2014
Paglingkuran ang Panginoon nang May Pagmamahal
Pebrero 2014


Mensahe ng Unang Panguluhan

Paglingkuran ang Panginoon nang May Pagmamahal

Pangulong Thomas S. Monson

Itinuro ng Panginoong Jesucristo, “Sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito: datapuwa’t sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon” (Lucas 9:24).

“Naniniwala ako,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “na sinasabi sa atin ng Tagapagligtas na maliban na kalimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa iba ay [kakatiting] lamang ang layunin ng ating buhay. Ang mga nabubuhay para sa sarili lamang nila ay nangunguluntoy at nawawalan ng buhay, samantalang ang mga lumilimot sa kanilang sarili sa paglilingkod sa iba ay umuunlad at nananagana—at tunay na naliligtas ang kanilang buhay.”1

Sa sumusunod na mga halaw mula sa paglilingkod ni Pangulong Monson, ipinaalala niya sa mga Banal sa mga Huling Araw na sila ay mga kamay ng Panginoon at na naghihintay ang mga pagpapala ng kawalang-hanggan sa mga taong tapat na naglilingkod sa kapwa.

Paglilingkod sa Templo

“Dakilang paglilingkod ang ibinibigay kapag nagsasagawa tayo ng mga ordenansa para sa mga namatay na. Maraming [pagkakataon] na hindi natin alam kung para kanino natin ginagawa ito. Hindi tayo naghihintay na pasalamatan, ni wala tayong katiyakan na tatanggapin nila ang iniaalok natin. Gayunman, naglilingkod tayo, at sa prosesong iyan nakakamtan natin ang bagay na di-makakamtan sa ibang paraan: tayo ay tunay na nagiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion. Kung paanong ibinigay ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay sa sakripisyong ginawa para sa atin, kahit paano ginagawa rin natin iyon kapag gumagawa tayo sa templo para sa mga walang magawa upang sumulong maliban na may gawin para sa kanila ang mga tao dito sa lupa.”2

Tayo ang mga Kamay ng Panginoon

“Mga kapatid, napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, ating paghikayat, ating suporta, pag-alo, kabaitan—sila man ay mga kapamilya, kaibigan, kakilala o dayuhan. Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin. …

“Ang paglilingkod kung saan tinawag tayong lahat ay ang paglilingkod ng Panginoong Jesucristo.”3

Paglilingkod na Katulad ng Tagapagligtas

“Sa Lupain ng Amerika, ipinahayag ng nabuhay-na-mag-uling Panginoon, ‘Alam ninyo ang mga bagay na kinakailangan ninyong gawin sa aking simbahan; sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin; sapagkat yaong nakita ninyong ginawa ko ay gayon din ang nararapat ninyong gawin’ [3 Nephi 27:21].

“Pinagpapala natin ang iba kapag naglingkod tayo nang katulad ni ‘Jesus na taga Nazaret … na naglilibot na gumagawa ng mabuti’ [Mga Gawa 10:38]. Nawa’y pagpalain tayo ng Diyos na magalak tayo sa paglilingkod sa ating Ama sa Langit habang naglilingkod tayo sa Kanyang mga anak sa daigdig.”4

Ang Pangangailangang Maglingkod

“Kailangan [tayong] mabigyan ng pagkakataong maglingkod. Para sa mga miyembrong hindi aktibo o nag-aatubili at ayaw magkompromiso, maaari tayong mapanalanging maghanap ng ilang paraan na matulungan sila. Ang paghiling sa kanila na maglingkod sa isang tungkulin ay maaaring ang mismong dahilan na kailangan nila upang maging lubos na aktibo. Ngunit yaong mga lider na maaaring tumulong sa ganitong paraan ay nag-aatubili kung minsan na gawin ito. Dapat nating isaisip na maaaring magbago ang mga tao. Maaari nilang talikuran ang kanilang masasamang bisyo. Maaari silang magsisi sa kanilang mga kasalanan. Maaari silang maging karapat-dapat na humawak ng priesthood. At maaari silang maglingkod sa Panginoon nang buong sigasig.”5

Ginagawa Ba Natin ang Lahat ng Nararapat?

“Kailangan ng daigdig ang ating tulong. Ginagawa ba natin ang lahat ng nararapat? Naaalala ba natin ang mga salita ni Pangulong John Taylor: ‘Kung hindi ninyo gagampanan ang inyong mga tungkulin, papanagutin kayo ng Diyos sa mga maaari sana ninyong nailigtas kung ginawa ninyo ang inyong tungkulin’? [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor (2001), 197]. May mga paa na dapat mapatatag, kamay na dapat abutin, isipan na dapat mahikayat, puso na dapat mapasigla, at mga kaluluwa na dapat mailigtas. Ang pagpapala ng kawalang-hanggan ay naghihintay sa inyo. Pribilehiyo ninyo na hindi maging tagapanood kundi maging kabahagi sa entablado ng paglilingkod.”6

Mga Tala

  1. “Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?” Liahona, Nob. 2009, 85.

  2. “Hanggang sa Muli Nating Pagkikita,” Liahona, Mayo 2009, 113–14.

  3. “Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?” 86, 87.

  4. “Ang Panawagan ng Tagapagligtas na Maglingkod,” Liahona, Ago. 2012, 5.

  5. “Tingnan ang Kapwa ayon sa Maaaring Kahinatnan Nila,” Liahona, Nob. 2012, 68.

  6. “Handa at Karapat-dapat na Maglingkod,” Liahona, Mayo 2012, 69.

  7. Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin: Mapagkukunang Gabay sa Pagtuturo ng Ebanghelyo (2000), 14

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

“Kung mayroon kayong pag-ibig na tulad ng kay Cristo, kayo ay mas nahahanda na ituro ang ebanghelyo. Kayo ay mabibigyang-inspirasyon na tulungan ang iba na makilala ang Tagapagligtas at tularan Siya.”7 Isiping ipagdasal na maragdagan ang inyong pag-ibig sa kapwa para sa mga binibisita ninyo. Kapag nagkaroon kayo ng pag-ibig na tulad ng kay Cristo para sa kanila, mas makapaglilingkod kayo sa makabuluhang mga paraan kapwa sa Panginoon at sa inyong mga tinuturuan.