2014
Ang Mensahe sa Akin ng Ama sa Langit
Pebrero 2014


Ang Mensahe sa Akin ng Ama sa Langit

Terumi Tuckett (kasama si Jill Campbell), Japan

Noong ako ay bagong-kasal at bagong miyembro ng Simbahan, lumipat kaming mag-asawa sa England. Bagama’t natuto ako ng kaunting Ingles sa paaralan, mahirap intindihin ang pagsasalita ko ng Ingles dahil malakas ang punto ko sa Japanese, at hirap akong intindihin ang puntong British.

Kaming mag-asawa ay mga miyembro ng Simbahan, ngunit hindi pa malakas ang aming pananalig nang magpakasal kami. Lagi kaming umuuwi pagkatapos ng sacrament meeting sa halip na manatili sa simbahan para sa iba pang mga miting. Ayaw naming tumanggap ng anumang tungkulin sa Simbahan.

Isang araw, para matulungan akong higit na makibahagi sa mga aktibidad ng Simbahan, tinawagan ako at tinanong ng isang lider ng Relief Society kung maaari akong magbahagi ng ilang bagay tungkol sa sarili ko sa susunod na weeknight Relief Society meeting. Sumang-ayon akong makibahagi, ngunit dahil limitado ang Ingles ko, hindi ko naintindihan na magdadala pala ako ng ilang bagay na ididispley.

Pagdating ko sa miting, agad kong natanto ang inaasahan nilang gawin ko. Tatlong mesa ang naroon na may mga mantel at bulaklak sa ibabaw. Mababasa sa isang karatula ang, “Kilalanin ang mga Sister.” Ang isa sa mga mesa ay may nakasulat na “Sister Tuckett.” Ngunit wala akong dalang mailalagay sa mesa ko. Sinikap kong itago ang mga luhang namumuo sa aking mga mata.

Malungkot na ako tuwing dadalo ako sa sacrament meeting dahil hindi ko lubos na naintindihan ang mga sinasabi roon. Madalas kong maisip, “Bakit ba ako narito?” Kaya pagdating ko sa Relief Society meeting na iyon at matanto ko ang pagkakamali ko, ipinasiya ko na hindi na ako dapat magsimba kahit kailan. Ginusto kong maglaho, pero kailangan kong sabihin sa lider ng Relief Society na hindi ako handa.

“Pasensya na po,” sabi ko. “Hindi ko naintindihan, at wala akong anumang mailalagay sa mesa ko.”

Tiningnan niya ako nang napakagiliw at sinabing, “Okey lang ‘yon—natutuwa ako’t narito ka.” Pagkatapos ay niyakap niya ako.

Napanatag ako, at sinabi sa akin ng Espiritu na ang sinabi niya ay isang mensahe mula sa Ama sa Langit—na mahal Niya ako at natutuwa Siya na naroon ako. Hindi ako gaanong makaunawa ng Ingles, ngunit ipinaunawa sa akin ng Espiritu ang kanyang mensahe.

Dahil sa damdaming ito, agad nagbago ang aking pasiya. Sinabi ko sa sarili ko, “Kung ganoon ako kamahal ng Ama sa Langit at gusto Niyang magsimba ako, gagawin ko iyon, gaano man kahirap.”

Mula noon, dumalo na kaming mag-asawa sa lahat ng miting ng Simbahan. Nagpasiya rin akong mag-aral ng Ingles. Unti-unti, mas naintindihan ko ang Ingles at natuto akong magsalita nito.

Nagpapasalamat ako sa sister na iyon na naghatid ng mensahe mula sa Ama sa Langit sa mahalagang bahaging iyon ng buhay ko. Ngayon, 15 taon pagkaraan, naglilingkod ako sa district Relief Society presidency sa isang English-speaking district sa Japan at nakatanggap ako ng training sa Simbahan para maging interpreter.