2014
Ako si Arina mula sa Russia
Pebrero 2014


Pakikipagkaibigan sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo

Ako si Arina mula sa Russia

Privet, drooks!*

Gusto ba ninyong magpatotoo sa iba? Siguro nagpapatotoo kayo sa simbahan. O siguro nagpapatotoo kayo sa inyong pamilya, kaibigan, at guro sa pagmamagitan ng pagpapakita ng mabuting halimbawa. Ito si Arina mula sa Kazan, Russia, at siya ay pitong taong gulang. Gusto niyang magpakilala pa sa inyo nang kaunti at ipaalam sa inyo ang maraming paraan kung paano niya nalaman na totoo ang Simbahan.

Bago ako matulog, nagbabasa kami ng nanay ko ng mga banal na kasulatan. Ang paborito kong kuwento ay sa 1 Nephi noong umalis si Lehi sa Jerusalem kasama ang kanyang pamilya. Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pagpapatotoo ay tinutulungan akong maghanda na mabinyagan.

Mahilig akong magtanghal sa entablado. Siguro namana ko ito sa nanay ko, dahil isa siyang propesyonal na opera singer. Mahilig akong kumanta at tumugtog ng biyolin.

Marami akong pagkakataong kausapin ang iba tungkol sa ebanghelyo. Niyayaya ko ang mga kaibigan ko na sumama sa akin sa Primary. Kanina lang, itinuro ko sa aking lola-sa-tuhod kung paano namin binabasbasan ang pagkain. Ngayon ay sama-sama na kaming nagbabasbas sa pagkain.

Masaya ang buhay ko sa Russia. Kapag mainit sa labas, lumalangoy kami ni Inay sa Volga River at naglalakad-lakad sa parke malapit sa bahay namin. Kapag malamig ang panahon, gusto naming mag-ice skate. Gusto rin naming panoorin ang pagtatanghal ng mga hayop sa circus at ang mga puppet sa doll theater.

  • “Hi, mga kaibigan!” sa wikang Russian.