Ang Ating Liwanag sa Kadiliman
Susan Wyman, Georgia, USA
Kailan lang ay nasunog ang bahay ng aming pamilya, at lahat kaming walo ay tumira sa isang mobile home na may tatlong silid sa harapan ng aming bakuran. Nagkaroon ng mga hamon at sigalutan ang aming pamilya.
Ang asawa ko ay hindi aktibo sa Simbahan noon. Ang dalawang binatilyo naming anak ay gumagawa ng mga pasiyang hahantong lamang sa kalungkutan. Kasabay nito, naglilingkod ako noon bilang Young Women president sa aming ward, at ang ilan sa mga dalagita ay nahihirapang labanan ang matitinding tukso. Ang ilan sa kanilang mga magulang ay may mga problema rin kaya hindi nila natutulungan ang mga anak nilang babae sa kritikal na panahong ito.
Alam kong kailangan ng mga dalagitang ito ang tulong ko upang makayanan nila ang mga pagsubok sa kanilang espirituwalidad. Alam kong kailangan ako ng anim na anak ko. Alam kong umasa sa lakas ko ang mabait kong asawa. Ngunit tila walang anuman sa aking paligid kundi pawang kadiliman, at nakadama ako ng kahungkagan, katamlayan, at kawalang kakayahan na akayin sa kaligtasan ang mga mahal ko sa buhay.
Isang hatinggabi habang inuugoy ko ang aming sanggol na anak sa katahimikan ng aming pansamantalang tahanan, naisip ko ang mga taong kailangan ako na maging malakas. Nadama ko ang laganap na kadiliman sa kanilang paligid. Sa aking dalamhati nagdasal ako nang buong puso na ipakita sa akin ng Ama sa Langit ang paraan para matulungan sila sa kabila ng aking mga kakulangan. Agad Siyang tumugon at ipinakita sa akin ang paraan.
Parang nakita ko ang sarili ko sa malaking cultural hall ng aming ward, na walang mga bintana. Hatinggabi na iyon, at walang mabanaag ni katiting na liwanag. Pagkatapos ay sinindihan ko ang isang maliit na birthday candle. Parang napakaliit nito, ngunit ang ningning ng katiting na liwanag na iyon ay sapat na upang pawiin ang kadiliman.
Iyon ang sagot sa akin! Ang malaking kadilimang nakapalibot sa atin sa mundo ay hindi talaga mahalaga. Ang liwanag ay walang hanggan at mas maningning kaysa kadiliman (tingnan sa II Mga Taga Corinto 4:6; Mosias 16:9; D at T 14:9). Kung mananatili tayong karapat-dapat sa palagiang patnubay ng Banal na Espiritu, ang ating mga kaluluwa ay mababanaagan ng sapat na liwanag na papawi sa anumang kadiliman, at aakit sa iba sa liwanag na nasa atin.
Ito lamang ang kailangan kong malaman. Pinalakas ako ng simpleng kaalamang ito sa nakalipas na 25 taon lakip ang kaalaman na sa pamamagitan ng tulong at patnubay ng Panginoon, magagawa—at maisasakatuparan—natin ang lahat ng kailangan Niyang ipagawa sa atin sa daigdig na ito na puno ng kadiliman.