2014
Isa’t Kalahating Minuto sa Gitna ng Ulan
Pebrero 2014


Isa’t Kalahating Minuto sa Gitna ng Ulan

Jason Bosen, Utah, USA

Habang lumalaki, ako ang batang hindi mo na kailangang alalahanin pa. Aktibo ako sa Simbahan buong buhay ko. Naging pangulo ako ng mga priesthood quorum ko at ng mga klase ko sa seminary. Sumama ako sa lahat ng kumperensya ng mga kabataan, temple trip, aktibidad sa Scouting, at Mutwal. Mayroon din akong patotoo sa ebanghelyo. Subalit nang maging miyembro ako ng aking priests quorum, nahirapan ako, bagama’t walang nakaalam nito. Ako lang naman ang batang hindi mo na kailangang alalahanin pa.

Sa mga unang ilang linggo at buwang iyon sa korum ginawa ko ang lagi kong ginagawa noon: nagsimba ako, nagpunta sa mga aktibidad sa Mutwal, at Scouting. Gayunman, nahihirapan ang kalooban ko. Hindi ko nadama na bahagi ako ng grupo o na gusto akong makasama ng ibang mga binatilyo. Gustung-gusto kong madama na kabilang nila ako.

Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ako ng mga tanong at pagdududa kung gusto ko nga bang maging bahagi ng korum. Ngunit nanatili akong aktibo, tahimik na naninimdim at umaasam na maipadama sa akin ng isang bagay o isang tao na tanggap nila ako.

Katatapos lang naming kumpunihin ni Itay ang unang kotse ko, isang magandang 1967 Ford Mustang. Paminsan-minsa’y nagtanong si Brother Stay, ang aking Young Men president, tungkol dito. Akala ko nagtatanong siya dahil interesado siya sa luma at magarang kotse—hindi sa isang binatilyo.

Nagbago ang lahat ng ito isang maulang gabi pagkatapos ng Mutwal. Dahil malakas ang ulan, inihatid kaming lahat ni Brother Stay sa bahay mula sa simbahan, at ako ang huli niyang inihatid. Nang makita niya ang aking asul na Mustang sa daanan, muli siyang nagtanong tungkol dito. Niyaya ko siyang tingnan ang makinang kinumpuni ko nang maraming oras.

Kaunti lang ang alam ni Brother Stay tungkol sa mga kotse, at naghihintay na sa kanya ang kanyang asawa’t anak sa bahay nila. Pero naroon siya’t nakatayo sa dilim, sa gitna ng ulan, nakatingin sa makina ng sasakyan na halos hindi na makita. Sa sandaling iyon natanto ko na hindi niya ginagawa iyon para makakita ng luma at magarang kotse—ginagawa niya iyon dahil nagmamalasakit siya sa akin.

Dahil sa isa’t kalahating minutong iyon ng pagtayo sa gitna ng ulan, natagpuan ko ang kailangan ko. Sa wakas ay nadama kong tanggap nila ako. Nasagot ang taimtim kong mga dalangin.

Mula noon ay nakapasok na ako sa templo, nakapagmisyon, nakatapos sa kolehiyo, at nagsikap na tuparin ang aking mga tipan. Maaaring hindi na maalala ni Brother Stay ang sandaling iyon, pero hinding-hindi ko iyon malilimutan.

May mga paghihirap tayong lahat, ngunit lahat tayo ay makapag-uukol ng isa’t kalahating minuto pa araw-araw para magpakita ng pagmamahal sa isa sa mga anak ng Diyos. Maaaring ito ang makagawa ng kaibhan—maging sa taong akala natin ay hindi na natin kailangang alalahanin pa.