2014
Pamumuhay nang May Kapayapaan, Kagalakan, at Layunin
Pebrero 2014


Pamumuhay nang May Kapayapaan, Kagalakan, at Layunin

Mula sa mensahe sa pagtatapos na ibinigay sa Brigham Young University noong Abril 21, 2011. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa speeches.byu.edu.

Elder Richard G. Scott

Nawa’y palakasin ng Panginoon ang inyong determinasyon, ang inyong pananampalataya, at ang bumubuti ninyong pagkatao upang maaari kayong maging kasangkapan ng kabutihan na gusto Niyang kahinatnan ninyo.

Ang mundong ito ay may mabigat na problema. Ang mga pangunahing pinahahalagahan ng Estados Unidos at iba pang mga bansa sa Kanluran ay unti-unting humihina. Patuloy na nawawalan ng kabuluhan ang alituntunin, kabanalan, integridad, at pagpapahalaga sa relihiyon—ang mga pundasyon ng sibilisasyon at malinaw na mga sangkap ng kapayapaan at kaligayahan. Ibabahagi ko sa inyo nang simple at malinaw sa abot ng aking makakaya ang huwaran sa tagumpay at kaligayahan sa buhay sa kabila ng mga sitwasyong ito.

Binigyan kayo ng Diyos ng kakayahang sumampalataya upang makamtan ninyo ang kapayapaan, kagalakan, at layunin sa buhay. Gayunman, upang magamit ang kapangyarihan nito, ang pananampalatayang iyon ay dapat na nakabatay sa isang tiyak na bagay. Wala nang mas matibay na pundasyon kaysa pagmamahal ng Ama sa Langit sa inyo, pananampalataya sa Kanyang plano ng kaligayahan, at pananampalataya sa kahandaan at kapangyarihan ni Jesucristo na tuparin ang lahat ng Kanyang pangako.

Kabilang sa ilan sa mga alituntuning pinagbabatayan ng pananampalataya ang:

  • Pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang hangaring tumulong kapag kailangan, gaano man kahirap ang sitwasyon.

  • Pagsunod sa Kanyang mga utos at isang buhay na nagpapakita na mapagkakatiwalaan Niya kayo.

  • [Madaling makaramdam] sa banayad na mga pahiwatig ng Espiritu at pagsunod nang may determinasyon sa mga impresyong bunga nito.

  • Pagtitiis at pag-unawa kapag hinayaan kayo ng Diyos na maghirap upang umunlad at kapag paisa-isang dumarating ang mga sagot sa loob ng mahabang panahon.

Makatutulong sa inyo na maunawaan at gamitin ang kapangyarihan ng pagkakaugnay ng pananampalataya at pagkatao. Ginagamit ng Diyos ang inyong pananampalataya para hubugin ang inyong pagkatao. Ang pagkatao ay unti-unting nahuhubog sa pamamagitan ng doktrina, alituntunin, at pagsunod. Ang pagkatao ang magsasabi kung ano ang kahihinatnan ninyo. Ang inyong pagkatao ang panukat na gagamitin ng Diyos upang malaman kung gaano kabuti ang inyong pamumuhay sa mundong ito. Ang matatag na moralidad ay bunga ng mga tamang pagpapasiya sa oras ng mga pagsubok sa buhay. Ang gayong mga pagpapasiya ay ginagawa nang may tiwala sa mga bagay na pinaniniwalaan at, kapag isinagawa, ay mapapatunayang totoo.

Ang Mabuting Pagkatao

Kapag hanggang doon na lang ang kaya ninyong maunawaan at dumating kayo sa kawalang-katiyakan habang kayo ay nananampalataya, masusumpungan ninyo ang mga solusyon sa mga hamon ng buhay na hindi ninyo makakamtan sa ibang paraan. Kahit napakalakas ng inyong pananampalataya, hindi kaagad ipagkakaloob sa inyo ng Diyos sa tuwina ang inyong mga ninanais. Sa halip, paunti-unti Siyang tutugon sa oras na pinakamainam para sa inyo ayon sa Kanyang walang-hanggang plano. Ang patuloy ninyong pagsampalataya ay magpapatatag sa inyong pagkatao na magagamit ninyo sa mga panahon ng matinding pangangailangan. Ang matatag na pagkatao ay hindi nahuhubog sa mga sandali ng malaking hamon o tukso. Ito ay ginagamit sa sandaling iyon.

Ang pundasyon ng pagkatao ay integridad. Ang mabuting pagkatao ay magpapaibayo sa kakayahan ninyong makilala ang patnubay ng Espiritu at sundin ito. Ang matatag na pagkatao ay mas mahalaga kaysa inyong ari-arian, dunong, o anumang mithiing naisagawa ninyo. Ang palagian ninyong pagsampalataya ay nagpapatatag sa pagkatao. Sa kabilang dako, ang matatag na pagkatao ay nagpapalawak sa inyong kakayahang sumampalataya, kaya nadaragdagan ang inyong kakayahan at tiwala na madaig ang mga pagsubok sa buhay. Patuloy ang pagpapalakas na ito, sapagkat kapag mas matatag ang inyong pagkatao, mas kaya ninyong gamitin ang kapangyarihan ng pananampalataya.

Saanman kayo nakatira, anuman ang inyong trabaho o pinagtutuunan sa buhay, magiging bahagi kayo ng digmaan para sa mga kaluluwa ng kalalakihan at kababaihan. Maging magiting sa digmaang iyan. Malalabanan ito sa pamamagitan ng katatagan ng inyong pagkatao. Ipinakita ni Satanas at ng kanyang mga hukbo ang kanilang pagkatao sa tahasang pagsalungat sa kalooban ng ating Ama at palagiang paglabag sa Kanyang mga utos. Ang inyong pagkatao ay nagiging matatag sa palagiang pagpili ng tama. Buong buhay kayong gagantimpalaan sa mga pagsisikap ninyong piliin ang tama.

Hindi kayang pahinain o wasakin ni Satanas o ng anumang iba pang kapangyarihan ang inyong tumatatag na pagkatao. Kayo lang ang makagagawa niyan sa pamamagitan ng pagsuway. Iyan ang dahilan kaya nakatuong mabuti si Satanas sa pagtukso sa inyong gumawa ng mga desisyon na magpapahina sa inyong pagkatao. Napakahusay ni Satanas sa paggawa ng mga pagpiling mukhang kaakit-akit at makatwiran pa. Kaya maging maingat. Sa mahalagang panahong ito ng buhay, kayo ay mahaharap sa maraming pagpili. Ang mga desisyong gagawin ninyo ay makakaapekto nang malaki sa inyong buhay ngayon at sa kawalang-hanggan. Gawin ito nang matalino at may panalangin.

Paggawa ng mga Desisyon Batay sa mga Walang-Hanggang Katotohanan

May dalawang paraan sa paggawa ng mga desisyon sa buhay: (1) mga desisyong batay sa kalagayan at (2) mga desisyong batay sa walang-hanggang katotohanan. Si Satanas ay nang-uudyok na gawin ang mga pagpili ayon sa mga kalagayan: Ano ang ginagawa ng iba? Ano ang tila katanggap-tanggap sa lipunan o pulitika? Ano ang magbibigay ng pinakamabilis at pinakamagandang tugon? Ang paraang iyan ay nagbibigay kay Lucifer ng napakalaking pagkakataong tuksuhin ang isang tao na gumawa ng mga desisyon na makapipinsala at makasisira kahit tila kasiya-siya ang mga ito noong gawin ang desisyon.

Sa paraaang ito walang pinagbabatayang mga pinahahalagahan o pamantayan na palagiang gagabay sa mga desisyon. Bawat desisyon ay ginagawa batay sa kung ano ang tila pinakamagandang piliin sa sandaling iyon. Hindi makaaasa sa tulong ng Panginoon ang isang taong pumipili sa landas na ito kundi naiiwan siya sa kanyang sariling lakas at sa lakas ng iba na gustong tumulong. Nakalulungkot na karamihan sa mga anak ng Diyos ay nagdedesisyon sa ganitong paraan. Iyan ang dahilan kung bakit magulo ang mundo.

Ang paraan ng Panginoon ay makagawa ang Kanyang mga anak ng mga desisyon batay sa walang-hanggang katotohanan. Kailangan dito na patuloy na nakasentro ang inyong buhay sa mga utos ng Diyos. Kaya nga, ang mga desisyon ay ginagawa ayon sa hindi nagbabagong mga katotohanan sa tulong ng pagdarasal at patnubay ng Espiritu Santo. Bukod pa sa sarili ninyong lakas at kakayahan, matatamasa ninyo ang banal na inspirasyon at kapangyarihan kapag kailangan. Malinaw ninyong makikita ang inyong gagawin at pagpapalain nito ang buhay ng lahat ng taong maiimpluwensyahan ninyo. Magkakaroon kayo ng makabuluhang buhay na may layunin, kapayapaan, at kaligayahan.

Walang garantiya na ang buhay ay magiging madali para sa sinuman. Umuunlad tayo at mas mabilis na natututo sa pagharap at pagdaig sa mga hamon. Narito kayo para patunayan ang inyong sarili, umunlad, at manaig. Magkakaroon palagi ng mga hamon upang makapag-isip kayo, makagawa ng mga wastong pagpapasiya, at makakilos nang matwid. Uunlad kayo mula sa mga ito. Gayunman, may ilang hamon na hindi ninyo kailangang maranasan kailanman. Ito yaong mga nauugnay sa mabibigat na kasalanan. Kapag patuloy ninyong iniwasan ang gayong trahedya, ang inyong buhay ay magiging mas simple at masaya. Makikita ninyo ang iba sa paligid ninyo na hindi gumagawa ng ganoong pasiya, na gumagawa ng mga bagay na mali at masama at nagdudulot ng kalungkutan. Magpasalamat sa inyong Ama sa Langit na iba ang takbo ng inyong buhay at natulungan kayong gumawa ng mga pasiya sa paggabay ng Espiritu Santo. Ang pahiwatig na iyan ang magpapanatili sa inyo sa tamang landas.

Itinuturo sa atin ng ebanghelyo na gumawa ng mga desisyon batay sa walang-hanggang katotohanan. Huwag sanang tulutan ang inyong sarili na gumawa ng eksepsyon sa huwaran ng buhay na iyon upang magtamo ng pansamantala at tila kaakit-akit na pagkakataon o makibahagi sa isang bagay na alam ninyong hindi karapat-dapat. Nakita ko ang maraming bata pang mag-asawa at mga indibiduwal na nakakagawa ng malalaking pagkakamali sa buhay dahil mali ang sinusunod nila. Sila ay nalalayo sa tunay na mga alituntunin dahil natukso silang magkompromiso nang kaunti upang magkaroon ng impluwensya, katayuan, o maging katanggap-tanggap. Binibigyan nila ng dahilan ang mga paglihis na iyon, at nangangatwiran na kalaunan ay mas malaking kabutihan ang maisasakatuparan. Sa huli, ang gayong uri ng pamumuhay ang magdadala sa inyo sa lugar na talagang hindi ninyo gustong puntahan.

Ipagpatuloy ang Inyong Determinasyon

Paano ninyo ipagpapatuloy ang inyong determinasyong mamuhay nang karapat-dapat? Paano ninyo matitiyak na ang determinasyon sa puso ninyo ay hindi iguguho ng mga impluwensya sa paligid ninyo? Kung kayo ay pinalad na makapag-asawa, magalak sa pagsasama ninyo ng inyong asawa at mga anak. Huwag na huwag kayong maglilihim sa isa’t isa. Iyan ang magbibigay-katiyakan sa patuloy na kabutihan at kaligayahan. Magkasamang pagpasiyahan ang mga bagay-bagay.

Panatilihing nag-aalab ang liwanag ng ebanghelyo sa inyong tahanan sa pamamagitan ng pag-aaral ng banal na kasulatan, panalangin, at ng iba pang mga bagay na alam ninyong gawin. Igalang at ipamuhay ang mga tipan sa templo kapag natanggap na ninyo ang mga ito. Laging basahin at pag-aralan ang mga inihayag na salita ng Diyos. Mahigpit na kumapit sa Kanyang salita. Panatilihing banal ang araw ng Sabbath. Sa madaling salita, patuloy na gawin ang batid ninyong nararapat gawin. Saanman kayo magtungo, manatiling nakaugnay nang mahigpit sa Simbahan at laging maglingkod dito. Habang wala pa kayong asawa, sundin ang mga alituntuning ito kapag naaangkop.

Bilang katangi-tanging anak ng Diyos, kayo ay kailangang-kailangan. May agarang pangangailangan sa mas marami pang kalalakihan at kababaihang tulad ninyo na maninindigan sa mga alituntunin laban sa lumalaking impluwensya na ikompromiso ang mga alituntuning iyon. Kailangan ang kalalakihan at kababaihan na kikilos nang marangal at buong tapang para sa sinabi ng Panginoon na tama—hindi para sa kung ano ang tama sa pulitika o tanggap ng lipunan. Kailangan natin ang mga tao na may espirituwal at mabuting impluwensya na hihikayat sa iba na mamuhay nang marangal. Kailangan natin ng mga mambabatas na may integridad, mga negosyanteng tapat at malinis ang moralidad, mga abugadong magtatanggol sa katarungan at sistema ng hustisya, at mga opisyal ng gobyerno na mangangalaga sa prinsipyo dahil ito ay tama. Higit sa lahat, kailangan natin ang mga ama at ina na magpapanatili sa kasagraduhan at kaligtasan ng tahanan at integridad ng pamilya kung saan itinuturo ang pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Kanyang mga utos bilang pundasyon ng makabuluhang buhay.

Maaari kayong maging mahalagang bahagi ng maningning na liwanag na iyon, ng mabuting impluwensyang iyon para mapataas ang moralidad ng inyong bansa at ng mga tahanan nito. Marami sa inyong mga kaibigan ang nabubuhay para sa pansamantalang kasiyahan lamang. Hindi nila nauunawaan ang pangangailangan sa mga alituntunin, walang-hanggang batas, at katotohanan. Pinalaki sila sa isang kapaligiran kung saan ang mga desisyon ay ibinatay sa kalagayan ngayon o sa mga pagkakataon bukas para makinabang. Ipakita sa kanila ang mas magandang buhay—ang mas mainam na paraan. May ilang bagay na mali dahil ipinahayag ng Diyos na mali ang mga ito. Ang katotohanan ay hindi pinagpapasiyahan ayon sa iniisip ng mga tao, gaano man kalaki ang impluwensya nila. Ang katotohanan ay pinagpasiyahan ng Makapangyarihang Diyos bago pa ang Paglikha ng daigdig na ito. Ang katotohanan ay hindi magbabago magpakailanman.

Ah, maaaring may panandaliang kaligayahan dahil sa kapangyarihan, impluwensya, o materyal na kayamanan, ngunit ang tunay at walang-hanggang kaligayahan, na nadarama sa madaling-araw kapag kayo ay tunay na tapat sa inyong sarili, ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo ng Diyos. Kailangang kayo ay tapat, may integridad, malinis ang puri, banal, at handang talikuran ang isang bagay na kaakit-akit—kahit tila kanais-nais ito sa sandaling iyon—para sa higit na kabutihan sa hinaharap. Ang tinutukoy ko ay ang ating kahandaang isakripisyo ang lahat kung kinakailangan upang sundin ang tunay na mga alituntunin.

Tagumpay sa Pagsunod sa Plano

Gusto kong imungkahi ang 10 partikular na bagay na tutulong sa inyo na magtagumpay sa planong nais ng Panginoon na sundin ninyo sa inyong buhay.

Una, bumuo ng isang set ng mga alituntunin na gagabay sa lahat ng aspeto ng inyong buhay—sa inyong tahanan, sa inyong paglilingkod sa Simbahan, sa inyong propesyon, sa inyong komunidad. Sinisikap ng maraming tao na paghiwa-hiwalayin ang iba’t ibang aspeto ng kanilang buhay at magkaroon ng pamantayan para sa Simbahan at ibang pamantayan para sa ginagawa nila sa negosyo at sa iba pang mga aspeto ng kanilang buhay. Pinapayuhan ko kayo na huwag ninyong gawin iyan. Talagang iisa lang ang set ng mga pamantayan na may kabuluhan. Iyon ay ang mga turo ni Jesucristo, na nagsasabi sa atin ng kahalagahan ng pananampalataya, paglilingkod, pagsunod, at integridad.

Ikalawa, huwag gumawa ng mga eksepsyon sa inyong mga pamantayan. Huwag ikompromiso ang mga ito kailanman. Ang isa sa mga paraan na pinoprotektahan tayo ng Panginoon ay sa pagpatnubay sa ating buhay. Ang isa sa mga paraan na sinusubukan tayong wasakin ni Satanas ay sa tusong paglalayo sa atin mula sa alam nating napakahalaga sa ating buhay. Matagal akong nanirahan sa Washington, D.C., at naaalala ko na paminsan-minsang nagpupunta sa lungsod na iyon ang mga taong nahalal [bilang] mga kinatawan ng pamahalaan na mga miyembro ng Simbahan. Ginamit ng ilan sa kanila ang mga turo ng Tagapagligtas sa buong propesyon nila at naging dakilang mga lingkod. Ang iba sa simula pa lang ng kanilang propesyon ay nagsimulang mangatwirang, “Kung mas kakaibiganin namin ang iba at mas mauunawaan nila tayo, tatanggap kami ng mga katungkulan kung saan higit kaming makapaglilingkod.” Nagsimula silang gumawa ng maliliit na eksepsyon sa mga pamantayan na alam nilang dapat gumabay sa kanilang buhay. Iilan nga lang ang nakakaalala sa kanila. Natalo sila dahil gumawa sila ng mga eksepsyon sa mga pamantayan. Huwag gawin ang pagkakamaling iyan.

Maging tapat sa mga turong natanggap ninyo mula sa inyong mga magulang at lider ng Simbahan. Ito ang mga bagay na pinakamahalaga. Kung ihahalo ninyo ang inyong pormal na edukasyon sa nalalaman ninyo tungkol sa mga turo ng Panginoon at sa mga halimbawa ng mga taong karapat-dapat na mga huwaran ninyo, magkakaroon kayo ng matibay na pundasyon. Marami kayong magagawa at gagawin ninyo ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iba.

Ikatlo, maging tapat. Maging tapat sa inyong mga magulang at mahal sa buhay. Higit sa lahat, maging tapat kay Jesucristo, na Tagapagligtas. Dumarating ang tagumpay kapag naaayon sa mga turo ng Panginoon ang inyong mga ginagawa. Kapag naghanap kayo ng trabaho, hanapin ang trabahong may hamon sa inyo, na maglalagay sa inyo sa mas mataas na antas ng paggawa. Maaaring mas mahirap, ngunit kayo ay uunlad, huhusay, at mag-aambag ng higit na kabutihan. Talagang wala pa kayong ideya kung sino kayo at kung ano ang magagawa ninyo sa buhay. Higit na malaki ang inyong potensyal kaysa naiisip ninyo ngayon.

Ikaapat, mamuhay sa paraan na magagabayan kayo ng Panginoon kung saan Niya kayo nais ilagay at maglingkod. Magagawa Niya iyan kung ipamumuhay ninyo nang marapat ang Kanyang mga utos at sisikapin ninyo tuwina na sundin ang Kanyang mga turo.

Ikalima, maglingkod sa iba. Ang pagbabahagi ng nalalaman ninyo sa iba ay magpapaligaya sa inyo at magpapala sa kanilang buhay.

Ikaanim, ngumiti. Hindi ko sinasabi na kailangan kayong magbiro araw-araw, ngunit ang paminsan-minsang magandang biro ay pumapawi sa tensyon. Hindi naman masama ang buhay. Hindi magtatagal malalaman ninyo na lahat ay may problema at walang gustong makinig sa problema ninyo. Isantabi ang mga bagay na iyon at ngumiti. Maging masayahin, gaya ng mga propeta. Sana’y masabi ko sa inyo ang ilan sa mga bagay na pinag-uusapan namin. Hindi mga bagay na walang kabuluhan, hindi mga bagay na hindi angkop—pampatawa lang. Sasabihin ko sa inyo ang isang sikreto kung paano gumising sa umaga nang may ngiti sa inyong mga labi anuman ang nadarama ninyo: matulog na may hanger sa bibig ninyo. Tandaan, ang pagiging masayahin ay malaking tulong sa inyo.

Ikapito, huwag magreklamo. Hindi laging patas ang buhay. Totoo iyan. Ngunit palagi itong puno ng magagandang pagkakataon kung alam ninyo kung paano hanapin ang mga ito. Naaalala ko noong minsan na nagtrabaho ako nang husto sa abot ng makakaya ko. Nagkataon na nagtatrabaho ako noon para sa isang tao na kinuha ang lahat ng ideya at mungkahi at trabahong ginawa ko at ipinasa ang mga ito sa boss niya na parang kanya ang mga mungkahing iyon. Matagal-tagal din akong nainis dahil doon. Habang pinag-iisipan ko ito, may naisip ako, at ipinasiya ko na magmula noon ay isusulat ko sa kanya ang lahat ng aking ginagawa o sinisikap gawin, at padadalhan ko ng kopya ang boss niya. Hindi niya nagustuhan iyon, pero maganda ang kinalabasan.

Ikawalo, laging magkaroon ng tungkulin sa Simbahan. Hindi ko sinasabi na dapat kayong humiling ng partikular na tungkulin, kundi saanman kayo mapunta sa mundo, saanman kayo dalhin ng Panginoon, laging ialok ang inyong paglilingkod sa presiding authority. Hayaang ang awtoridad na iyon ang magpasiya kung saan at paano kayo maglilingkod. Alamin ang mga bagay ng Diyos at ang mga paraan para makapaglingkod sa Kanya.

Ang pinakamahalaga ay ang huling dalawa.

Ikasiyam, magpunta sa templo. Magdala ng current temple recommend. Maaaring may ilang tao na gusto pang hintaying mabuklod sila sa asawa nila bago pumasok sa templo para sa kanilang endowment. Ngunit halos lahat ay maaaring kumuha at magkaroon ng temple recommend. Pananatilihin nito ang inyong espirituwalidad, ipapaalala nito ang pinakamahahalagang bagay sa buhay, at hihikayatin kayo nitong magbigay ng malaking paglilingkod sa iba.

Ikasampu, gawing halimbawa ang Tagapagligtas na si Jesucristo sa inyong buhay. Gamitin ang Kanyang mga turo bilang gabay ninyo sa buhay. Huwag gumawa ng mga eksepsyon sa mga ito.

Mapanalangin ba ninyong pag-iisipan ang mga bagay na napag-usapan natin? Maraming handang sumunod sa inyong mabuting halimbawa. Dahil kayo ay naliwanagan, dapat lang na bigyan ninyo ng pinakamagandang halimbawang kaya ninyong ibigay ang mga taong sumusunod sa inyo. Hindi lamang sila pagpapalain, kundi pagyayamanin din ang inyong buhay. Alamin ang malaking impluwensya sa kabutihan na dumadaloy mula sa bawat gawaing bunga ng budhi at prinsipyo na nakabatay sa katotohanan. Magpasiya na sa bawat sandali ng inyong buhay ay mabanaag ang inyong determinasyon na mapagpakumbabang maging halimbawa ng kabutihan, integridad, at pananalig. Sa gayong buhay tiyak na magtatagumpay kayo sa layunin ng pagparito ninyo sa lupa.

Gawin ang Tama

Sinimulan ko ang mensaheng ito na isinasaad na napatunayan ko sa sarili kong buhay ang katotohanan ng mga alituntuning ibinahagi. May mga pagkakataon na ang pasiya kong panindigan ang alituntunin laban sa malalakas na puwersa ay nagsaad na malaki ang mawawala sa akin kapag ginawa ko ang gayong hakbang. Ngunit hindi iyon nakahadlang sa akin. Determinado akong gawin ang tama. Gayunman, ang inaasahan kong mawala ay hindi dumating. Kahit paano, ang paggawa ng tama ay nagbukas ng mas malaki at mas makabuluhang mga oportunidad. Pinatototohanan ko na hindi kayo kailanman magkakamali kapag nagtiwala kayo sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako, gaano man kahirap ang pagsubok.

Maaari ba akong magbahagi ng isang karanasan sa inyo? Naglingkod ako sa US Navy kasama si Admiral Hyman G. Rickover, isang taong napakahigpit. Nang tawagin akong maging mission president, tinangka niyang pigilan ako sa pag-alis. Nang sabihin ko na isang propeta ng Diyos ang tumawag sa akin, sabi niya, “Kung ganyan ang mga Mormon, ayaw ko nang magtrabaho ang sinuman sa kanila sa aking programa.” Alam ko na maraming pamilya sa Idaho, USA, ang nakadepende sa trabaho sa programang iyon, at nag-alala ako tungkol dito.

Habang nagdarasal ako, pumasok sa isipan ko ang isang awitin: “Tama’y gawin, ang bunga’y makikita” (“Gawin ang Tama,” Mga Himno, blg. 144). Ginawa ko iyon. Hindi ko makita kung paano maaayos ang ilan sa mga hamong nakaharap namin sa paraan na inasahan kong gagawin ng taong papalit sa akin, gayunpaman “tama’y gawin, ang bunga’y makikita.” Naging maayos naman ang lahat.

Nang malaman ni Admiral Rickover na aalis ako papuntang misyon, sinabi niyang ayaw na niya akong makita at makausap na muli kailanman. Sa huling araw ng pagtatrabaho ko sa kanya, humingi ako ng appointment. Kinabahan ang secretary, na inaasahang may mangyayaring matinding pagtatalo.

Pumasok ako, at sabi niya, “Scott, maupo ka. May sasabihin ka ba sa akin? Ginawa ko na ang lahat para mabago ang desisyon mo. Ano ba talaga ang sasabihin mo?”

Inabutan ko siya ng kopya ng Aklat ni Mormon at sinabing, “Admiral, naniniwala ako sa Diyos. At naniniwala ako na kapag ginawa natin ang lahat, tutulungan Niya tayo.”

Pagkatapos ay may sinabi si Admiral Rickover na hindi ko kailanman inasahang marinig. Sabi niya, “Kapag natapos mo ang misyon mo, gusto kong bumalik ka at magtrabaho sa akin.”

“Tama’y gawin; ang bunga’y makikita.”

Nawa’y palakasin ng Panginoon ang inyong determinasyon, ang inyong pananampalataya, at ang bumubuti ninyong pagkatao upang maaari kayong maging kasangkapan ng kabutihan na gusto Niyang kahinatnan ninyo. Pinatototohanan ko na Siya ay buhay. Kapag marapat ninyong hiningi ang Kanyang tulong, gagabayan Niya kayo sa inyong buhay. Pinatototohanan ko iyan nang buo kong lakas. Si Jesucristo ay buhay. Ginagabayan Niya ang Kanyang gawain sa lupa.

Bilang mga Apostol ng Panginoong Jesucristo, may mga karanasan kami na napakasagrado na nagtutulot sa amin na patotohanan ang Kanyang pangalan at Kanyang kapangyarihan. Ginagawa ko iyan nang may malalim na pananalig. Mahal kayo ni Jesucristo. Gagabayan Niya kayo sa inyong buhay. Sa panahon ng malaking hamon, kapag naguguluhan kayo sa pagdedesisyon, lumuhod at humiling sa inyong Ama sa Langit na pagpalain kayo at hayaang ang inyong pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala ang maging bato at pundasyon ng inyong matagumpay na buhay.