Pagtuturo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan
Paglilingkod
Sa mga pahina 58–59 ng isyung ito ipinaliwanag ni Carol F. McConkie, unang tagapayo sa Young Women general presidency, na paglilingkod ang gawain ng ebanghelyo ni Jesucristo: “Kapag naglilingkod tayo sa iba, tayo ay gumagawa sa gawain ng kaligtasan. Tulad ng itinuro ni Haring Benjamin, ‘Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos’ (Mosias 2:17).” Ang mga mungkahi sa ibaba ay tutulong sa inyo na maituro sa mga kabataan at bata ang tungkol sa paglilingkod at ang tungkulin nito sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Kabataan
-
Ibinabahagi ng Mormon Messages for Youth video “Extraordinary Gift” (online sa lds.org/go/E24service) ang kuwento tungkol sa isang bulag na binata na ginamit ang kanyang mga talento para mapagpala ang iba. Maaari ninyong panoorin ng inyong pamilya ang video at pag-usapan ninyo ang pambihirang mga kaloob na naibigay sa bawat miyembro ng pamilya. Paano magagamit ang mga kaloob na ito sa paglilingkod sa kapwa?
-
Sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, mababasa natin, “Ilan sa pinakamahahalagang paglilingkod na maibibigay ninyo ay sa loob ng inyong sariling tahanan” (32). Talakayin sa inyong mga kabataan ang kahalagahan ng paglilingkod sa tahanan. Anong mga pagpapala ang dumarating kapag pinaglingkuran ng mga miyembro ng pamilya ang isa’t isa? Magplano ng isang paraan na makapagbibigay ng mas makabuluhang paglilingkod sa tahanan ang inyong mga kabataan.
-
“Kadalasan ay naipapahayag ang pinakamakabuluhang paglilingkod sa mga simple at araw-araw na pagpapakita ng kabaitan” (Para sa Lakas ng mga Kabataan, 32). Anyayahan ang inyong kabataan na gumawa ng isang aktibidad sa paglilingkod na binubuo ng “araw-araw na pagpapakita ng kabaitan.” Talakayin kung ano ang kaugnayan ng paglilingkod sa mga tipang ginagawa natin sa binyag (tingnan sa Mosias 18:8–10).
-
Isiping gawin ang general conference scavenger hunt sa family home evening kung saan gagamit ang mga miyembro ng pamilya ng mga clue para hanapin ang mga pahayag tungkol sa paglilingkod mula sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya. Ibahagi ang inyong nahanap at talakayin kung paano ninyo masusunod ang payo na ibinigay ng ating mga lider.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Anak
-
Ipaunawa sa inyong mga anak na may mga pagkakataong maglingkod sa lahat ng dako. Magpahanap sa mga miyembro ng pamilya ng mga paraan na makapaglilingkod sila sa araw-araw nilang mga gawain, at saka kayo magtipon at mag-usap tungkol sa inyong mga karanasan.
-
Magbahagi ng mga kuwento tungkol sa paglilingkod mula sa inyong family history, sa magasin ng Simbahan, o sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Basahin ang Mosias 2:17 at pag-usapan kung paano tayo makapaglilingkod sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa.
-
Magpadrowing sa inyong mga anak ng mga larawang nagpapakita kung paano sila naglilingkod sa iba. Itanong sa kanila kung ano ang magagawa nila para mapaglingkuran ang kanilang mga kapatid, kaibigan, guro, o magulang.