Pagkakaroon ng Espirituwal na Kapangyarihan sa mga Korum ng Priesthood
Biniyayaan tayo ng Panginoon ng mga korum ng priesthood para maturuan tayo nang “ang [ating] mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa.”
Ilang taon na ang nakalipas naglingkod si Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu, kasama ang kanyang asawa, sa isang Area Presidency sa Chile. Isang araw ng Biyernes kinailangan niyang magbiyahe nang 900 milya (1,450 km) mula sa bahay nila sa Santiago para muling iorganisa ang stake presidency.
Pagdating niya sa kanyang paroroonan noong Biyernes ng gabi, may tumawag sa kanya na nagsabing nasa ospital ang kanyang asawa. Nang kausapin niya si Sister Johnson, ipinaliwanag nito na nahulog siya sa hagdan at nadurog ang buto sa kanyang tuhod [kneecap]. Matapos tiyakin sa kanya ni Sister Johnson na pinangangalagaan siya nang husto at sa Lunes o Martes pa siya ooperahan, hinikayat siya nitong tapusin ang kanyang tungkulin na muling iorganisa ang stake at mangulo sa stake conference.
Napanatag sa sinabi ni Sister Johnson, agad nag-email si Elder Johnson sa kanyang lider ng korum sa Salt Lake City para ireport ang sitwasyon. Pagkatapos ay nagplano siyang magpatuloy sa kanyang tungkulin. May aral na matututuhan sa ikinilos niya: una, inireport niya ang sitwasyon sa kanyang lider ng korum, at pagkatapos ay nagpatuloy siya sa kanyang tungkulin.
Inorganisa ang mga Korum ng Pitumpu sa paraang bawat miyembro ay may partikular na paglilingkod na gagawin sa iba, pati na ang magiliw na pangangalaga sa emeritus na mga miyembro ng korum. Dahil sa mga tungkulin sa iba’t ibang panig ng mundo, karaniwan ay hindi maaaring bumisita nang personal ang mga miyembro ng korum; gayunman, nakikipag-ugnayan sila sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono, email, text, at iba pang elektronikong paraan. Bawat miyembro ay hinihilingang agad ipaalam sa kanyang lider ng korum ang anumang mahahalagang pagbabago sa sitwasyon ng mga pamilya, na siyang ginawa mismo ni Elder Johnson.
Sa kaso ni Elder Johnson, ang kanyang lider ng priesthood ay si Elder Claudio R. M. Costa, na noon ay naglilingkod bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu. Tinawagan ni Elder Costa si Elder Johnson kinabukasan habang kasalukuyang iniinterbyu ni Elder Johnson ang mga lokal na lider. Nadama ni Elder Costa na dapat umuwi si Elder Johnson ngunit pinakinggan niyang mabuti ang paliwanag ni Elder Johnson kung bakit niya nadama na maayos ang lagay ng kanyang asawa at maaari niyang tapusin ang muling pag-oorganisa sa stake. Sinabi ni Elder Costa kay Elder Johnson na magpatuloy habang aalamin naman niya ang kalagayan ni Sister Johnson.
Mga dalawang oras kalaunan tinawagan ni Elder Costa si Elder Johnson at sinabi rito na nakausap niya ang mga lider ng korum tungkol sa sitwasyon at na nadama nila na kailangan niyang puntahan si Sister Johnson. Ipinaalam kay Elder Johnson na may tiket na siya sa airport at na parating na si Elder Carlos H. Amado para tapusin ang muling pag-oorganisa sa stake presidency.
Pagdating ni Elder Johnson sa ospital, nalaman niya na matindi ang sakit na nadarama ng kanyang asawa. Nakaragdag sa paghihirap nito ang katotohanan na hindi siya marunong ng wikang sinasalita ng mga doktor at nars na nakapaligid sa kanya. Kailangan niya ang kanyang asawa. Ang inspiradong pag-aalala ng kanyang mga lider ng korum ang naghatid kay Elder Johnson sa tabi ng kanyang asawa.
“Napapangalagaan ako sa korum na ito,” sabi ni Elder Johnson, “at malaki ang pananampalataya at sigla sa likod ng pangangalagang iyon. Talagang nadarama ko na bahagi ako ng korum. Palagay ko kung matawag ako sa presidency ng elders quorum, magiging mas mahusay na president ako dahil sa karanasan ko sa korum na ito.”
Totoo iyan. Ang pagkakaisa at pagmamahal na nakikita ko sa aking mga kapatid ay maaaring magsilbing huwaran para sa lahat ng korum ng priesthood. Kung ang huwarang iyan ay tutularan, labis na pagpapalain ang mga korum at mga miyembro sa buong Simbahan.
Ang Pinagmumulan ng Lakas ng Isang Korum
May malaking kapangyarihan sa mga korum ng Aaronic at Melchizedek Priesthood—o talagang mayroon! Ang kapangyarihang ito ay natatamo sa awtoridad na bigay ng Diyos na kumilos sa Kanyang pangalan at nailalakip sa patotoo, lakas, at lubos na katapatan ng bawat miyembro.
Ang resulta ay kamangha-mangha: ang mga miyembro ng korum at ang kanilang pamilya ay nagiging mas espirituwal, mas matatag, at mas epektibong mga disipulo ni Jesucristo. Nakita ko na ang pagtutulungang ito sa paghubog ng kahanga-hangang kapatiran na naiiba sa anumang makikita sa labas ng Simbahan ng Panginoon.
Naaalala ko ang isang kaalaman na ibinahaging minsan ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan. Sabi niya: “Natutuhan ko sa paglipas ng mga taon na wala sa dami ng maytaglay ng priesthood na naroon ang lakas ng korum. Ni hindi ito kusang nanggagaling sa edad at kahustuhan ng isip ng mga miyembro. Sa halip, ang katatagan ng korum ay higit na nagmumula sa kung gaano ganap na nagkakaisa sa kabutihan ang mga miyembro nito.”1
Kapag nagkaisa sa kabutihan ang mga miyembro ng korum, ang mga kapangyarihan ng langit ay tuluy-tuloy na dadaloy sa kanilang buhay at makikita sa paglilingkod na ibinibigay nila sa isa’t isa, sa kanilang pamilya, sa Simbahan, at sa mga komunidad kung saan sila nakatira.
Pitumpu’t anim na taon na ang nakararaan, binigyang-kahulugan ni Elder Stephen L Richards, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang korum bilang “una, isang klase; pangalawa, isang kapatiran; at pangatlo, isang pangkat na naglilingkod.”2 Ang klasikong kahulugang iyan ay mabisang ipinapakita ng mga Korum ng Pitumpu.
Ang Korum Bilang Isang Klase
Bawat linggo nagkikita-kita ang mga miyembro ng Pitumpu na naninirahan sa Salt Lake City area sa isang miting ng korum sa headquarters ng Simbahan. Doon ay naghahalinhinan sila sa pagtuturo sa isa’t isa tungkol sa doktrina ng Simbahan, mga gawain, at patakaran alinsunod sa ika-88 bahagi ng Doktrina at mga Tipan: “Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat kaagad; sa halip magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat” (D at T 88:122).
Ang mga miting na ito ay mahahalagang karanasan na pinagkukunan ng inspirasyon at nagpapatatag sa kapatiran. Puspos ng diwa ng pagkakaibigan at damdamin ng pagtutulungan at pagmamahal ang mga miting na ito. Dahil hindi lahat ng miyembro ng Pitumpu ay maaaring dumalo, inirerekord ang mga miting at mapapanood sa internet ng mga miyembrong naglilingkod sa lugar na malayo sa headquarters ng Simbahan.
Inilarawan ng kapatid ko sa aking korum na si Elder Don R. Clarke ang mga miting na ito bilang “mga espirituwal na piging tungkol sa doktrina at pagsasabuhay nito.” Nang maglingkod siya sa isang international Area Presidency, sinabi niya, “Inaasam naming mapanood [ang mga video] linggu-linggo sa aming Area Presidency meeting. May mga pagkakataon na ang paksang iyon mismo ang kailangan naming pag-usapan.”
Salamat sa nakarekord na mga miting ng korum at sa pangangalagang nadarama ng Pitumpu at ng kanilang pamilya mula sa mga lider ng Simbahan at mga kapatid sa kanilang korum, “hindi namin nadama kailanman na napakalayo namin,” sabi ni Elder Kevin R. Duncan. “Saanman kami naglilingkod sa mundo, hindi namin nadarama na nag-iisa kami.”
Kapag isinali ang lahat ng miyembro ng isang korum ng Aaronic o Melchizedek Priesthood, nagkakaroon ng lakas at diwa ng kapatiran kapag tinuruan ng mga miyembro ng korum ang isa’t isa at nagbahagi sila ng iba’t ibang ideya. Maraming korum na may maraming guro, at isang magandang pamamaraan iyan.
Maaaring tularan ng mga lider ng korum sa buong Simbahan ang halimbawa ng Pitumpu. Para sa mga taong hindi makadadalo sa mga miting ng korum, maghanap ng mga paraan na maisama sila. Isipin na lang kung ano ang epekto ng isang tawag sa telepono sa isang high priest na hindi na makalabas ng bahay o nasa isang bahay-kalinga. Hindi ba niya pasasalamatan ang tawag ng isang brother sa kanyang korum na nagbabahagi ng tinalakay sa miting ng kanilang korum? Madaling mapapabilis ng teknolohiya ang pagbabahaging iyan.
Ang Korum Bilang Isang Kapatiran
Ang mga miting ng korum ay maaari ding mapaganda ng mga adyenda na nakatuon sa mga bagay na talagang mahalaga. Napakadalas nilang pag-ukulan ng panahon ang quorum business at mga pabatid [announcement] na mas maganda sanang iukol sa pangangalaga at pagpapatatag ng kapatiran. Ang isang epektibong adyenda ng korum ay maaaring magtuon sa tatlong aspetong binanggit ni Elder Richards sa kanyang pakahulugan—pagtuturo sa klase, kapatiran, at paglilingkod.
Sa aming korum ibinabahagi namin ang mga katitikan [minutes] at pabatid sa pamamagitan ng email. Sa aming mga presidency meeting ang una sa aming adyenda ay ang kapakanan ng mga miyembro ng aming korum. Itinatanong namin kung sino ang nangangailangan. Binabanggit namin sa panalangin ang pangalan ng mga miyembro ng korum—sa kasalukuyan at na-release—kanilang mga anak, at kanilang mga apo. Madalas naming baguhin ang aming adyenda para matalakay kung ano ang magagawa namin para makatulong.
Kailangang bigyang-pansin ang quorum business at mga tungkulin sa paglilingkod, pero ang matatalinong lider ng korum ay di-gaanong nag-uukol ng oras sa mga petsa at pabatid (ipadala ang mga iyon sa email, o isulat ang mga ito sa isang handout) at mas nag-uukol ng oras sa doktrina, pagpapatatag ng kapatiran, at kung paano makatutulong ang korum sa iba.
Bilang mga kapatiran, walang kapantay ang mga korum ng priesthood sa mundo. Ilang taon na ang nakararaan ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na “noong unang panahon kapag itinatalaga sa isang piling organisasyon ang isang tao, ang kanyang tungkulin, na laging nakasulat sa Latin, ay bumabalangkas sa responsibilidad ng organisasyon, nililiwanag kung sino dapat ang maging mga miyembro, at walang salang may mga salitang: quorum vos unum, na ibig sabihin ay ‘kalooban naming magkaisa kayo.’”3
Walang mas nakapagpapaisa sa mga puso ng mga tao kaysa sa Espiritu ng Diyos. Sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu, nahikayat ng kabutihan ng mga miyembro ng korum at ng pagmamalasakit sa isa’t isa, ang mga korum ay maaaring pagkunan ng malaking espirituwal na kapangyarihan ng mga miyembro ng korum at ng kanilang mga pamilya, at maging ng mga taong pinaglilingkuran nila.
Bukod pa rito, mahalaga ang pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha. Ang isang matatag na korum ay magtitipon paminsan-minsan sa mga aktibidad na nagbibigay ng mga oportunidad na makasalamuha ang mga miyembro ng korum at ang kanilang pamilya sa panatag at masayang paraan. Ang pakikisalamuha ay mahalagang bahagi ng pagpapatatag at pagpapanatili ng kapatiran.
Ang Korum Bilang Isang Pangkat na Naglilingkod
Sa maraming paraan ang kapatiran sa mga korum ng priesthood ay nagpapalakas sa paglilingkod na ibinibigay ng mga korum. Ang mga korum ng priesthood, na nagtutulungan sa diwa ng kapatiran at pagmamahalan, ay makagagawa ng mga himala.
Muli kong naisip sina Elder Paul at Sister Jill Johnson. Nakaranas sila ng ilang mabibigat na pagsubok sa pamilya. May isang anak silang babae at isang bata pang apong lalaki na nakipaglaban sa kanser. Nakagawa ng mahimalang kaibhan ang mga panalangin at pag-aayuno ng mga miyembro ng korum ni Elder Johnson sa dalawang ito.
Ang Simbahan at mga komunidad kung saan may mga unit ng Simbahan ay pinagpapala nang maraming beses ng tapat na paglilingkod ng mga korum ng priesthood. Ang paglilingkod na iyon ay nagiging mabisa kapag nagkaisa ang lakas ng mga miyembro ng korum sa matwid na pagmamahal na tulad ng kay Cristo.
Madalas kong maobserbahan na dumarating ang lakas at pagmamahal kapag may sakripisyo, at malaki ang bahagi rito ng mga asawa ng Pitumpu. Ilang taon na ang nakalipas binisita ko sina Elder Claudio at Sister Margareth Costa nang maglingkod sila sa Bogotá, Colombia. Isang gabi pagkatapos ng hapunan nakipag-usap sa online video ang mga Costa sa ilan sa kanilang mga apo. Habang nagsasalin si Elder Costa para sa akin, nalaman ko na tinatawag ng mga apo si Sister Costa na “Computer Grandma.” Sa pagtatapos ng pag-uusap, niyakap ng dalawang apo na edad dalawa at apat ang computer monitor, para yakapin si Sister Costa. Ipinaalam sa akin ni Sister Costa kalaunan na akala ng mga batang iyon ay nakatira sila ni Elder Costa sa loob ng computer.
Ang pagiging malayo sa mga anak at apo sa mahahalagang okasyon ay mahirap lalo na sa mga ina at lola. Gayunman, naglilingkod sila dahil mahal nila ang Panginoon at nadarama nila na talagang bahagi sila ng tungkulin ng kanilang asawa.
“Ang ating mga asawa ay nakakatulong sa makabuluhang paraan,” pagpuna ni Elder Duncan. “Hindi lamang nila sinusuportahan ang kanilang asawa sa mabibigat na pasanin nila, kundi nakikipag-ugnayan din sila sa mga miyembro at lider sa iba’t ibang panig ng mundo sa nakapagbibigay-inspirasyong paraan. Ang ating mga asawa ay mga tunay na halimbawa ng masayang paglalaan.”
Ang ganyang uri ng pagkakaisa ng Pitumpu at kanilang mga asawa ay may malaking impluwensya. Naaalala ko na naatasan akong magpunta sa Japan at maglakbay sa mga lungsod na kasama sina Elder Yoon Hwan at Sister Bon Choi, na naglilingkod noon sa Asia North Area Presidency. Alam ko na may problema sa kanilang bansang Korea, at binanggit ko ito. Matapos ko siyang hikayatin nang kaunti, sinabi sa akin ni Sister Choi ang kabigatan ng problema. Pagkatapos ay may mga iminungkahi siya na talagang nakatulong nang malaki sa paghahanap ng solusyon.
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na, “Mga kapatid, kailangan ng daigdig ang inyong tulong. May mga paa na dapat mapatatag, kamay na dapat abutin, isipan na dapat mahikayat, puso na dapat mapasigla, at mga kaluluwa na dapat mailigtas. Ang pagpapala ng kawalang-hanggan ay naghihintay sa inyo. Pribilehiyo ninyo na hindi maging tagapanood kundi maging kabahagi sa entablado ng paglilingkod ng priesthood.”4
Talagang ang tunay na kapatiran ay sukatan ng kabanalan. Kapag lalo tayong napapalapit sa huwarang iyan, lalo tayong nagiging banal. Lubos na nagkakaisa ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo sa pagmamahal, espirituwal na kapangyarihan, at kaalaman kaya tinutukoy sa mga banal na kasulatan na Sila ay iisa (tingnan sa Juan 17:21–23; 2 Nephi 31:21; 3 Nephi 11:27, 36). Biniyayaan tayo ng Panginoon ng mga korum ng priesthood para maturuan tayo sa uri ng pagkakaisa na magiliw na inilarawan sa aklat ni Mosias: “na ang kanilang mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21).
Dalangin ko na bawat lider ng korum at miyembro ay tutulong sa bawat miyembrong lalaki at aalamin ang mga pangangailangan niya at ng kanyang pamilya. Ang pagtatalaga ng isang partikular na araw ng Linggo bawat buwan para mapanalanging magdaos ng mga talakayan sa mga miting ng korum ay makatutulong sa pagsasagawa ng mahalagang gawaing ito. Kapag nalaman na ang mga pangangailangan, makakakita ng mga paraan ang mga miyembro ng korum para mapagpala ang mga buhay at mas saganang makabahagi sa mga kapangyarihan ng langit, sa gayon ay mag-iibayo ang espirituwal na kapangyarihan sa mga korum ng priesthood.