyag na kabataan.
Ngunit maaaring iniisip ng ilan sa inyo, “Bakit?” Sa inyo, maaaring ito ay higit pa sa tanong na kung ano talaga ang kasal sa templo. Gusto ninyong malaman—sa inyong puso, hindi lamang sa inyong isipan—kung bakit kailangan ninyong magsumigasig nang husto upang maikasal sa templo, lalo na kung ang kasal bilang ideya at institusyon ay tila humihina na sa mga lipunan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mangyari pa, nagsisimula ito sa doktrina tungkol sa pamilya.
Ang Doktrina Tungkol sa Pamilya
Ginagamit natin ang katagang doktrina para makatulong sa pagtukoy sa maraming bagay sa Simbahan. Halimbawa, binigyang-kahulugan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ang doktrina ni Cristo bilang “mga alituntunin at aral ng ebanghelyo ni Jesucristo.”1 Kaya ano ang ibig nating sabihin kapag pinag-uusapan natin ang doktrina tungkol sa pamilya o doktrina tungkol sa walang hanggang kasal?
Isinasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na “Ang Kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at … ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.”2 Sa madaling salita, kapag pinag-uusapan natin kung bakit tayo narito sa lupa at ano ang dapat nating gawin at kahinatnan, ang lahat ng ito ay nakaugnay sa ideya na tayo ay bahagi ng isang pamilya at maaaring magpakasal at bumuo ng sariling pamilya.
Isinasaad rin sa pagpapahayag tungkol sa pamilya: “Ang plano ng kaligayahan ng Diyos ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang-buhay. Ang mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang-hanggan.”3
Ngunit ano ang mangyayari sa ating mga pamilya kapag namatay tayo? Kung kayo ay ikinasal sa batas ng inyong estado o bansa, ang batas bang iyan ay may karapatan sa inyo kapag kayo ay namatay? Wala, dahil ang mga batas na iyon ay gawa ng tao at may karapatan lamang hangga’t nabubuhay kayo sa ilalim ng awtoridad na iyan. Para magpatuloy ang ugnayan ng mag-asawa sa kabilang-buhay, ang mga kasal na iyon ay dapat mabuklod sa tamang lugar ng taong may awtoridad na mananatili hanggang sa kawalang-hanggan. Ang lugar na iyan ay ang templo, at ang awtoridad na iyan ay ang priesthood (tingnan sa D at T 132:7, 15–19). Sa pagpili ng kasal sa templo at pagtupad sa mga tipang iyon, pinipili ninyong mabuhay magpakailanman kasama ang inyong asawa.
Ang Dahilan Kung Bakit Tayo Nagmamalasakit
Marahil alam na ninyo ang doktrinang iyan, ngunit iniisip pa rin ninyo, “Pero ano pa ang ibang dahilan kung bakit napakahalaga nito?” Siguro ay hindi ito tungkol sa pag-unawa sa doktrina. Marahil ito ay mas simpleng tanong kung ano ang kahulugan ng kasal at pamilya sa inyong puso. Ang simpleng sagot ay makakamtan natin ang pinakamalaking kaligayahan at kagalakan sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo at pagpapakasal sa templo at pagpapatatag nito.
Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2013, ipinaliwanag ni Elder L. Whitney Clayton ng Panguluhan ng Pitumpu ang ganito: “Wala nang iba pang uri ng ugnayan na makapagdudulot ng malaking kagalakan, magpapaibayo ng higit na kabutihan, o higit na kadalisayan ng sarili.”4
Alam din natin na ang “kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.”5
Kung pag-iisipan ninyo ito, mag-uukol kayo ng malaking bahagi sa inyong buhay sa paghahanda para sa malalaking pagbabago na darating. Nariyan ang binyag, pagtatapos sa Primary tungo sa Young Men o Young Women, pagdalo sa templo, at pakikibahagi sa pagsasaliksik ng family history at pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa inyong mga ninuno. Para sa mga kabataang lalaki, nariyan ang pagtanggap ng priesthood at pagsulong sa mga katungkulan sa priesthood. Para sa mga kabataang babae, nariyan ang pagsulong sa mga klase ng Young Women. Nariyan din ang high school graduation o katumbas nito. At ngayon maaari nang magmisyon sa edad na 18 o 19. Napakaraming paghahandaan at inaasam.
Ngunit ang pinakamahalagang tipan na paghahandaan natin ay ang mabuklod sa templo. Kapag namumuhay ayon sa plano ng kaligayahan ang bawat miyembro ng pamilya at tinutupad ang kanilang mga tipan sa templo, nararanasan nila ang tunay na kagalakan.
Ang ebanghelyo ang lahat-lahat sa buhay. Ito ang talagang dahilan kaya tayo narito. Kapag sinusunod natin ang landas ng ebanghelyo, humahantong ito sa kagalakan. At ang landas na iyan ay hahantong sa kasal sa templo, sa buhay mang ito o sa buhay na darating. Walang mga pagpapalang ipagkakait sa matatapat na anak ng Ama.
Ipinayo ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang isang pinakamahalagang bagay na gagawin ng sinumang Banal sa mga Huling Araw sa mundong ito ay magpakasal sa tamang tao, sa tamang lugar, sa tamang awtoridad.”6