Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Mga Palatandaan
Inisip ko kung ilang beses ko isinantabi ang aking espirituwal na kaligtasan dahil nakatuon ako sa mga makamundong bagay.
Karaniwan ay sa highway ako dumadaan papuntang trabaho. Iyon ang pinakamabilis at pinakamadaling paraan para makarating doon. Sinisikap kong makaalis nang maaga para hindi ako abutan ng pagsikip ng daloy ng trapiko, kung kailan bumabagal ang takbo ng mga sasakyan at posibleng magkaroon ng mga aksidente.
Gayunman, isang umaga ay nahuli ako ng alis ng bahay at naabutan ako ng pagsikip ng trapiko. Nang makalabas ako sa highway, naisip ko ang pag-aaral ko ng banal na kasulatan nang umagang iyon. Naramdaman ko na masyado akong nakatuon sa mga makamundong bagay at hindi sapat ang pagtuon ko sa mga espirituwal na bagay. Habang nagmamaneho ako papasok sa trabaho, inisip ko kung paano ako mas makapagtutuon sa mga espirituwal na bagay sa buong maghapon.
Pagkatapos ay napansin ko ang isang mensahe sa isa sa malalaking electronic sign sa highway na nagbababala sa mga drayber tungkol sa mga aksidente o kundisyon ng daan. Nang malapit na ako, nabasa ko, “Banggaan sa Mesa Drive—hinarangan ang center lane.” Ayaw ko nang mahirapan pang umalis sa highway, kaya inisip ko kung gaano katagal ako maaaring manatili sa highway bago ko kailanganing lumabas.
Pagkatapos ay may isa pa akong naisip: kung hindi ko papansinin ang babala, ilalagay ko ba ang sarili ko sa panganib? Binabalewala ko ba ang babala dahil lang sa ayaw kong maabala ang iskedyul ko? Malinaw na gusto kong balewalain ang mga babala sa pisikal na kaligtasan ko; gaano kadalas ko ba isinantabi ang mga pahiwatig para sa espirituwal na kaligtasan ko?
Habang pinag-iisipan ko kung paano makinig nang mas mabuti sa Espiritu, natanto ko na marahil ay nagpapadala ng maraming mensahe sa akin ang Ama sa Langit sa buong maghapon. Inisip ko kung ilang beses ko napalampas ang Kanyang mga mensahe dahil hindi ako nakinig sa mga espirituwal na pahiwatig. Nangako ako na mas gawin ang nararapat.
Tiningnan ko ang daloy ng trapiko, lumipat ako ng lane, at lumabas ako sa sumunod na exit. Sa pagdaan sa tabing kalsada para makarating sa trabaho, naiwasan ko ang lahat ng peligro at panganib ng pananatili sa highway habang nililinis ang pinangyarihan ng aksidente.
Alam kong sapat ang pagmamahal sa akin ng Panginoon para padalhan ako ng Kanyang mga mensahe. Kailangan ko lang maging sensitibo sa mga espirituwal na pahiwatig na ipinadarama Niya sa akin.
Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.