2014
Magsalita, Makinig, at Magmahal
Pebrero 2014


Magsalita, Makinig, at Magmahal

Nag-uusap ba kayong mabuti ng inyong asawa? Ang pag-unawa sa tatlong uring ito ng pag-uusap ay matutulungan kayong mapatibay ang pagsasama ninyong mag-asawa.

Bilang marriage and family counselor, madalas kong kausapin ang mga mag-asawa upang tulungan silang ayusin o patatagin ang kanilang pagsasama. Sa isang pagkakataon, nakausap ko ang isang babae na ilang buwan pa lamang kasal sa kanyang asawa, at sinabi niya sa akin na malaki ang problema nila sa komunikasyon. Matapos kausapin ang lalaki, napansin ko na mahusay naman siyang makipag-usap—hindi nga lang sa kanyang asawa.

Natutuhan ko sa pagdaan ng mga taon na ang masaya at makabuluhang komunikasyon ay nakakaapekto kapwa sa puso at sa isipan. Kung makikipag-usap tayo nang mas mabuti—ibig sabihin ay nang mas malinaw at maikli ngunit makabuluhan—magkakaroon tayo ng mas malalim na ugnayan ng damdamin, malulutas ang mga pagtatalo, at tatatag ang pagsasama ng mag-asawa. Narito ang ilang paraan upang mapagbuti pa ng bawat isa sa atin ang komunikasyon sa ating pagsasama.

Magkaroon ng Makabuluhang Pag-uusap

Sumulat si Dr. Douglas E. Brinley, isang miyembro ng Simbahan na marriage and parenting specialist, tungkol sa tatlong lebel ng komunikasyon sa mga relasyon: mababaw, personal, at nagpapatibay. Para magkaroon ng malalim na ugnayan ang mag-asawa, kailangan ay balanse ang tatlong ito.1

Mababaw na Pag-uusap

Ang komunikasyong sakop ng mababaw na lebel ay nagpapabatid lang ng impormasyon at walang pagtatalo, at walang gaanong diskusyon. Bawat mag-asawa sa ilang pagkakataon ay nasa lebel na ito kapag pinag-uugma nila ang kanilang mga iskedyul, pinag-uusapan ang klima, o nagkokomento tungkol sa presyo ng gasolina. Bagama’t mahalaga ang ganitong uri ng komunikasyon, hindi magiging malalim ang ugnayan at pagsasama ng bawat isa kung iyon na lang palagi ang pag-uusapan nila.

Ang mababaw na komunikasyon ay maaaring mapalitan ng malalim at makabuluhang mga pag-uusap. Kung iiwasan ng mag-asawa ang mas mabibigat na isyung dapat talakayin, hindi sila kailanman matututong lumutas ng problema o magkakaunawaan. Nagkakalapit ang mag-asawa kapag pinag-usapan nila ang mga bagay na mahalaga—hindi ang mga bagay na hindi mahalaga. Bilang therapist, marami na akong nakitang mag-asawa na nagsikap na ingatan ang kanilang pagsasama sa pamamagitan ng pananatili sa mababaw na lebel ng komunikasyon. Sa pag-iwas sa “lalong mahalagang bagay” (Mateo 23:23), nasira lang nila ang kanilang pagsasama.

Personal na Pag-uusap

Sa personal na komunikasyon, ibinabahagi ninyo ang inyong mga interes, pangarap, pagnanais, paniniwala, at mithiin. Nasasabi rin ninyo ang inyong mga kinatatakutan at kakulangan. Ang pagsasabi ng lahat ng isyung ito sa paraan ni Cristo ay isang paraan para magkaunawaan ang mag-asawa at tumatag ang kanilang pagsasama. Itinuro ni Elder Marvin J. Ashton (1915–1994) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang komunikasyon ay higit pa sa pagpapalitan ng mga salita. Ito ay matalinong pagpapalitan ng mga emosyon, damdamin, at alalahanin. Ito ay lubusang pagbabahagi ng sarili.”2

Marahil ay narating na ninyo ang lebel na ito ng komunikasyon noong nagdedeyt kayo. Ito ang lebel na umiibig ang mga lalaki at babae sa isa’t isa. Kapag patuloy kayong nagbahaginan ng mahalaga, madarama ninyong mag-asawa na kapwa ninyo pinahahalagahan, minamahal, at kailangan ang isa’t isa. Kapag natutuhan ninyong pagtibayin ang ibinabahagi ng inyong asawa—na ipinapakita na mahalaga sa inyo ang sinasabi niya—hahantong kayo sa susunod na lebel ng komunikasyon.

Nagpapatibay

Ang mag-asawa ay may sagradong responsibilidad na mangalaga at magpanatag sa isa’t isa.3 Isinulat ng mga marriage expert na sina Sandra Blakeslee at Judith S. Wallerstein: “Ang pagsasama ng mag-asawa na hindi nangangalaga at nakapapanatag ay maaaring magwakas dahil sa kakulangan sa pangangalaga sa emosyon.”4 Ang komunikasyong nagpapatibay ay nagpapasigla, nagpapahilom, nangangalaga, at pumupuri. Sa lebel na ito ng komunikasyon, pinupuri at binabati natin ang mga taong mahal natin. Halos lahat ng relasyon ay tatagal kung patitibayin ito nang husto.

Ang pagpapatibay ay nagsisimula sa pagpansin sa sinasabi ng inyong asawa at kinabibilangan ng pagpapahayag ng mga ideya at kaisipang nagpapasigla at nagpapahilom. Tingnan ang mabuti sa inyong asawa at sabihin ito sa kanya. Kung hindi maganda ang araw ng inyong asawa, mapapatibay ninyo siya sa pamamagitan ng pakikinig at pag-alo sa kanya. Maaari ninyong sabihing, “Nalulungkot ako at hindi maganda ang araw mo; ikuwento mo naman sa akin ang nangyari” o “Ano ang magagawa ko para gumanda ang araw mo?” Marahil maaari mong sabihing, “Nauunawaan ko kung bakit hindi maganda ang araw mo, pero may tiwala ako sa iyong talino at ugali sa trabaho. Alam kong malulutas mo ang problemang iyan.” Ang ganitong mga pahayag ay nagpapakita na may simpatiya ka sa pagkabagabag ng iyong asawa at nagmamalasakit ka sa kanya. Sa pagsasabing nauunawaan ninyo ang mga damdamin, pangamba, alalahanin, o problema ng inyong asawa, nagpapatibay kayo at nagpapahayag ng pagpapahalaga, pagmamahal, at paggalang.5

Pag-aralang Makinig

Ang pinakamagandang kasanayan sa komunikasyon ay ang maging mabuting tagapakinig. Ang isa sa pinakamagandang pagpapakita ng pagmamahal sa asawa ay ang talagang magpako ng tingin sa inyong asawa at makinig sa kanya—talagang makinig—anuman ang nais nating sabihin. Ang mapakinggan ay katulad din ng madama na kayo ay minamahal; katunayan, ang mapakinggan ay isa sa pinakamataas na uri ng paggalang at pagpapatibay. Kapag nakinig tayo, para nating sinasabi sa ating asawa, “Mahalaga ka sa akin, mahal kita, at mahalaga ang sinasabi mo.”

Sa pagsasama ng mag-asawa ang mithiing makinig ay hindi dapat para kumuha ng impormasyon kundi para makaunawa. Para tunay na maunawaan ang inyong asawa tingnan ang isang isyu ayon sa pagkaunawa rito ng inyong asawa. Itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga mag-asawa ay dapat “matutong makinig, at makinig para matuto sa isa’t isa.”6 Ang epektibong pakikinig ay tinutulungan tayong isantabi ang ating sariling kalooban at kahambugan at makipag-ugnayan nang masinsinan sa ating asawa.

Ipinayo ni Elder Joe J. Christensen, dating miyembro ng Pitumpu: “Maglaan ng oras na makinig sa inyong asawa; at gawin ito nang regular. Kausapin ang isa’t isa at alamin kung mabuti kayong asawa.”7 Ang paglalaan ng oras na makapag-usap nang walang gambala ay makakatulong sa paglutas ng mga problema. Tiyaking maging positibo, kumilos na katulad ni Cristo, at iwasang sumabad kapag kinakausap kayo ng inyong asawa.

Mga Pahiwatig ng mga Kilos

Ang isa pang aspeto ng komunikasyon na hindi natin napapansin kung minsan ay ang komunikasyong ipinahihiwatig ng inyong mga kilos. Ang sinasabi ninyo at kung paano ninyo ito sinasabi ay mahalaga, ngunit gayundin ang ipinahihiwatig ng inyong mga kilos. Nakatingin ba kayo sa mata ng inyong asawa kapag kinakausap niya kayo? Nakikita ba sa inyong mga mata na naiinis kayo kapag ikinukuwento niya na hindi maganda ang araw niya sa trabaho? Makikita ba sa inyong mukha ang interes at katapatan, o pagkainip at pagkainis? Ipinadarama ba ninyo ang inyong pagmamahal sa pamamagitan ng inyong kilos at galaw? Kung minsan ang isang yakap o ngiti ay magpapadama ng inyong pagmamahal nang higit kaysa mga salita. Anuman ang pinag-uusapan—tungkol man ito sa pinakabagong mga balita o sa mga ambisyon ninyo sa buhay—ang positibong pahiwatig ng inyong kilos ay muling magpapatibay at magpapatatag sa inyong pagsasama.

Tularan ang Komunikasyong Gamit ng Tagapagligtas

Kapag makabuluhan ang mga pag-uusap ninyong mag-asawa, gabayan ang inyong mga kilos at pananalita sa pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo. Ang Kanyang komunikasyon sa iba ay nagpakita ng pagmamahal, pagmamalasakit, at pag-aalala. Nagsalita Siya nang mahinahon at nagmahal nang dalisay. Nagpakita Siya ng habag at nagpatawad. Nakinig Siyang mabuti at nagpakita ng pagmamahal sa kapwa. Gayon din naman, kung gusto nating gumanda ang ating mga relasyon, kailangan tayong matutong magsalita sa mabuting paraan na nagpapasigla at nagpapatatag sa mga tao sa ating paligid.

Kapag kausap ko ang mga mag-asawa, madalas kong hilingin sa kanila na suriin ang kanilang komunikasyon at pagandahin ito. Nang sundin nila ang mga alituntunin ng makabuluhang pag-uusap sa kanilang mga relasyon, nakita kong nagbago at gumanda ang kanilang pagsasama. Ang pag-unawa sa inyong asawa, paglikha ng kapaligirang naghihikayat ng malayang komunikasyon at pagpapahayag, at pagpapakita ng giliw at paghanga ang mga susi sa mas matatag at mas masayang pagsasama ng mag-asawa.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Douglas E. Brinley at Mark D. Ogletree, First Comes Love (2002), 123–26.

  2. Marvin J. Ashton, “Family Communications,” Ensign, Mayo 1976, 52.

  3. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  4. Sandra Blakeslee at Judith S. Wallerstein, The Good Marriage: How and Why Love Lasts (1995), 240.

  5. Douglas E. Brinley, Strengthening Your Marriage and Family (1994), 153–54.

  6. Russell M. Nelson, “Listen to Learn,” Ensign, Mayo 1991, 23.

  7. Joe J. Christensen, “Marriage and the Great Plan of Happiness,” Ensign, Mayo 1995, 64.

  8. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1999), 27–28.