Para sa Lakas ng mga Kabataan
Tapat at Mapagmahal na Paglilingkod
Ang paglilingkod na katulad ni Cristo ay nag-aanyaya ng Espiritu Santo at nangangako ng kapayapaan.
Nasaksihan ko ang kagalakan sa dalisay at di-makasariling paglilingkod na ipinakita sa mga larawang ito ng isang batang lalaki na nagngangalang Elijah na ibinibigay ang kanyang kamiseta sa isang bagong kaibigang nakilala niya sa isang liblib na nayon ng Africa. Nakita ni Elijah ang agarang pangangailangan, at kumilos siya. Tulad ng batang si Elijah, may pagkakataon tayong paglingkuran ang iba sa maraming paraan. Maaaring hindi natin kailangang ibigay sa iba ang mga kamisetang suot natin, ngunit kung nakikinig tayo sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo, malalaman natin kung sino ang paglilingkuran at paano tutulungan ang mga nangangailangan.
“Ang paglilingkod ay kasingkahulugan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos,” at kumakatawan ito sa ating pagmamahal sa Panginoon.1 Itinuro ng Tagapagligtas, “Kung mahal ninyo ako kayo ay maglilingkod sa akin at susunod sa lahat ng aking kautusan” (D at T 42:29); “ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso, nang buo ninyong kapangyarihan, pag-iisip, at lakas; at sa pangalan ni Jesucristo paglingkuran ninyo siya” (D at T 59:5). Sa binyag nakipagtipan tayong maglilingkod tayo sa Diyos at susundin natin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa Mosias 18:10). Bilang mga disipulo ni Cristo, lagi tayong nagsisikap na makibahagi sa Kanyang gawain, at kasama riyan ang paglilingkod.
Paglilingkod: Pagkilos ayon sa Ebanghelyo
Ang paglilingkod ay pagkilos ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo, at kitang-kita ito sa isang kuwentong gustung-gusto ko tungkol kay Brigham Young. Nang malaman na daan-daang handcart pioneer ang hindi makaalis sa kapatagan dahil sa mahirap na sitwasyon, nagturo siya nang may kapangyarihan sa simpleng sermong ito sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1856: “Ibibigay ko na ngayon [sa] mga tao na ito [ang] paksa at mensahe para sa mga Elder na magsasalita. … Ang mensahe ay ito. … Marami sa ating mga lalaki at babae na may hila-hilang kariton ang nasa mga kapatagan, at marahil marami sa kanila ay mga 700 milya ang layo mula sa lugar na ito, at dapat na sila’y madala rito, kailangang magpadala tayo ng tulong sa kanila. Ang mensahe ay, ‘dalhin sila rito.’ …
“Iyan ang aking relihiyon; iyan ang pag-uudyok ng Espiritu Santo na sumaakin. Iyan ay ang iligtas ang mga tao. …
“Tinatawagan ko ang mga Obispo sa araw na ito. Hindi na ako maghihintay pa ng bukas, o ni sa susunod na araw, para sa 60 malalakas na [buriko] at 12 o 15 bagon. Ayokong magpadala ng mga kapong baka. Ang nais ko ay mahuhusay na kabayo at [buriko]. Mayroon tayo nito sa [T]eritoryong ito, at kailangang makakuha tayo ng mga ito. Idagdag pa ninyo ang 12 tonelada ng harina at 40 magagaling na tagapagpaandar ng mga bagon, maliban pa sa mga yaong magpapatakbo sa mga hayop. …
“Sasabihin ko sa inyo na ang lahat ng inyong pananampalataya, relihiyon, at pagpapahayag ng relihiyon, ay hindi kailanman makapagliligtas ng kahit isang kaluluwa sa inyo sa Kahariang Selestiyal ng ating Diyos, maliban kung isasagawa ninyo ang gayong mga alituntunin tulad ng itinuturo ko ngayon sa inyo. Humayo kayo at dalhin ang mga taong iyon na nasa mga kapatagan.”2
“Iligtas ang mga tao”—iyan ang utos. Kapag naglilingkod tayo sa iba, abala tayo sa gawain ng kaligtasan. Tulad ng itinuro ni Haring Benjamin, “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).
Mga Pagkakataon sa Buong Paligid
Hindi na natin kailangang lumayo para makahanap ng mga pagkakataong maglingkod. Itinuro ng ating buhay na propetang si Pangulong Thomas S. Monson: “Napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, ating paghikayat, ating suporta, pag-alo, kabaitan—sila man ay mga kapamilya, kaibigan, kakilala, o dayuhan. Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin.”3
Kailangan tayo ng ating Ama sa Langit upang mapaginhawa ang iba sa kanilang espirituwal at temporal na pangangailangan (tingnan sa Mosias 4:26). “Ang pinakamalaking paglilingkod na magagawa natin sa iba sa buhay na ito … ay ang ilapit sila kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsisisi.”4 Nagpapakita tayo ng halimbawa ng pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo. Ibinabahagi natin ang mensahe ng ebanghelyo ni Jesucristo. Gumagawa tayo ng family history at dinadala natin ang mga pangalan sa templo para ating mga ninuno. Kadalasan, maliit at mahabaging mga paglilingkod na tulad ng simpleng pagngiti, magiliw na pagbati, mainit na yakap, o maikling liham ng pasasalamat ang tanging kailangan para mapasigla ang puso at mapalakas ang kaluluwa. Sa ibang mga pagkakataon, maaaring kailanganin ang malaking sakripisyo ng panahon at lakas.
Ngunit sa bawat pagkakataon, ang tapat at mapagmahal na paglilingkod na katulad ni Cristo ay nag-aanyaya ng patnubay ng Espiritu Santo at nangangako sa bawat isa sa atin ng “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (D at T 59:23).