2014
Pangangalaga sa Ating Bagong Buhay
Pebrero 2014


Pangangalaga sa Ating Bagong Buhay

Si Ryan Abraham ay nabinyagan sa Simbahan sa edad na 14 habang naninirahan sa bulubunduking lungsod malapit sa baybayin ng Cape Town, South Africa. “Ang pagsapi sa Simbahan ay malaking pagpapala—nakatulong ito sa akin bilang isang tinedyer na magplano sa mga taong iyon,” paliwanag niya. “Ngunit nang sumapi ako sa Simbahan, nalaman ko na hindi mo lang binabago ang pinupuntahan mong simbahan; binabago mo rin ang buhay mo.”

Ang paglalakbay ni Ryan ay parang paglalakbay ng iba pang mga sumapi: naniwala siya sa katotohanan ng ebanghelyo ngunit naharap sa mahirap na pagbabago ng kultura na may mga bagong inaasahan. “Kung minsan nagtatanong ako, ‘Kaya ko ba talagang gawin ito?’” sabi ni Ryan. “Pero kapag ipinamuhay natin ang ating nalalaman, darating ang higit na kaalaman at kalakasan. Babaguhin ng Panginoon ang hindi natin kakayaning baguhin sa ating sarili.”

Ang artikulong ito ay tinipong mga patotoo at karanasan ng mga nabinyagan. Sana’y makita ninyo sa pitong paksang ito ang panghihikayat na kailangan ninyo para manatiling aktibo sa Simbahan at mapangalagaan ang inyong bagong pananampalataya hanggang sa ito ay “magkaugat, nang iyon ay lumaki, at magbigay ng bunga” (Alma 32:37).

Pagdaig sa mga Pagsubok

Kapag ipinamuhay natin ang liwanag ng ipinanumbalik na ebanghelyo, matitiis natin ang kaguluhan sa ating buhay at muli nating makakapiling ang Diyos. Hinihintay ng ating Ama sa Langit na masabi sa atin, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin” (Mateo 25:21). Iyan ang Kanyang pangako, at talagang tutuparin Niya ito kung gagawin natin ang ating bahagi.

Elson Carlos Ferreira, nabinyagan sa Brazil noong 1982

Tuwing madarama ninyo na parang kayo lang ang may mga paghihirap, tumigil kayo sandali at pag-isipan kung ano ang ginawa ni Cristo para sa inyo at kung paano Siya nagdusa para sa inyo. Lagi Siyang naririyan para tulungan tayong malaman kung sino tayo at ano ang dapat nating kahinatnan. Mas kilala Niya tayo kaysa kilala natin ang ating sarili.

Elena Hunt, nabinyagan sa Arizona, USA, noong 2008

Pagsisikap na Magawa ang Mahahalagang Bagay

Wala pa akong nagagawang anumang di-pangkaraniwan para manatiling tapat sa Simbahan. Hindi pa ako nakapaglakad nang 50 milya (80 km) para makarating sa sacrament meeting o naitapon sa nagniningas na hurno. Ngunit ang palagiang paggawa ng mga simpleng bagay—pagdalo sa mga miting ng Simbahan, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pagtupad sa mga tungkulin—ay nakatulong sa akin na mapalago ang aking patotoo (tingnan sa Alma 37:6–7).

Alcenir de Souza, nabinyagan sa Brazil noong 1991

Nang una akong sumapi sa Simbahan sa edad na 19, tuwang-tuwa ako tungkol sa ebanghelyo, at ang pagbabasa ng aking mga banal na kasulatan araw-araw ay isang nakamamanghang pakikipagsapalaran.

Gayunman, pagkaraan ng ilang taon ng pagiging miyembro sa Simbahan, napagod ako sa pisikal at espirituwal. Pinilit kong makapagsimba tuwing Linggo, na halos walang natututuhan sa mga miting at sabik na makauwi para makaidlip ako sa araw ng Linggo.

Ang pakikipag-usap ko sa isang kaibigan ay nagbigay ng kaunting liwanag sa aking sitwasyon. Sinuri ko ang mga ginagawa ko na pang-espirituwal, at natanto ko na ang aking mga dalangin ay hindi na taos-puso, at ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan tuwing umaga ay isang gawain na lang—hindi isang kasiyahan. Natanto ko na kailangan kong dagdagan ng kaunting espirituwal na pangangalaga at pamumuhay ang araw-araw kong buhay.

Sinimulan kong magdasal tuwing umaga bago magbasa ng mga banal na kasulatan, na partikular na hinihiling na gabayan at patnubayan ako sa aking pag-aaral. Nagtatrabaho ako nang part-time at may 15-minuto akong pahinga sa umaga na ginamit ko sa pagbabasa ng ilang pahina ng Ensign—ang pagkain ng aking espiritu sa tanghali. Sa gabi nagbabasa ako ng mga aklat na nagbibigay-inspirasyon. Tuwing Linggo nagbabasa ako ng manwal na Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan.

Sa bawat gabi kapag nahiga na ako, payapa ako dahil napawi ko ang aking espirituwal na kagutuman sa buong maghapon. Dahil nagpasiya akong sundin ang isang espirituwal na pamumuhay araw-araw, naging mas mabuting tao ako at lumago ang aking patotoo.

Tess Hocking, nabinyagan sa California, USA, noong 1976

Pagpunta sa Templo

Mula nang malaman ko ang tungkol sa templo, ginusto ko talagang magpunta roon. Nalaman ko na ang templo ay isang lugar kung saan tayo maaaring magsagawa ng mga binyag para sa mga patay, mabuklod bilang pamilya, at gumawa ng mas matataas na tipan sa Ama sa Langit. Inihanda ko ang aking sarili at pinanatili kong karapat-dapat ang aking sarili para makapunta sa templo.

Yashinta Wulandari, nabinyagan sa Indonesia noong 2012

Matapos akong mabinyagan, nagplano kami ng nobyo kong si JP (na miyembro na ng Simbahan) na magpakasal, ngunit ipinagpaliban namin ang araw ng aming kasal dahil gusto kong magkaroon ng malaking pagdiriwang.

Noong Martes, Enero 12, 2010, pumasok kaming magkasintahan sa eskuwela para dumalo sa klase namin. Habang nakaupo ako sa harap ng computer ko at naghihintay na simulan ng propesor ang klase, nagsimulang yumanig ang gusali. Hindi ko tinangkang tumakbo palabas dahil nakakatakot ang pagyanig.

Tumayo ako sa isang sulok at pumikit, at nagdasal nang taimtim sa Ama sa Langit: “Bigyan po Ninyo ako ng pagkakataong makasal kay JP sa templo.”

Ilang sandali pa, tumigil ang pagyanig at tiningnan ko ang paligid. Wala akong makita dahil maalikabok. Hindi ko maalala kung paano ako nakalabas ng silid, pero kalaunan ay nakita kong nasa labas na ako. May luha sa aking mga mata, sinimulan kong isigaw ang pangalan ni JP.

Di-nagtagal nakita ko ang kapatid na babae ni JP. “OK lang siya!” sigaw niya. “Tinutulungan niya ang ilang estudyanteng naipit sa ilalim ng mga guho.”

Hindi ako mas espesyal kaysa ibang hindi nakalabas, pero alam kong sinagot ng Ama sa Langit ang aking panalangin. Ikinasal kami ni JP sa templo noong Abril 6, 2010, mahigit isang taon lang matapos akong mabinyagan at halos tatlong buwan pagkaraan ng lindol. Payapa at masayang araw iyon na hinding-hindi ko malilimutan. Wala kaming malaking party, pero iyon ang pinakamagandang bagay para sa akin.

Marie Marjorie Labbe, nabinyagan sa Haiti noong 2009

Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Bilang bagong miyembro ng Simbahan, gustung-gusto ko ang gawaing misyonero. Lahat ay maaaring maging missionary. Tuwing ibabahagi ninyo ang ebanghelyo sa isang tao, binabago nito ang kanyang buhay, pero pinalalakas din nito ang inyong patotoo. Nakikita ng mga tao ang liwanag sa inyong mga mata, at nanaisin nilang malaman kung bakit napakasaya ninyo. Ang paggawa ng gawaing misyonero ay hindi lamang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na malaman ang tungkol sa Simbahan kundi tumutulong din sa kanila na madama ang Espiritu at magkaroon ng sariling espirituwal na karanasan.

Elena Hunt, nabinyagan sa Arizona, USA, noong 2008

Gustung-gusto ko ang gawaing misyonero! Tatlong buwan matapos akong mabinyagan, nagpunta ako sa Martinique para makasama ang aking pamilya sa bakasyon sa tag-init. Kinausap ko ang kapatid ko araw-araw tungkol sa Aklat ni Mormon at sa ebanghelyo.

Inanyayahan ko siyang magsimba sa unang Linggo, pero tumanggi siya. Sa ikalawang Linggo, sinundan niya ako sa simbahan. Sa pagtatapos ng mga miting, halos hindi siya kinakitaan ng interes, na para bang wala siyang naranasang anumang espesyal sa tatlong oras na iyon.

Kahit kinausap ko pa rin siya tungkol sa ebanghelyo nang sumunod na linggo, hindi ko siya inanyayahang magsimba sa pagkakataong iyon. Isang himala ang nangyari noong Sabado ng gabi: habang namamalantsa ako ng isusuot kong damit-pangsimba kinabukasan, napansin ko na gayon din ang ginagawa niya.

“Ano ang ginagawa mo?” tanong ko.

Sagot niya, “Sasama ako sa iyong magsimba bukas.”

“Hindi kita pinipilit na sumama,” sabi ko.

Pero sumagot siya, “Gusto kong sumama.”

Patuloy siyang nagsimba tuwing Linggo pagkaraan niyon.

Nang makabalik na ako sa katimugang France, kung saan ako nag-aaral, sinabi sa akin ng kapatid ko sa telepono na bibinyagan na siya. Sinabi ko sa kanya na gusto kong naroon ako sa kanyang binyag pero ang pinakamahalaga ay na aktibo pa rin siya sa Simbahan pagbalik ko sa Martinique.

Isang taon pagkaraan, bumisita akong muli. Sa sacrament meeting, matibay na pinatotohanan ng kapatid ko ang katotohanan ng ebanghelyo. Napapaluha ako tuwing maiisip ko na ang kapatid ko, na kabahagi ko sa pinakamagagandang sandali ng buhay ko, ay makakabahagi ko rin sa ebanghelyo ng ating Panginoon (tingnan sa Alma 26:11–16).

Ludovic Christophe Occolier, nabinyagan sa France noong 2004

Paggawa ng Gawain sa Family History

Nang maturuan ako ng mga missionary, ipinagdasal kong malaman kung totoo ang ebanghelyo. Nilapitan ako ng mahal kong lolo sa isang panaginip at pinatotohanan ang katotohanan nito. Sa puntong ito, naunawaan ko ang aking banal na obligasyon sa aking mga ninuno. Ganito ang sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Nang mabinyagan kayo, umaasang tiningnan kayo ng inyong mga ninuno mula sa daigdig ng mga espiritu. Marahil matapos ang daan-daang taon, nagalak silang makita ang isa sa kanilang mga inapo na nakipagtipang hahanapin sila at palalayain sila. … Nakabigkis ang kanilang mga puso sa inyo. Nasa mga kamay ninyo ang kanilang pag-asa.”1

Steven E. Nabor, nabinyagan sa Utah, USA, noong 1979

Nalungkot kami ng asawa kong si Laura nang mamatay ang aming panganay na anak, ang aming apat-na-buwang anak na si Cynthia Marie, dahil sa mga kumplikasyon sa spina bifida. Ang trahedya ay naging dahilan upang kami, na nagdadalamhati at bata pang mga magulang, ay maghanap ng paraan para makasamang muli ang aming anak balang-araw. Hindi pa kami miyembro ng Simbahan noon.

Isang umaga ibinuhos ni Laura ang kanyang hinaing sa Ama sa Langit, na nagsusumamo, “Mahal na Ama, nais kong makasamang muli ang aking anak balang-araw, pero hindi ko alam kung paano. Ipakita po Ninyo sa akin kung paano.”

Sa sandaling iyon may kumatok sa pintuan namin. Binuksan iyon ni Laura na tumutulo pa rin ang luha sa kanyang mukha. Naroon at nakatayo ang dalawang missionary. Sa huli, kami ni Laura ay kapwa nagkaroon ng patotoo sa katotohanan ng Aklat ni Mormon at nabinyagan.

Gustong makatiyak ni Laura na nagkaroon ng pagkakataon ang lahat ng kapamilya namin na tanggapin ang ebanghelyo. Sa unang 15 taon matapos kaming mabinyagan, naghanda si Laura ng mga pangalan para sa templo, at magkasama naming dinala ang mga ito sa templo. Pagkaraan ng kaunting panahon lumala ang artritis ni Laura kaya dinala kong mag-isa ang mga pangalan sa templo.

Tatlong taon nang pumanaw si Laura matapos tiisin nang matagal ang artritis. Ang paghahanap ng paraan para makapiling ang aming anak ang nagpasimula sa aming gawain sa templo para sa libu-libong mahal naming mga ninuno. Dumanas kami ng maraming himala habang gumagawa ng pagsasaliksik sa family history at gawain sa templo (tingnan sa D at T 128:18, 22).

Norman Pierce, nabinyagan kasama si Laura Pierce sa Louisiana, USA, noong 1965

Pakikibahagi sa mga Miting ng Simbahan

Ang pagdarasal sa simbahan, pagbibigay ng opinyon sa mga aralin, at pagsasalita sa sacrament meeting ay magpapala kapwa sa inyo at sa mga nakikinig. Kapag nagsalita kayo sa pangalan ni Jesucristo, gumagawa ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ninyo. Hindi lamang nangungusap ang Ama sa langit sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at mga propeta at apostol kundi maging sa pamamagitan ninyo para sagutin ang mga tanong ng isang tao, palakasin ang isang tao sa kanyang mga kahinaan, o pawiin ang mga pagdududa ng isang tao.

Nang hilingin ng bishop na magpatotoo ako sa sacrament meeting matapos akong mabinyagan, nakadama ako ng takot at kakulangan. Hindi pa ako nakapagsalita sa harap ng isang kongregasyon.

“Talaga po bang kailangan ito?” tanong ko sa bishop.

“Oo!” sabi niya.

Sa sacrament meeting, pinatotohanan ko kung paano ako minamahal ng Ama sa Langit at paano Niya sinagot ang aking mga dalangin sa pagtulong sa akin na matagpuan ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Nang tumayo ako sa pulpito, damang-dama ko ang Banal na Espiritu. Nadama ko na mapalad akong maging miyembro ng totoong Simbahan ni Cristo. Puspos ng kaligayahan at kapayapaan ang puso ko. Ginawang magandang karanasan ng Ama sa langit ang takot ko sa pagsasalita.

Nang sumunod na buwan nagkaroon ako ng pagkakataong magsalita sa sacrament meeting. Muli akong nakadama ng takot—sino ako para turuan yaong mga mas maraming alam tungkol sa ebanghelyo? Ngunit ipinagdasal kong tulungan ako ng Banal na Espiritu na magsalita. Muli kong nadama na inantig ako ng Espiritu, at ipinahiwatig sa akin na nasiyahan ang Ama sa Langit na nagpabinyag ako at na pinatawad na ang aking mga kasalanan.

Alam ko mula sa aking mga karanasan na ako ay natatanging anak ng Diyos at mahal Niya ako. Ang pagsasalita sa sacrament meeting ay mahalagang pagkakataon para mapaglingkuran ko ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapatotoo na naipanumbalik na ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa lupa.

Pamella Sari, nabinyagan sa Indonesia noong 2012

Paglilingkod sa Simbahan

Ang tungkulin sa Simbahan ay nakatutulong sa inyo na matutuhan ang ebanghelyo at nagbibigay sa inyo ng responsibilidad na maghihikayat sa inyong magsimba at tutulungan kayong maglingkod sa iba, kahit nahihirapan kayo.

Su’e Tervola, nabinyagan sa Hawaii, USA, noong 2008

Ang visiting teaching at home teaching ay naglalaan ng mga pagkakataong madama at makita ang tunay na pagkahabag na tulad ng kay Cristo. Naglalaan ito ng mga karanasan sa pagpapakumbaba at pagmamahal na magpapabago sa inyo magpakailanman. Bilang mga anak ng Ama sa Langit, kailangan ang ating paglilingkod para mapalaganap ang kabaitan sa Kanyang buong ubasan.2

Cheryl Allen, nabinyagan sa Michigan, USA, noong 1980

Di-nagtagal matapos akong binyagan, tinawag ako ng branch president bilang Young Men president. Masayang makasama ang mga kabataan at tulungan silang matuto tungkol sa ebanghelyo. Habang nagtuturo ako, natututo ako. Ito ang una sa sunud-sunod na mga tungkuling natanggap ko. Sa bawat isa sa mga responsibilidad ko, nagalak ako at nasiyahan sa mga bagong hamon. Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Alalahanin na sinumang tinawag ng Panginoon ay binibigyan Niya ng kakayahan.”3 Kinailangan kong magtiwala at maniwala nang may pagpapakumbaba na magkakaroon ako ng kakayahan. At wala pa akong anim na buwan na miyembro, nagkaroon na ako ng malaking pagkakataong maging pamilyar sa mga programa sa Simbahan.

Germano Lopes, nabinyagan sa Brazil noong 2004

Mga Tala

  1. Henry B. Eyring, “Pusong Magkakabigkis,” Liahona, Mayo 2005, 80.

  2. Tingnan sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 121–145; Thomas S. Monson, “Home Teaching—a Divine Service,” Ensign, Nob. 1997, 46.

  3. Thomas S. Monson, “Duty Calls,” Ensign, Mayo 1996, 44.